Ang paghahanap nila ng pagkakakitaan sa palengke ay nauwi sa inuman. Nakainom na sila ng lambanog at pareho nang lasing. Mayroon kasing manliligaw si Kuring na nagtitinda ng lambanog kaya madali lang silang nakakuha ng mga ito. Naduduling at nahihilo na siya pero mas malakas ang tama ng alak sa kaibigan niya dahil ubod na ito ng daldal.
"Alam mo, kaibigan ko, kung talagang hindi para sa iyo ang Senyorito Ignacio na 'yon, wala tayong magagawa. Ganoon talaga ang buhay, ang tayog rin kasi ng pangarap mo," komento nito pagkatapos niyang ikuwento rito ang tungkol sa nalalapit na pagpapakasal ni Ignacio.
"Alam ko. Kaya nga unti-unti ko nang inilalagay sa utak ko ang realidad na iyon." Maasim ang mukhang inilayo niya ang baso ng lambanog sa kanyang tabi. Wala na siyang balak na inumin iyon.
"O, iyan naman pala, eh. Magdiwang tayo!" Tumili ito. Malakas ang kantahan ng mga kapwa nilang lasing sa kinaroroonan nila kaya hindi pansin ng iba ang pagtili nito. Iniabot nito sa kanya ang baso ng lambanog, tila pinipilit siyang inumin ang laman niyon.
Umiling siya. "Ayaw ko na. Magpapakalango tayo, tayong dalawa lang ang magkasama, ay, nandiyan pala ang manliligaw mo, ako nalang mag-isa nito."
"Ikaw naman, Manang Danica... Bakit pupunta-punta ka pa rito kung di ka rin naman pala magsasaya? At saka kailangan mong magsaya dahil ikakasal na si Ignacio," pabirong sabi pa nito.
Napasimangot siya. Masakit at masama pa rin ang loob niya sa balitang iyon, pero ano pa nga ba ang laban niya? Kahit ang kaibigan niyang si Juana ay hindi pa rin alam ang tungkol sa nalalapit na kasal ni Ignacio. Parang hindi pa kasi niya kayang ikuwento iyon dito at wala pang mosang na nagpalaganap ng kanilang lagim dahil baka ginawa muna itong sikreto ng pamilya at mamaya na ibubunyag pag dating ng kababata nito galing sa Espanya. Ngingitian naman siya ni Ignacio pag nagkikita sila o dumadaan siya sa Hacienda at ito ay nasa labas pero hindi na niya sinusuklian ang mga iyon. Saka na siya makikipag-usap uli rito kapag alam na niyang wala na siyang nararamdaman para dito. Pero dadalo siya sa kasal ng kanyang matalik na kaibigan kabila sa estado ng buhay nila. Hindi naman ganoon katigas ang puso niya para bale-walain ang pinagsamahan nila.
"Papunta na rito ang pinsan ko," bulong ni Kuring sa kanya na nakapukaw sa kanyang pag-iisip.
"Sinong pinsan?" usisa niya.
"May kalabaw 'yon, para naman makainom ka pa ng marami, kaibigan. Magpapasundo tayo." Umiindak-indak ito habang sinasabayan ang maingay na kantahan.
"Naku, Kuring, ikaw talaga. Hindi na rin ako iinom. Parang gusto ko na ngang umuwi."
Napanguso ito. "Bahala ka nga. Sige, umuwi ka pero hintayin mo muna 'yong pinsan ko para may kasama ako, ha,"
Nginitian niya ito. "Oo. Hindi naman kita basta iiwan dito, kahit nandiyan pa yang manliligaw mong si Benito."
Nagpaalam siya rito na pupunta siya kay Benito at manghihingi ng tubig. Hindi niya alam kung bakit siya lumiban sa trabaho para lang pumunta rito, ito namang si Kuring na palaging walang inuurungan ay sinamahan pa siya kaya lalong lumakas ang loob niyang uminom. Pagkatapos uminom ng tubig ay bumalik siya sa lamesa nila ni Kuring. Nakita niyang may kausap ito na isang lalaki at isang babae. Ang lalaking iyon marahil ang pinsang sinasabi nito sa kanya na susundo sa kanila. Nang makalapit siya ay saglit siyang nakipagkuwentuhan sa mga ito, bago nagpaalam sa mga ito na uuwi na siya. Iniabot muna niya kay Kuring ang ambag niya sa kanilang bayarin bago niya iniwan ang mga ito.
Paglabas niya sa daan ay naglakad siya kung saan walang gaanong tao para mahimasmasan bago maglakad pauwi. Mayamaya ay napansin niyang may sumusunod na kalesa sa kanya. Hindi siya natakot na baka masamang tao ang sakay niyon. Sa halip ay nilingon pa niya ang kalesa.
Nagulat siya sa nakita niya. Pamilyar sa kanya ang kalesang sumusunod sa kanya. Natiyak niya ang kanyang hinala nang dumungaw ang sakay niyon.
"Binibining Catakutan!" tawag sa kanya ng lalaking hindi niya malilimutan ang kapreskuhan --- si Julio.
Sinimangutan niya ito. Nang nagdaang araw lang sila nagkita nito pero kumukulo pa rin ang dugo niya rito sa pagkainis at pagkamangha. Naiinis na sinaway niya ang sarili.
"Ako ba ang kinakausap mo, senyor?" mataray na tanong niya rito. Hindi pa rin siya tumigil sa paglalakad.
"Sino pa nga ba, binibini? Sikat ba ang apelyido mo rito? Sa palagay ko kasi, ikaw lang ang may ganoong apelyido, binibini," pang-aasar pa nito sa kanya.
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. "Alam mo, senyor, hindi ko makuha kung bakit ka nandito at bakit ka nag-aabalang asarin ako. Siguro, mas mabuting ituloy mo nalang ang biyahe ninyo at umalis na po kayo sa paningin ko," naiinis na sabi niya rito.
Tumawa ito nang malakas. "Binibining Catakutan, huwag mong isipin na sinusundan kita? Palengke ito, ito ay nangyari na may lakad din ako rito."
Bumilis ang tibok ng kanyang puso nang makita at marinig niya ang tawa nito. Mali yata ang naging reaksiyon ng puso niya sa presensiya ng mayabang na lalaking ito. Hindi niya ipinahalata iyon kaya tinaasan niya ng isang kilay ito at inilahad ang isang kamay para sabihin dito na maaari na itong mauna at umalis palayo.
"Kataas-taasang, Senyor Lim, maaari na po kayong lumayas sa harap ko," puno ng sarkasmong sabi niya rito.
"Mahirap maglakad mag-isa lalo't lumulubog na ang araw, binibini," sabi nito na hindi pinansin ang sarkasmo sa himig niya.
" Kaya?"
" Kahit masungit ka, binibini, isasabay na kita pauwi." Ngumiti pa ito sa kanya.
Pagak na natawa siya. " Hindi, salamat. Kaya kung maglakad," naaasar na sabi niya rito at nagpatuloy uli sa paglalakad.
"Binibini!" narinig niyang sabi nito. Nagulat na lang siya nang makitang nakasunod na pala niya ito.
Ano ba'ng gusto ng Intsik na ito? " I-'binibini' mo yang pagmumukha mo," bulong niya na tila narinig nito kaya tumawa ito.
" Isasabay na nga kita. Pangako, hindi na kita aasarin," seryosong sabi nito.
Naiilang siya rito pero pinanatili niyang blangko ang kanyang mukha. Hinarap niya ito. " Bakit sa palagay po ninyo senyor, dapat akong sumabay sa'yo?"
Tiningnan siya nito nang deretso. " Dahil mag-gagabi na binibini," mabilis na sagot nito.
Pinigilan niya ang mapangiti sa isinagot nito. " Ano naman po kung mag-gagabi na senyor?"
" Dahil baka may masasamang tao o tulisan kang makasabay sa daan o di kaya'y baka dakipin ka ng mga guardia civil at kailangan kong bumawi sa pang-aasar ko sa'yo," hirit pa uli nito.
Kumunot ang noo niya. " Hindi mo kailangang gawin po 'yon dahil hindi nman talaga kita gaanong kilala, senyor."
" Eksakto. Baka gusto kitang makilala ng husto, binibini. Puwede bang mag-simula uli tayo? Pangako, magiging mabuti ako."
Antipatiko ang dating nito sa kanya nang una silang magkita nito pero ngayong nakaharap na uli niya ito ay tila gumaan nang kaunti ang loob niya rito. Sa isang iglap, nakalimutan niya ang kanyang unang impresyon rito.
BINABASA MO ANG
Hindi Inaasahan Pero Naging Sadya
RomanceSi Ignacio ang perpektong lalaki sa mga mata ni Danica, ang kanyang matalik na kaibigan. Kaya tahimik lang siyang humahanga sa binata para sa kanilang pagkakaibigan. Pero, pumasok si Julio sa larawan --- ang kaibigan ni Ignacio na mapaglaro pagdatin...