Ikatlong Kabanata

3 0 0
                                    

Lumapit ito sa kanila ni Ignacio.

"Salamat sa pagpunta mo, kaibigan," sabi ni Ignacio sa lalaki.

"Oo naman, walang problema. Pag-usapan na natin ang negosyo?"

Tumango si Ignacio at tiningnan siya. "Binibining Danica?"

"H-ha, opo senyorito?" gulat na sabi niya. Tumawa ito kaya sinisita niya ito. "Bakit po kayo tumatawa, senyorito?"

"Para ka kasing natuklaw ng ahas, binibini," sagot nito. "Siya nga pala si Julio Lim, yong sinasabi ko sa 'yo kanina na kaibigan ko na kukuhanan ko ng pananim para sa negosyong aking itatayo."

Ngumiti siya kay Julio at yumuko. Walang emosyon ang mukha nito habang nakatingin sa kanya na tila may nakikitang mali sa kanya. " Danica po, senyor." Pakilala niya sabay yuko ulit.

" Natutuwa akong makilala ka," maikling sabi nito, sabay halik sa kanyang kamay.

Kakaiba. Pero biglang nag-init ang kanyang pakiramdam nang magdaop ang kanilang mga kamay at nararamdaman niya ang mga labi nito sa kanyang mga kamay. Mabilis niyang binitawan ang kamay nito.

"Matalik kong kaibigan, si binibining Danica Catakutan," nang-iinis na sabi ni Ignacio. Napasimangot siya. Gustong-gusto talaga nito na sinasabi ang mabantot na apelyido niya. Lalo siyang nainis nang marinig niya ang tawa ni Julio. Tila libang na libang ito.

"Ignacio, hindi ba nananakal itong kaibigan mo? Apelyedo pa lang, nakakatakot na," sabi nito.

Nainis siya sa sinabi nito. " Ah, senyor Julio, nandito po ako. Hindi po ba kayo nahihiyang maging biro ang apelyido ko habang nandito pa po ako?" mataray na tanong niya. Nagtinginan ito at si Ignacio. " Lim, tama po ba? Lim ang apelyido po ninyo, senyor? Kaya, intsik po kayo?"

Ngumiti at tumango si Julio.

Kinalimutan muna niya ang sakit ng kalooban dahil sa nalalapit na kasal ni Ignacio. Mamaya na lang siya magdaramdam pag-uwi niya sa kanilang bahay. Ang singkit munang ito ang haharapin niya.

"Huwag niyo pong tutubuan nang malaki si Ignacio sa mga produktong ibebenta po ninyo, senyor? Alalahanin niyo po na negosyante rin siya," deretsahang sabi niya kay Julio.

"Binibining Danica ---" pigil ni Ignacio sa kanya.

Bago pa uli siya makapagsalita ay nagsalita na si Julio. Tinitingnan siya nito.

"Huwag kang mag-alala, hindi ko iyan gagawin, binibini. Kasimbango ng apelyido ko ang reputasyon ng negosyo ko."

Gusto niyang punasan ang baluktot na ngiti sa pagmumukha ng lalaki pero minabuti niyang magkunwari na lang na walang narinig.

" May bagyo ba, senyorito?" patuyang sabi niya.

Mahinang hinawakan ni Ignacio  ang  balikat niya. "Ahm...Kaya, ano kaibigan, pag-usapan na ba natin ang mga dapat kong malaman tungkol sa mga produkto?"

"Sigurado," tugon ni Julio.

Nakasimangot siyang tumingin sa mga ito. Bakit ba kasi nakilala pa niya ang Julio na ito sa pinakapangit na araw ng kanyang buhay?

" Senyorito Ignacio, uuwi na po ako," paalam niya sa kaibigan.

" Salamat dito sa dala mo, binibini? Magkikita naman tayo bukas dahil may pasok na kayo."

Nakita niyang tila pinipilit ni Julio na itago ang nakalolokong ngiti sa mga labi nito. Tatalikod na sana siya nang magpasya siyang paringgan ito. " Sana po sa pagpasok nami bukas walang na pong bagyo dito sa inyo, senyorito." Pasimpleng inirapanpa niya si Julio at saka mabilis na umalis doon. May mga lalaki talaga na sobra ang bilib sa sarili.

Mabuti pa si Ignacio, hindi gano'n.

Nang maalala uli niya si Ignacio ay nanghina uli ang kanyang mga tuhod. Pero pinipilit pa rin niyang maglakad pauwi sa kanilang bahay. Bagsak ang magkabilang balikat na pumasok siya sa kanyang silid.

Hindi pa man, wala ka na agad sinabi Danica Catakutan, malungkot na sabi niya sa sarili paghiga niya sa papag.

Wala sa sariling nakatitig lang siya sa bubungan ng bahay. Si Ignacio ang gusto niyang isipin pero ang impaktong mukha ni Julio ang paulit-ulit na nakikita niya sa kanyang isip.

Lalo siyang nabuwisit nang ang sumunod na eksenang nakita niya ay sina Ignacio at isang napakagandang babae na nasa harap ng altar habang siya ay isang hamak na sawing abay. Ang galing talagang maglaro ng tadhana.

Gusto niyang magtitili sa inis pero nahihiya siya sa sarili. Unang-una, wala siyang karapatan na umaktong parang isang baliw dahil ang pinanghahawakan lang niya ay ang hindi naitalang pagtingin niya para kay Ignacio.

Paghanga lang pala, eh, buti sana kung mahal mo na, kapatid.

Napanguso siya sa naisip. Papunta na nga sana sa pag-ibig ang espesyal na damdamin niya kay Ignacio. Handa na siyang magseryoso sa nararamdaman niya pero dahil nga mali ang sitwasyon nila kaya pinipigilan niya ang sariling mahulog nang lubos rito. Lalo na at may espesyal na babae na sa buhay nito. Masakit at masaklap mang tanggapin ay talagang wala na siyang pag-asa pa rito.

Namalayan na lamang niya na may tumutulong mga luha sa magkabilang pisngi niya. Pinahid niya ang mga iyon. Halos hindi pa nga dinala ni Ignacio dito ang kasintahan niya at isang araw ikakasal na agad ang mga ito. Malaking kalokohan iyon para sa kanya pero wala siyang karapatang sabihin na "Hindi puwede!" dahil mas malaking kalokohan iyon. Tanggapin man niya o hindi sa kanyang sarili ay kailangan na talaga niyang dumistansiya kay Ignacio.

Hindi siya dapat mabaliw sa nangyari kahit sobrang sakit niyon. Hindi niya alam kung paano siya magpapatuloy. Mas madali sigurong sabihin sa sariling kalimutan na ang taong mahal niya kung sikil na sikil niya ang kanyang damdamin.

" Akin na lang sana siya," parang batang sabi niya.

Nagkaroon na siya ng dalawang manliligaw noon pero hindi siya nakaramdam ng ganitong pagkagusto. Pero bakit nga ba siya nasasaktan kung ang lalaking gusto niya, ni minsan ay hindi siya napansin bilang isang dalaga kahit alam naman niya ang estado nilang dalawa sa buhay o isa rin itong kadahilanan?

Talaga nga yatang malas siya pagdating sa pag-ibig.

Bumuntong-hininga siya at nagpasyang magtahi para mabawasan ang kanyang sama ng loob.

Habang nagtatahi na siya ay bigla niyang naalala ang suplado-at-guwapong mukha ni Julio. Nagtakip siya ng unan sa mukha.

" Ano bang mayroon sa mayabang at mayamang unggoy na iyon?" tanong niya sa kakulitan ng sariling imahinasyon.

HINDI mapakali si Danica sa kanyang kinauupuan. Gusto niyang mainis sa sarili sa pinasukang sitwasyon. Kanina, sa halip na pumasok sa trabaho ay sinabi niya sa kanyang lola na maghahanap siya nang ibang mapagkakakitaan sa palengke. Kaya hayun siya ngayon, kasama ang naging kaibigan at katrabaho niya na si Kuring na saktong walang pasok kaya niyaya siyang pumunta sa palengke.

Kaibigan niya si Kuring. Makuwento ito at laging masigla, pero mabait naman. Dalagang-ina ito at may isang anak, kaya libre ito sa mga ganitong bagay kapag natipuhan nito.

Hindi Inaasahan Pero Naging SadyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon