Labing-siyam na Kabanata

2 0 3
                                    

"Binibining Danica..." untag ni Julio sa kanya.

Tiningnan niya ito. Na-miss daw siya ni Julio, pero bakit siya niloko nito noon? Ano pa bang kailangan nito sa kanya ngayon?

"Binibini, kailangan kong ayusin ang mga bagay na nasira ko noon. Bigyan mo naman ako ng isa pang pagkakataon, " pagsusumamo ni Julio sa kanya.

"Binibini, makinig ka sa akin, pakiusap. Ipapaliwanag ko sa iyo kung bakit kita iniwan at sinaktan noon," sabi nito.

"Oo, umalis ka at iniwan mo ako sa kawalan, hindi ba?"

" Binibini, patawarin mo ako. " Napapikit ito na tila nahihirapang ipaliwanag sa kanya ang dahilan kung bakit nito nagawa iyon sa kanya.

Nais nito ng pangalawang pagkakataon pero handa na ba siyang pagbigyan ito pagkatapos ng lahat ng sakit na idinulot nito sa kanya? Bukas na ba ang isip niya para kay Julio? Kung ang puso niya ang tatanungin ay mabilis na "oo" ang sagot nito dahil si Julio pa rin ang itinitibok niyon. Hindi tulad ng kanyang isip na takot na muling masaktan.

"Alam mo ba ang sakit na idinulot mo sa akin nang lokohin mo ako?" sumbat niya rito.

Hindi ito sumagot at nanatiling nakatingin lang sa kanya. "Nang sumama ka sa ibang babae nang hindi man lang nagbibigay sa akin ng dahilan?" dagdag pa niya.

"Kaya nga nandito na uli ako para magpaliwanag. Para itama ang mga ginawa kong mali. Ako na nga ang pinakaestupidong lalaki nang iwan kita noon."

Tinitigan niya ito at saka mapait na ngumiti.

" Alam mo, Ginoong Lim? Wala talaga akong pakielam." Mabilis na tumalikod siya rito at pumasok sa kanilang bakuran. Naiiyak na siya at ayaw niyang masira sa harap nito.

Inamin na niya sa kanyang sarili na may katangahan siya pagdating sa pag-ibig. Dahil mahal na mahal pa rin niya si Julio.

Huminga siya nang malalim bago pumasok sa kanilang bahay. Napadako ang tingin niya sa nakalagay na tabako sa mesa na bigay noon sa kanya ni Julio.

Lalong bumigat ang kanyang loob.

Hangal, walang kwentang alaala, aniya sa isip.

MAGULO pa rin ang isip ni Danica dahil sa mga nangyari nang nagdaang araw at lalo siyang naguluhan nang makitang inaabangan siya ni Ignacio sa labas ng kanyang tindahan. Tila bumalik ang lahat ng nangyari. Gusto sana niya itong iwasan pero alam niyang hindi maaayos ang lahat kung iiwasan lang niya ito.

"May kasalanan ako sa iyo, binibini," bungad ni Ignacio nang pumayag siyang sumabay rito sa pag-uwi.

"Meron nga. Ang masama, hindi ko alam kung ano-ano ba ang mga iyon. Ignacio, pakiusap... Sabihin mo sa akin ang lahat ng kailangan kong malaman," pakiusap niya rito.

Hindi pa pinapatakbo ng kutsero ang kalesa kaya nakahimpil pa rin sila sa labas ng tindahan niya.

Tumikhim si Ignacio at nagsimula na siyang magsalita. " Mali ako na hinayaan kita nang magyaya kang umuwi kahapon kahit na alam kong nais kang kausapin ni Julio."

Hinayaan niya itong ipaliwanag sa kanya ang lahat at mataman siyang nakinig dito.

"Gusto ka niyang makausap uli, pero para akong gago na natakot na bumalik ka sa kanya kapag nalaman mo ang totoo," anito na tila nasasaktan.

"Anong totoo? At bakit ka natatakot, Ignacio, kaibigan mo ako," nalilitong sabi niya rito.

Tumingin si Ignacio sa kanyang mukha, saka ngumiti. "Ang totoo ay, hindi pa rin ako makapaniwala na mahal nga kita, Danica. Hindi bilang kaibigan ko, pero alam kong hindi ko naman maaaring hadlangan ang nararamdaman ninyo ni Julio. Kitang-kita ko naman na siya ang mahal mo at ganoon din siya sa iyo. Hindi ko alam kung bakit, umarte ako na parang isang tanga, nang hindi ko agad sabihin sa iyo ang kalagayan ni Julio at kung bakit gusto ka niyang makausap."

Huminga ito nang malalim.

" Nawala si Julio bigla dahil kailangan. Kailangan niyang sumailalim sa paggamot."

Tila naiwang nakalutang siya sa hangin nang sabihin iyon ni Ignacio sa kanya. Nalito siya. "Paggamot para saan?" kinakabahang tanong niya rito.

"Nasuri siya na mayroong ikalawang yugto ng isang bagong sakit na Lymphoma. Nagpunta siya sa Estados Unidos kasama ang pinsan na nag-aaral sa paggagamot din upang subukan ang lahat ng posibleng gamot. Pag balik niya, kahit hindi pa niya akalain na magagamot pa ang sakit niya ay agad siyang nakiusap sa akin na tulungan ko siyang makita ka para magpaliwanag. Pero dahil sira-ulo nga ako, nagbaka-sakali ako na mahulog ang loob mo sa akin. Dahil kahit kami pa noon ni Monica, ikaw talaga ang gusto ko. Kaya imbes na tulungan si Julio na gumawa ng paraan para magkita kayo. Hinayaan pa kitang lumayo sa kanya."

Naiyak siya pagkatapos nitong magpaliwanag. Tumanim sa isip niya ang mga dinanas ni Julio. Nagdusa siya dahil sa malubhang sakit. Pero wala siya sa tabi nito nang mga panahong iyon, bagkus ay kinamuhian pa niya ito.

"Nang tangkain kitang halikan at umiwas ka, pinatunayan mo sa akin na si Julio na talaga ang mahal mo. Danica, patawarin mo ako." Alam niyang taos-puso si Ignacio kaya tumango lang siya sa paghingi ng tawad nito.

"B-bakit hindi sa akin sinabi agad ni Julio?" tanong niya kay Ignacio na tanong din niya sa kanyang sarili.

Malungkot na ngumiti ito. "Dahil mahal ka niya," sagot nito.

PALABAS si Danica ng bahay nila para magpunta sa kanilang parokya para magdasal. Nais niyang humingi ng lakas ng loob sa Diyos para kausapin si Julio. Nasabi ni Ignacio sa kanya na nasa Laguna raw si Julio. Kaya nagulat siya na makita ang abuela ni Julio na si Lola Paz na nag-aabang sa labas ng kanilang bahay.

"Ikaw handa na kausap siya?" napukaw ang pagkawala niya sa sarili nang haplusin ni Lola Paz ang kanyang kamay habang magkatabi sila sa loob ng kalesa nito.

"Opo. Senyora, patawad po talaga," naluluhang sagot niya.

Hindi pa rin siya makapaniwala na nang mawala nang matagal na panahon si Julio ay nakikipaglaban pala ito para sa sarili nitong buhay. Wala man lang siyang kaalam-alam tungkol doon.

"Ikaw 'wag tawag senyora, lola at wag hingi tawad. 'Pasalamat na lang tayo kasi gumaling apo ko, 'di ba? Ikaw lagi niya isip noong nasa Estados Unidos siya. Salamat, dahil sa'yo din kaya siya lumaban. Hindi niya sinabi pelo alam kong isa ka dahilan niya pala mabuhay." Ngumiti uli ang mabait na matanda.

"Lola, maaari po bang magtanong?" basag niya sa katahimikan nila.

Wala raw alam si Julio na sinundo siya ni Lola Paz. "Ano 'yon?"

"Bakit ninyo po ito ginagawa?" tanong niya.

Hinaplos nito ang buhok niya bago sumagot. " Ikaw mahal apo ko. Ikaw gusto ko pala sa kanya. Bakit kayo hihilap loob kung puwede naman mag-umpisa uli, tama ba si Ama? mahinahong sagot nito sa kanya.

Ngumiti siya at saka niyakap ang baywang ni Lola Paz. "Salamat, Ama."

"Basta gusto ko lalaking apo, ha, Danica," biro nito kaya natawa siya kahit kinakabahan pa rin siya.

Sino nga ba ang makakapagsabi kung magkakaayos sila ni Julio?

Hindi Inaasahan Pero Naging SadyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon