Labing-isang Kabanata

0 0 0
                                    

"Magandang hapon po, senyora. Ako po si Danica. Ito naman ang kaibigan kong si Juana. Kumusta po kayo, senyora?" Hindi siya marunong mag-Mandarin kaya binagalan na lang niya ang pagsasalita dahil baka hindi siya maintindihan ng lola ni Julio.

"Ako sige lang, ikaw ba kasintahan nito Julio?"

Napaawang ang mga labi niya nang sagutin siya nito. Marunong pala itong mag-Tagalog pero barok nang kaunti.

Kahit na, nakakaintindi at nakakapagsalita siya ng Tagalog, anang isip niya.

"Naku, hindi po, senyora. Kaibigan po ako ni Julio," mabilis na sagot niya rito.

"Hindi pa, Ama. Pero magiging asawa ko siya sa hinaharap," tila hindi nakasisigurong sabi ni Julio.

Inirapan ni Lola Paz si Julio. Samantalang nakakalokong ngumiti lang si Julio sa reaksiyon ng lola nito. Kapagkuwan ay binalingan siya nito.

"Dadalhin ko lang itong mga gamit ninyo sa inyong mga silid. Magkuwentuhan muna kayo, ha?" Hindi na siya nakaangal nang mabilis na iniwan sila nito kay Lola Paz.

"Ikaw upo, huwag ka hiya," sabi nito sa kanya.

"Pasensiya na po kayo sa abala, senyora," hinging-paumanhin niya sa biglaan nilang pagbisita rito.

Ikinumpas nito ang mga kamay na tila nagsasabing walang kaso iyon. "Ikaw tingin ko gusto ng apo ko. Una ikaw babae pakilala niya sa akin. Hindi ka niya talaga kasintahan?" pangungulit pa nito.

Nag-init ang mga pisngi niya. "Danica, hindi ba?" tanong uli nito.

Tumango siya bilang sagot.

Nginitian siya nito na nagpagaan sa kanyang loob. "Alagaan mo Julio? Mabait bata iyan. Minsan mahirap turuan, matigas ulo kasi pero totoo siyang tao.

"Po, senyora?" Naguluhan siya sa sinabi nito.

Bakit kailangan mo pang alagaan si Julio, eh, mas malaki pa nga siya sa'yo? tanong ng makulit niyang isip.

"Hindi po ako Intsik, senyora. Purong pilipina po ako, mahirap lang din po ako. Taga-laba ako ng isang marangyang pamilya sa Maynilad, paano po iyon?" Hindi niya alam kung bakit niya naitanong iyon.

Bigla itong tumawa nang malakas. "Ikaw kakatawa naman. Wala iyon, aprubado ka sa akin. Wala ako pakialam, mayaman, mahirap. Importante mahal isa't isa." Itinaas nito ang dalawang hinlalaki kaya natawa na rin siya.

NANG sumapit ang gabi ay sabay-sabay silang naghapunan. Masayang kausap si Lola Paz. Ipinakita pa nito kay Danica ang mga larawan ng sanggol pa si Julio. Tawa siya nang tawa dahil sa hitsura ni Julio, samantalang hiyang-hiya naman ito sa kanya.

Pagkatapos niyon ay nagyaya si Julio na pumunta sa likod-bahay kung saan may palaisdaan, hindi na sumama su Juana dahil sa pagod. Maliwanag ang parteng iyon ng bakuran dahil sa mga ilaw na nanggagaling sa mga gasera.

"Ang ganda naman po dito, senyorito." Hindi niya naitago ang paghanga sa paligid.

"Julio nalang sabi. Ipinaayos ko ito para kay ama. Para makapagpahinga siya kahit hindi ako madalas na dumadalaw rito, " sabi ni Julio.

Tumango-tango lang siya.

"Salamat, Danica, para maging sulit ang buhay ko, " seryosong  sabi nito habang nakatingin sa kanyang mukha.

Naiilang man ay nginitian niya ito. " Bakit po, ako lang ba ang dahilan? Nsndiyan naman si Lola Paz, ang pamilya mo. "

" Madaming nagbago sa pananaw ko mula nang nakilala kita. Hindi mo siguro maintindihan sa ngayon, pero wala pa tayong dalawang buwang magkakilala pero may mga bahagi na akong nasasabi sa'yo na ikaw lang ang nakakaalam. Parang kilala kita noon pa. "

" Kakaiba pero ganoon din ako sa iyo. Masaya akong nakilala kita, " pag-amin niya rito. Tama lang sigurong sabihin din niya ang nararamdaman niya para dito.

Parang may mga paru-parong humahalukay sa sikmura niya sa ginawa nito, tila may kuryenteng nagmula sa dulo ng mga daliri nito na dumaloy sa kanyang mukha.

" S-sabi ni Lola Paz, ako lang ang ipinakilala mo sa kanya, " kinakabahang sabi niya rito. "Ganoon ba ako ka-ganda? Ganoon ba ang dating ng apela ko sa iyo? " pagbibiro niya.

Tumawa ito sa kanya kaya naaamoy niya ang mabangong hininga nito. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib at sa isang maling kilos ay maaaring maglapat ang kanilang mga labi.

" Noon, walang hirap kapag gusto kong halikan ang babaeng kasama ko. Pero pagdating sa iyo, kinakabahan ako kaya magpapaalam ako sa iyo nang maayos. Ngayon ko lang ito ginawa, at sa iyo lang. Binibining Danica Catakutan, maaari ba kitang halikan? " malamyos na tanong nito.

Paano siya makakalaban?

Pumikit siya. Ilang segundo lang ay lumapat na ang malambot na mga labi nito sa mga labi niya. Sa simula ay dampi lang iyon hanggang sa lumalim. Hindi nagtagal ay napagtanto niya kung gaano kagaling humalik si Julio. Napayakap siya sa batok nito dahil sa sensasyong dumaloy sa kanyang katawan. Lalo pang pinalalim nito ang paghalik nito sa kanya.

" Siguro, pagdating sa iyo madalas na puso ang gagamitin ko at hindi lang basta utak. Gusto ko kasing malaman mo ang totoong intensiyon ko sa iyo, Danica. Gusto kong malaman at maramdaman mong mahal kita, " puno ng emosyong sabi nito sa kanya.

Inamin na niya sa sarili na mahal na niya ito dahil hindi siya magpapahalik dito kung hindi ganoon ang nararamdaman niya.

Binitawan nito ang baywang niya. Nang wala itong makuhang sagot mula sa kanya ay tinalikuran siya nito at akmang aalis na. Hinawakan niya ang kamay nito upang pigilan ito sa pag-alis.

Napansin niyang namutla ito, nakakunot pa ang noo nito. May masama ba siyang nagawa?

"I-iniibig na rin kita, " pagtatapat niya rito.

Nagliwanag ang mukha nito. "Hindi ba paglilipat iyan sa pagkabigo mo kay Ignacio?"

Alam niyang nagbibiro lang ito kaya pabirong inirapan niya ito. Tumawa ito at lumapit uli sa kanya. Padamping hinalikan nito ang mga labi niya.

"Ako ang pinaka masayang tao sa mundo dahil sa sinabi mo," sambit nito.

"Salamat," sagot niya.

Mataman siyang tiningnan nito, waring sa pamamagitan niyon ay ipinararating nito sa kanya na totoo ang bawat salitang binitiwan nito.

PAGGISING ni Danica kinabukasan ay tiningnan agad niya kung nasa bahay pa ba siya ng lola ni Julio at kung ang lahat ay hindi lamang panaginip. Nakahinga siya nang maluwag dahil naroroon pa rin siya sa kuwartong inilaan ni Lola Paz para sa kanya. Napangiti siya sa sarili nang kurutin ang braso niya at naramdaman ang sakit. Ang ibig sabihin, totoong hinalikan siya ni Julio nang nagdaang gabi. Totoong magkasintahan na silang dalawa.

Hindi Inaasahan Pero Naging SadyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon