Napakagat-labi si Danica habang hinahalo niya ang nilulutong pansit. Wala siyang pasok sa trabaho bilang taga labad sa mansiyon ng mga Marquina kaya naisip niyang gawin na ang naisip na plano.
Bata pa lang siya ay tumutulong na siya sa paglalaba ng kanyang lola sa pamilyang Marquina. Napangiti siya. Gusto man niyang matutong bumasa at sumulat ngunit dahil isa siyang babae at isa pa siyang maralita, hinding-hindi mangyayari ang kanyang pinapangarap. Magsasampong taon na siyang tumutulong sa kanyang lola sa paglalaba at kontento naman siya sa takbo ng kanyang karera sa buhay. Gusto man niyang lumuwas ng Maynila para doon magtrabaho bilang isang kasambahay sa isang piling pamilya pero hindi naman niya kayang iwan ang kanyang lola na siyang nagpalaki sa kanya simula ng dakpin ang kanyang ama ng mga espanyol dahil ito ay napagbintangang magnanakaw na kinalaonan ay hinatulan din ng bitay at ang kanyang ina ay inatake naman sa puso sa pagkakaalam na pinatay ang kanyang ama.
Dalawampu't-limang taong gulang na siya. Ipinanganak at lumaki siya sa Kalookan. Madalas siyang sabihan ng kanyang mga kaibigan na mag-asawa na ngunit hindi pa rin niya ginagawa. Pinupursige rin siya ng kanyang lola sapagkat ito daw ay matanda na. Pero ang madalas niyang isagot dito ay hindi pa sa ngayon, gusto pa niyang tulungan ito at magsaya sa buhay-dalaga. At iirapan siya nito bilang sagot sa kanyang sinabi.Namulat siyang ulila na, ngunit hindi naman kinapos ang kanyang lola sa pagbibigay sa kanya ng sobra-sobrang pagmamahal. Kumakayod ito buong maghapon kaya't tinutulungan niya ito sa kahit anong kanyang makakaya at doon nga nagsimula ang paninilbihan niya sa Hacienda Marquina nang magsimulang sumakit ang mga kasukasuan nito. Hindi man sila nakapagpundar ng sariling bahay at lupa ngunit nagpapasalamat sila sa kabutihan ng pamilya Marquina dahil hinayaan silang magtayo ng maliit na kubo sa malapit na taniman ng palay ng pamilya. Maliit lamang ang kanilang kubo sapagkat silang dalawa lang naman ng kanyang lola ang naninirahan dito.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang maisip ang kanyang sitwasyon. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya dahil wala siyang pasok o maiinis dahil sa biglaang pagkakaroon niya ng oras para magpakabaliw sa mga ideyang naglalaro sa isip niya.
"Ate Danica, 'yan na ba yong para sa sinisinta natin?" pukaw sa kanya ng makulit na dalagitang kapitbahay nila na si Juana nang biglang sumulpot ito galing sa likod-bahay. Ang alam niya ay naglalabada ito.
Kapitbahay nila si Juana na siyang pinatira rin ng pamilya Marquina sa lupain nito. Ubod ito ng daldal pero sa magandang paraan naman. Labing-pitong taong gulang na ito at naging malapit sa kanya ito nang lumipat ang pamilya nito galing Bonbon sa lupain ng mga Marquina.
"Sinisinta ka riyan," nakairap na sabi niya rito.
Alam nito ang dahilan ng pagluluto niya ng pansit.
"Sigurado ka ba, Ate, na talagang iyan ang paboritong pagkain ni Ignacio?" untag nito sa kanya.
Pinatay muna niya ang apoy galing sa pinaglutuan na kahoy bago ito tiningnan.
Muli siyang napakagat-labi. Sigurado siya na iyon ang sinabi no Ignacio sa kanya na paboritong pagkain nito noong nagkukuwentuhan sila. Ang problema niya ay kung paano niya ibibigay rito ang pagkain.
Bakit nga ba niya ipinagluto ito?
Napangiti siya sa kanyang naisip. Matagal na niyang lihim na gusto ang nag-iisang anak ni Don Sergio at Doña Raquel Marquina na si Ignacio. Alam niyang nangangarap siya ng gising ngunit wala namang masama sa paghanga diba? Malayo ang agwat ng estado nila sa buhay, alam niya. Nakapagtapos ito ng Pangangasiwa ng Negosyo sa Europa kaya ito ang namamahala sa negosyo ng pamilya nito.
Mabait ito, lingid sa dugong kastila. Masayang kasama, at maginoo. Moreno at makikita mo talaga sa pagmumukha nito ang pagiging banyaga kaya naaaliw siyang pagmasdan ang mukha nito ng patago. Malinis ang gupit ng buhok nito. Isa pang nagustuhan niya rito ay ang mga mata nito na tila wala man lang bahid ng kabastusan at pang-aalipusta. Lalaking lalaki ang tindig nito at tila maingat ito sa mga babae kahit pa nga nag-iisa itong anak ng mga magulang nito. Puwede ito sa kahit anong tungkulin --- perpektong kapatid na lalaki, kaibigan, kasintahan, at siyempre asawa.
Nakilala niya ito nang makasabay niya itong pumasok sa kusina ng mansiyon Marquina isang taon at kalahati na ang nakalilipas. Kararating lang noon nito galing sa Europa. Nahulog ang mga nilabhan niyang kurtina at nagmagandang-loob ito na tulungan siyang bitbitin ang mga nilabhan. Nagkataon kasi na sa kusina ito dumaan dahil nagmamadali. Mula noon, naging malapit na sila sa isa't isa.
Itinuturing siya nito na isang kaibigan at hindi taga-labada. Madalas silang mag-usap tuwing naglalakad-lakad ito sa loob ng hacienda at siya naman ay naglalaba sa may sapa na naging parte na ng hacienda. Ang masaklap lang ay, palagi naman siyang pinagagalitan ng kanyang lola sa pakikipag-usap rito. Tulad nalang ngayon. Tuwing naririnig ng kanyang lola ang pangalan ni Ignacio ay agad-agad siyang pinapangaralan nito.
Marami man ang nagsasabi na maganda siya pero hindi pa rin sila nababagay ni Igmacio dahil wala siya sa kalingkingan nito. Palagi man siyang pinupuri ng mga binatang katrabaho niya sa hacienda o kahit kahitbahay nila dahil daw sa kanyang maitim na buhok, mga matang laging nakangiti at kumukuti-kutitap, at makinis na balat na minana niya sa mestiza na ina niya ngunit nginingitian niya lang ito. Pero sapat na ba iyon para pumantay siya kay Ignacio at maipakita niya rito na hindi lang siya isang taga-labada sa tabi-tabi?
"Paano nga kaya?" napalakas na tanong niya sa kanyang sarili.
"Ang alin, Ate?" nagtatakang tanong ni Juana sa kanya.
Nagkibit-balikat siya. "Oo sigurado ako na ito ang paborito niyang pagkain pero nahihiya akong ibigay sa kanya ito, eh. Tayo na lang kaya ang kumain nito, Juana?" nakangusong sabi niya.
"'Andiyan na 'yan, Ate Danica, uurong ka pa ba? At saka ibibigay mo lang naman 'yan. Walang masama roon," iiling-iling na sabi nito.
Bumuntong-hininga siya. "Baka isipin ni Ignacio na may pagtingin ako sa kanya."
"Eh, di mas mabuti. Iyon nga ang dapat nating ipanalangin, 'di ba? Ipadala na ang lahat ng mga senyales, bata!" pagbibiro pa nito sa kanya.
"Sa palagay mo, hindi kaya hindi magandang tingnan o isipin 'yon, lalo na at babae ako?" pangungulit niya rito.
"Alam mo, Ate, ibibigay mo lang naman iyang pansit, eh. Pagkatapos, sabihin mo na kaarawan ko sa susunod na buwan upang makagala naman siya rito, hindi ko pa siya nakitang pumarito kahit lupain nila ito, ganoon lang 'yon. " pagbibigay nito ng lakas ng loob sa kanya.
Umupo siya sa upuan sa kainan, sabay nangalumbaba.
"Baka kapag nalaman iyon ni Lola at ng mga magulang niya, ay mapalayas pa kami sa hacienda at sa lupaing ito. " Panibagong rason na naman ang naisip niya.
Ayaw niyang mawalan ng trabaho at tinitirhan, pero ayaw rin niyang hindi man lang mabatid ni Ignacio ang nararamdaman niya.
" Hindi ka tunay, Ate, " natatawang biro ni Juana.
Napangiti siya dahil tila nababasa nito ang kanyang iniisip. Tumayo siya sa pagkakaupo at masiglang lumakad patungo sa kwarto ng kanilang kubo. Magpapalit muna siya ng maayos na baro't saya dahil sirasirang baro't saya na pambahay lang ang kanyang sinoot. Pagkatapos ay pupunta na siya sa hacienda nina Ignacio.
Wala nga naman siyang gagawing masama. Magtatanong lang sana siya kay Ignacio kung maaari ba itong dumalaw sa kaarawan ni Juana sa susunod na buwan. Malayo pa naman iyon at baka sakali ring maisingit pa ito ni Ignacio sa iskedyul nito. At baka sakali ring payagan ito ng mga magulang, pero bakit naman hindi?
Hangal. Sa tingin mo ito ay gagana? tanong ng isip niya.
Napanguso siya habang nagpapalit ng baro't saya.
Wala naman akong gagawing masama, gusto ko lang namang mapagtanto niya na baka, baka lang... Ako iyong nararapat para sa kanya, na sana bigyan kami ng pagkakataon ng tadhana, sagot din niya sa sariling tanong.
"Panalo ka sa sagot, kapatid!" sabi niya sa sarili.
Pagkatapos magbihis at saglit na maharang ng kanyang lola na nagtanong kung saan siya pupunta ay kinakabahan pa rin siyang naglakad patungo sa hacienda nina Ignacio. Batid niyang sa mga oras na iyon ay naroon ito at nagsisiesta. Alas dos na ng hapon, tapang pang-merienda ang dala-dala niyang pansit. Nakasuot siya ng ito na Baro't saya. Maganda na iyong komportable siya pero pormal pa rin ang dating.
BINABASA MO ANG
Hindi Inaasahan Pero Naging Sadya
RomanceSi Ignacio ang perpektong lalaki sa mga mata ni Danica, ang kanyang matalik na kaibigan. Kaya tahimik lang siyang humahanga sa binata para sa kanilang pagkakaibigan. Pero, pumasok si Julio sa larawan --- ang kaibigan ni Ignacio na mapaglaro pagdatin...