Napako siya sa kanyang kinatatayuan nang marinig ang pangalan ng kaibigan niya. Kumunot ang noo ni Julio sa kanya kaya agad niya ang itong nginitian. "S-senyor Julio, pumarito na po kayo, umupo na po kayo rito senyor. Nagpapa-gandang lalaki pa po kayo riyan." Idinaan na lang niya sa biro ang pagtawag dito upang malihis ang atensiyon nito sa naging reaksiyon niya.
Mayamaya ay narinig na nila ang boses ni Ignacio. Hindi na tuloy siya mapakali sa kanyang upuan.
"Magandang hapon, manang Emi," bati ni Ignacio sa kanyang lola, sabay ng mahinang pagkatok nito sa kanilang sala bago nagpasintabi ang kanyang lola sa kanila na ihahanda na nito ang pagkain. Nang makita siya nito ay ngumiti ito sa kanya, sinagot naman niya ito ng ngiti.
Tila siya binuhusan ng malamig na tubig nang makitang kasama nito ang isang napakagandang babae. Kung titingnan mo ang huli napakatingkad, tila isang anghel na bumaba galing sa kalangitan.
"Magandang araw sa iyo, binibining Danica," nakangiting bati ni Ignacio sa kanya.
"Magandang araw rin po, senyorito Ignacio. Matagal na po simula noong huli nating pagkikita sa hacienda," sagot niya. May kirot pa rin siyang nararamdaman sa kanyang puso pero hindi na iyon kasinsakit ng dati.
Nalilito siya. Parang nagkaroon na siya ng kapayapaan ng isip at tanggap na niyang wala na siyang puwang sa buhay nito.
"Ah, senyorito Ignacio, ang saya naman ng araw na ito, nandito rin ang kaibigan ninyo ni Danica. Matutuwa ang anak ko nito at marami siyang bisita," anang lola niya.
Ngumiti si Ignacio sa kanyang lola bilang sagot.
"Ignacio, ipakilala mo naman ako sa magiging asawa mo," sabi ni Julio. Tumingin pa ito sa kanya na tila inaabangan ang magiging reaksiyon niya.
Nilapitan niya ang kanyang lola na naghahain na sa mesa. Tinulungan niya ito. Inihain din niya ang tinapay na binili niya. Hindi kalayuan ang hapag nila sa kanilang sala kaya nakikita pa rin nilang mag-lola ang kanilang mga bisita.
"Monica, mi amigo y proveedor comercial, Julio. Julio mi prometida es Monica. (Monica, kaibigan ko at tagapagtustos sa negosyo, si Julio. Julio, ang aking makakaisang dibdib, si Monica.)" Matamis na ngumiti si Ignacio pagkasabi niyon.
"Hola. Felicidades por tu próxima boda, (Kamusta. Binabati ko kayo sa nalalapit ninyong pagpapakasal,)" nakangiting sabi ni Julio kay Monica. Umasim naman ang ekspresyon niya sa sinabing iyon ni Julio.
"Gracias, (Salamat,)" maikling sabi ni Monica kay Julio.
"Kaibigan, ano nga pala ang ginagawa mo rito kina binibining Danica?" tanong ni Ignacio kay Julio.
"Ah, nagkita kami ni binibining Danica kanina kaya inihatid ko na siya," sagot ni Julio. Inanyayahan na ang mga ito ng lola niya palapit sa mesa. Umupo sa kabisera ang lola niya.
Si Julio ay pumuwesto sa tabi niya at katapat nila sina Ignacio at Monica, na todo ang pag-aasikaso sa kasintahan nito. Si Julio naman ay tila nakakalokong nilagyan din ng pagkain ang plato niya. Kumunot ang noo ni Ignacio sa pag-aasikasong ginawa ni Julio sa kanya. Nagpasya siyang huwag na lang pansinin si Julio at Ignacio.
"Ganoon ba? Ang layo yata ng Cubao dito. May ihahatid ka na bang produkto, Julio?" tanong ni Ignacio. Nagsimula na itong kumain.
Nagkibit-balikat si Julio. "Oo sana at isa pa may bahagi sa akin na gustong makita uli si binibining Catakutan," deretsong sagot nito.
Napangiti ang lola niya.
Tiningnan niya nang masama si Julio.
"Están saliendo las dos? (Magkasintahan ba kayong dalawa?)" Kabigla-biglang pagsasalita ni Monica na di niya naintindihan.
Tumingin siya kay Ignacio.
"H-ha? Hindi ko po naintindihan ang sinabi ninyo, senyorita." parang tangang sagot niya sa tanong ni Monica.
"No. Todavía no. (Hindi. Hindi pa.)" Si Julio na ang sumalo sa tanong ni Monica.
Tinitigan siya ni Ignacio. Nag-init ang mga pisngi niya dahil wala siyang kaalam-alam sa pinagsasabi nila. May balak ba silang paglaruan siya?
"Aba, wala naman akong tutol basta iingatan mo ang apo ko, ha, senyorito Julio?" singit ng lola niya.
"'La!" bulalas niya. Naintindihan kaya ng lola niya ang pinagsasabi nila, siguro, dahil sa tagal na nitong naninilbihan sa mga Marquina na purong banyaga at matagal-tagal na rin itong nabuhay sa mundong ibabaw.
"Minsan, masungit lang iyang si Danica pero suwerte ka diyan, senyorito, kapag nagkataon."
Pasimpleng pinatid niya si Julio sa ilalim ng mesa dahil naguguluhan na talaga siya.
"Ano, binibini?" Ngumiti pa ito sa kanya na tila batang walang muwang.
"Ano'ng mayroon?" mahinang tanong niya rito.
"Sasabihin ko sa iyo mamaya, binibini," anito, sabay ngiti nang matamis.
Sabay silang napatingin sa direksiyon ni Monica nang pasosyal na tumawa ito.
"Se ven tan lindos juntos.¿No es asi, Ignacio querido? Te ves bien juntos, (Ang ganda nilang tingnang dalawa. Hindi ba, Ignacio mahal? Nararapat kayo sa isa't-isa,)" sabi nito sa kanilang dalawa ni Julio.
Nakatulala lang si Ignacio sa tabi ni Monica. Nahalata yata ni Monica ang naging reaksiyon ni Ignacio sa sinabi nito kaya mahina nitong tinapik si Ignacio.
"H-ha?" wala sa sariling sagot ni Ignacio.
"Dije, Julio y Danica hacen una pareja graciosa y linda, (Sabi ko, nakakatawa at magandang kapareha sina Julio at Danica,)" ulit pa ni Monica.
Ano daw, o. Ano kami, pareja? Anong pareja? komento ng makulit na bahagi ng isip niya.
"O-oo. Ingatan mo ang matalik kong kaibigan, Julio."
"Oo naman, kaya ko yan," matigas na sagot ni Julio.
Tumikhim si Monica.
" Senyorita Monica, gusto po ba ninyo ng tinapay?" alok niya rito dahil naiilang na siya nang sobra-sobra sa naging pag-uusap nina Julio at Ignacio.
Umiling ito. " No me gustan los carbohidratos. Una cosa más, necesito mantener mi figura para poder ponerme mi vestido de novia, (Hindi ako mahilig sa tinapay. Isa pa, kailangan kong mapanatili ang pigura ko para magkasya ako sa aking damit pangkasal,)" maarteng sagot nito.
Isa marahil iyon sa hindi niya masakyan, hindi naman sa hindi talaga siya nagmamalasakit, pero hindi kasi siya makasabay sa mga mataas na pagpapanatili na mga babae na siyang tipo siguro ni Ignacio dahil sino naman siya, isa lamang taga-labada.
Halos isang oras din tumagal ang pagdiriwang nila sa kaarawan ng kanyang ama. Mabuti na lang at na-manipula ng kanyang lola ang naging pag-uusap nina Julio at Ignacio kaya hindi na naulit ang nakakailang na eksena sa pagitan ng mga ito.
Inamin niya sa kanyang sarili na may parte ng pagkatao niya ang naiilang at hindi mapakali sa presensiya ni Julio. Kahit naman nang pauwi pa lang sila ay ganoon na ang nararamdaman niya para dito at hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang nararamdaman niya.
" Mauuna na kami, binibining Danica. Salamat sa masarap na pagkain. " Bahagya siyang nagulat nang marinig ang tinig ni Ignacio sa kanyang likuran.
BINABASA MO ANG
Hindi Inaasahan Pero Naging Sadya
RomanceSi Ignacio ang perpektong lalaki sa mga mata ni Danica, ang kanyang matalik na kaibigan. Kaya tahimik lang siyang humahanga sa binata para sa kanilang pagkakaibigan. Pero, pumasok si Julio sa larawan --- ang kaibigan ni Ignacio na mapaglaro pagdatin...