Matagal nang nakahimpil ang kalesa ni Ignacio sa tapat ng bahay nila pero hindi pa rin makuhang bumaba roon ni Danica. Tahimik namang nakaupo lang din si Ignacio sa kanyang tabi.
Hindi niya alam kung bakit ganoon ang naging reaksiyon niya nang makita sina Julio at ang kasama nitong babaeng na sa tingin niya ay karelasyon nito sa kasalukuyan.
Bakit masakit pa rin? Bakit tila may nabunot na tinik sa dibdib niya nang makita ang maamong mukha ng lalaking minamahal pa rin niya?
"Ako ay isang hangal na tao," basag niya sa nakakabinging katahimikan.
Tumawa si Ignacio.
"Bakit ka natatawa, senyorito?" naiinis niyang baling dito.
"Mabuti naman, alam mo na isang hangal na tao ka, binibini," biro nito sa kanya kaya nginitian na lang niya ito.
Bumaba na siya ng kalesa. Muli niya itong hinarap bago pumasok sa kanilang bahay. "Hindi ko alam, senyorito Ignacio, kung bakit ganoon ang naging reaksiyon ko nang makita natin kanina si Julio. Baka kasi may kasama siyang ibang babae, " sagot niya sa tanong nito.
" Kasi, may damdamin ka pa rin sa kanya, " sabi nito. Bumaba rin ito ng kalesa para sumunod sa kanya.
" Sa palagay mo, senyorito? " wala sa sariling tugon niya. Hindi ito sumagot bagkus ay hinaplos nito ang pisngi niya. Hindi siya umiwas dito, alam niyang magiliw na kilos lang iyon. Pero saglit pa ay lumapit na ang mukha ni Ignacio sa mukha niya.
Mabilis siyang umiwas sa gagawin nitong paghalik sa kanya. Kung noon siguro siya hinalikan nito marahil ay nagtatalon na siya sa tuwa pero hindi na ngayon dahil pareho nilang alam na si Julio pa rin ang mahal niya.
Nagulat siya nang may humila kay Ignacio at bigla itong sinuntok ng kung sino.
Nagulat at nagalit siya nang mamukhaan ang sumuntok at nagpaupo kay Ignacio sa maputik na bangketa---si Julio!
Nakita niyang nagulat din si Ignacio. Ipinahid nito ang kamay sa duguang labi nito.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" mariing tanong niya kay Julio.
Nagkibit-balikat ito sa tanong niya.
Nalilito at nabubuwisit siya rito kaya iyon lang ang nasabi niya rito. Lumuhod siya para tulungang makatayo si Ian.
"Pasensiya ka na, Binibining Danica. Hindi ko lang napigilan ang sarili ko na halikan ka. Ikaw ang perpektong babae na maaaring hilingin ng sinumang lalaki. Sana lang, magkaroon na uli ng lakas ng loob ang kaibigan kong si Julio na itama ang mali niya, " mahina pero makahulugang sabi ni Ignacio nang hindi sinagot ni Julio ang tanong niya.
Kumunot ang noo niya. " Ano'ng sabi mo? "
" Paano ko maitatama ang mali ko kung traidor ka pala? " galit na sigaw ni Julio kay Ignacio.
" Ignacio, ano'ng sinasabi ng lalaking ito? " naguguluhang tanong niya. Hindi niya maintindihan ang mga ito na tila may lihim ang mga ito.
Tinitigan niya si Julio pero agad din niyang binawi ang tingin niya rito dahil sa nakakapasong pagtitig nito sa kanya.
"Bumalik ako para sayo," deretsong sabi ni Julio sa kanya na tila wala roon si Ignacio.
Kumunot ang noo niya. "Hindi kita maintindihan. Sino'ng nagbigay sa'yo ng ideya na gusto pa kitang makita?" naiinis na tanong niya kay Julio.
" Julio, sa tingin ko hindi ito ang tamang oras," sabad ni Ignacio.
" Hindi ikaw ang kinakausap ko, Ignacio. At hindi ko kailangan ang payo mo ngayon, " galit na sabi ni Julio.
Tiningnan ni Julio nang masama ang kaibigan sabay hawak nito sa kanyang braso. "Mag-usap tayo, binibining Danica," yaya nito sa kanya.
Galit na hinila niya ang braso mula sa pagkakahawak ni Julio. "Umalis ka na, Julio. Ayaw na kitang makita pang muli."
" Kailangan nating mag-usap, alang-alang sa kabutihan! Huwag mong pairalin ang tigas ng ulo mo, " sermon ni Julio sa kanya.
Nagulat siya nang hawakan ni Ignacio ang kabilang braso niya at hilahin din siya nito para makawala kay Julio.
"Bitawan mo siya, Julio," mariing utos ni Ignacio.
Nakakalokong ngiti lang ang sagot ni Julio sa utos ni Ignacio.
Natatakot siyang magkagulo ang mga ito. Kaya nang lumabas ng bahay nila ang lola niya ay sabay niyang hinila ang mga braso niya sa mga ito.
"Ignacio, hindi ko maintindihan kung bakit kayo nagkakaganyan," sabi niya kay Ignacio bago bumaling kay Julio. "At ikaw naman, Julio, ang lakas din ng loob mong magpakita pa sa akin pagkatapos ng lahat ng ginawa mo. Ang kapal mo rin, ha! Kaya kung maaari lang, huwag kayong gumawa ng eksena rito?" nanggigigil na sabi niya sa mga ito.
"Papunta na sana ako sa panciteria kung saan naroroon kayo kanina ni Ignacio. Napag-usapan namin ni Ignacio na tutulungan niya akong makausap ka pero nakita ko kayong papaalis na bago pa ako makalapit sa inyo. Kaya, Ignacio, sabihin mo sa akin, kung ano'ng pumasok diyan sa isip mo para gawin iyon?" may hinanakit sa tono na sabi ni Julio.
Namutla si Ignacio nang tingnan niya ito. "Hindi ko iniisip na handa na si Danica, Julio, " katwiran ni Ignacio.
"Wala akong pakialam sa mga rason mo. Nakikita ko kung ano ang sinusubukan mong gawin, Ignacio. Akin si Danica, " galit na sabi ni Julio.
Natahimik sila ni Ignacio dahil sa sinabi ni Julio.
Nanghina siya nang mapagtanto ang nangyayari sa paligid niya. May komunikasyon pa pala si Ignacio kay Julio. Sa madaling-salita ay nag-uusap ang mga ito para itakda siya ni Ignacio na makipagkitang muli kay Julio. Pero bakit pa bumalik uli si Julio?
Bumalik lang ba si Julio para muling sugatan ang kanyang puso at pagkatao?
Naramdaman niyang hinawakan ni Julio ang kanyang mga pisngi at hinaplos iyon. Pinigilan niyang mapapikit dahil tila gumaan ang pakiramdam niya sa ginawa nitong paghaplos.
"Miss na kita, Binibining Danica," bulong ni Julio sa kanya. Tinitigan niya ito. Tila wala itong pakialam kung kaharap man nila ngayon si Ignacio. Nakita niyang ipinaling ni Ignacio ang tingin nito sa ibang direksiyon.
Gising na, Danica! Baka isa na naman iyan sa mga bitag ni Julio! babala sa kanya ng isip niya.
Inalis niya ang pagkakahawak ni Julio sa kanyang mga pisngi. Kailangan niyang maunawaan kung ano talaga ang nangyayari bago siya makapagpasya kung ano ang gagawin.
"Ignacio, totoo ba ang sinasabi niya? Nag-takda ka ng petsa para sa amin?" sabi niya ng muli niyang binalingan si Ignacio.
Tumango ito bilang pagsang-ayon. May bahid pa rin ng dugo ang gilid ng labi nito sa pagkakasuntok ni Julio.
" Nagkunwari ka lang pala na wala kang alam? B-bakit?" Binale-wala muna niya ang sakit na nararamdaman niya para malaman ang buong katotohanan.
Tumango si Ignacio. "Patawad, binibini. Saka ko na sasabihin sa'yo kung ano ang dahilan ko sa paglilihim sa'yo pero sana mapatawad mo ako."
Pagkasabi niyon ay tumalikod na si Ignacio sa kanila at tinungo ang kalesa nito. Pinatakbo ng kutsero ang kabayo at iniwan silang dalawa ni Julio. Nanatiling nakatingin siya sa direksiyong dinaanan ng kalesa ni Ignacio.
BINABASA MO ANG
Hindi Inaasahan Pero Naging Sadya
RomanceSi Ignacio ang perpektong lalaki sa mga mata ni Danica, ang kanyang matalik na kaibigan. Kaya tahimik lang siyang humahanga sa binata para sa kanilang pagkakaibigan. Pero, pumasok si Julio sa larawan --- ang kaibigan ni Ignacio na mapaglaro pagdatin...