Kumpletong pakete, hindi ba? Ngayon... sige at makipag-ayos ka na kay Intsik, utos ng kanyang isip.
"A-ano ang ginagawa mo rito?" Gusto niyang kurutin ang sarili dahil sa tanong na iyon.
"Ako ba dapat ang magtanong niyan sayo?" supladong tanong din nito sa kanya.
Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. Tama naman kasi ito. Nakakapaso ang tinging ipinukol rito sa kanya.
"D-dinalaw ko si Lola Paz," pagsisinungaling niya rito.
Tumaas ang isang kilay nito. Napakaguwapo talaga nito tuwing ginagawa nito ang kilos na iyon. "Alam mo bang ayaw ko sa taong sinungaling at alam mo bang nakasulat sa noo mo ang salitang 'Nagsisinungaling ako'? " nanunudyong sabi nito sa kanya.
" Nagpunta ako d-dahil... " Nagbara yata ang lalamunan niya dahil hindi niya mailabas ang gustong sabihin dito.
Namaywang ito habang nakatitig sa kanyang mukha; lalo siyang hindi makatutok.
"Hindi ka pa rin nagbabago. Matigas pa rin ang loob mo, Binibining Danica. Hindi mo man lang aminin na hinanap mo ako , " nagtatampong sabi nito.
Nainis siyang bigla sa sinabi nito, bakit parang siya lang ang sinisisi nito?
"At ikaw, nagbago ka na ba? Hindi ba't nagsinungaling ka rin sa akin? Ni hindi mo nga makuhang sabihin sa akin noon na may sakit ka pala. Sa ibang tao ko pa nalaman. Hinayaan mo rin akong mainis sa sarili ko nang maniwala akong nagpakatanga na naman ako dahil minahal kita." Hindi na niya kinayang pigilan ang kanyang mga luha kaya napahagulhol siya ng iyak.
"Nagsinungaling ako dahil para sa iyo," maikli pero mariing sagot nito.
Lalo siyang napaiyak sa sinabi nito. Nakakapanibago man na nakatayo sila pareho sa tabi ng daan at tila walang pakialam sa mga nagdaraang kalesa.
"Katangahan yan!"
"Oo." Tila sarili lang ni Julio ang kausap nito nang sabihin iyon.
Napayuko siya, ayaw pa rin niyang tumigil sa pag-iyak.
"Oh, mabuti... sumpain!" Iniangat nito ang kanyang mukha.
Mabilis ang kilos na siniil siya nito ng halik. Nagulat man ay hindi na siya tumutol pa. Puno ng emosyon ang bawat galaw ng mga labi nito sa kanyang mga labi. Kay tamis ng halik nito sa kanya. Hinawakan nito ang kanyang baywang habang ang isang kamay ay nakasapo sa kanyang batok.
Napapikit siya sa emosyong hatid ng halik nang lalaking minamahal niya.
Tumulo uli ang mga luha niya nang matiyak niya sa sarili mahal na mahal pa rin niya si Julio, pero wala namang katiyakan ang pagkikita nilang muli.
Saan nga ba patungo ito?
Naramdaman marahil nito ang mga luhang pumatak sa kanyang mga pisngi kaya ito tumigil sa paghalik sa kanya.
Masuyong pinagmasdan nito ang kanyang mukha pagkatapos ay pinahid ang kanyang mga luha.
"Walang nagbago. Ramdam ko iyon, Danica," bulong nito at hinaplos uli ang mukha niya.
Nahihiyang tumango siya sa sinabi nito. "May tama ka pa rin sa utak, ano? Syempre walang nagbago." Idinaan niya sa biro para maibsan ang pagkalito ng kanyang isip.
Bakit bigla na lang siyang hinalikan ng tukmol na ito? Ano ba talaga ang gusto nito sa kanya?
"Hinalikan kita dahil namiss kita," sabi nito, tila nabasa ang iniisip niya.
"Bakit umalis ka nang hindi itinatama ang dahilan kung bakit kinailangan mong umalis?" tanong niya rito.
"Mas pinili kong mamuhi ka sa akin at isipin mong mas ginusto kong magsinungaling sa iyo, kaysa malaman mong naghihirap ako at maaaring mamatay sa sakit nang mga panahong iyon. Mag-iisang buwan na noon nang malaman kong may malubhang sakit ako."
Umiling-iling siya. Hindi niya matanggap ang sinabi nito. " Nandoon dapat ako sa tabi mo para alagaan ka, Julio. Bakit isinantabi mo ako?" sumbat niya rito.
Mapait na ngumiti si Julio. "Sino ba'ng nakakasiguro na gagaling ako sa mga oras na iyon? Wala, hindi ba?"
" Kaya mas mabuting wala akong alam, ganoon ba? Alam mong mahal kita. Itong tanga kong puso mahal na mahal ka. Pero ano'ng ginawa mo?" Dinuro niya ang dibdib nito dahil sa labis na inis.
Hinawakan nito ang kamay niya. Hindi na siya pumalag dahil ramdam niya ang init ng mga palad nito. Masarap iyon sa kanyang pakiramdam at nakakabawas ng pagkalito sa mga nangyari noon.
" Gusto kong magpatuloy ka. Madali iyon kaysa sa malaman mong namatay ako sa isang malubhang sakit," paliwanag pa nito.
"Hindi patas iyon, " maikling sagot niya rito.
" Hindi patas ang buhay, Danica. Hindi patas nga marahil na isipin kong ako na lang ang mamatay huwag lang ang pagkatao at puso ng babaeng mahal ko. Gusto ko noong isipin na kung mawawala ako, ipagpapatuloy mo ang iyong buhay na parang hindi mo ako nakilala. Gusto kong manatili sa iyo ang pagiging masigla at positibo mo, Binibining Catakutan. Ayaw kong malungkot ka dahil lang sa isang walan kuwentang taong katulad ko. "
Ramdam niyang pinagagaan lang nito ang usapan pero lahat ng sinasabi nito ay totoo. Nanginginig ang mga labing pinilit niyang magtanong uli. "M-magaling ka na ba talaga?" Kinakabahang hinintay niya ang sagot ni Julio.
"Malusog na parang kabayo," nakangiting sagot nito, saka kinindatan siya.
Bumuntong-hininga siya at yumakap nang mahigpit dito. Hinaplos nito ang kanyang buhok. Ang gaan ng pakiramdam niya habang nasa mga bisig siya nito. Ramdam niyang ganoon din ang nararamdaman nito habang nakayakap sa kanya.
"Bawat oras na kailangan kong harapin ang mga sesyon ng paggamot ko noon, bawat mga kuha na ibinibigay nila sa akin tuwing hahanap ang mga doktor ko ng mga ugat para matuklasan kung kailangan ko pa ng gamot para sa karamdaman, ikaw at tanging ikaw lang ang nagiging lakas ng puso ko, Danica. Ang dami kong utang sayo. Marami kang naituro sa akin, tulad ng totoong pagmamahal. Kaya hindi ko dapat hayaan na mawala ang buhay ko nang walang patas na laban. "
" Patawarin mo ako, " bulong niya rito.
" Basta lagi kong tinatandaan noon na isa lang ang buhay ng tao, pagkatapos noon wala na. Kaya gusto kong ikaw ang kasama ko kahit mahirap man o madali ang maging takbo nito. " seryosong tugon ni Julio sa kanya.
Hinalikan siya nito sa noo at sa mga labi niya.
Naisip niyang napakaikli ng buhay para intindihin pa ang mga taong nakakakita sa kanila ni Julio ngayon. Hindi na nila kailangang ipaliwanag ang nararamdaman nila para sa isa't isa. Sapat nang ang mga puso nila ang nagkakaintindihan.
BINABASA MO ANG
Hindi Inaasahan Pero Naging Sadya
RomanceSi Ignacio ang perpektong lalaki sa mga mata ni Danica, ang kanyang matalik na kaibigan. Kaya tahimik lang siyang humahanga sa binata para sa kanilang pagkakaibigan. Pero, pumasok si Julio sa larawan --- ang kaibigan ni Ignacio na mapaglaro pagdatin...