Nagpasya siyang bumaba na ng bahay para hanapin si Julio at bumati na rin kay Lola Paz, bago siya bumaba dumaan muna siya sa inuukupahang silid ni Juana.
"Juana, magandang umaga! Gising na!" pukaw niya rito.
"Ate, ang sarap pang matulog rito," saad ni Juana habang inuunat ang kanyang mga balikat.
"Tumayo ka na riyan para makatulong tayo sa kanilang magluto ng agahan." Sabi niya rito.
"Sige ate, susunod ako." Balik nito.
"Sige, bilisan mo ha," saad niya. Mamaya pa sigurong hapon sila babalik sa Kalookan. Ibabalita niya kina Juana at Kuring na kasintahan na niya si Julio. Pati sa lola niya ay kailangan nilang pormal na ipaalam ang tungkol sa relasyon nila. Napapangiting isinuot niya ang isang puting baro at itim na saya pagkatapos niyang maligo. Akmang-akma ang suot niya sa kanyang nararamdaman, dahil tunay siyang umiibig.
Pagkababa niya sa sala ay nakita agad niya si Manang Bobot. Ngumiti ito sa kanya.
"Magandang umaga po. Nakita ninyo po ba si Julio?" tanong niya.
"Naku, nagbilin siya kanina na sabihin ko raw sa iyo na may gagawin lang siya saglit. Tulog ka pa kasi kanina kaya ayaw ka niyang maabala, binibini," imporma nito sa kanya.
Napatingin siya sa labas ng bahay. Ano kaya ang inaasikaso ni Julio? Ibinalik niya rito ang kanyang tingin. " Ganoon po ba? Eh, si Lola Paz po, Manang? "
" Nasa likod-bahay siya. Gusto mo ba siyang puntahan? Nagsabi rin siya na pasunurin kita kung gusto mo roong pumunta, binibini, " sagot nito sa kanya.
Nginitian niya ito. Tila magandang ideya nga na si Lola Paz muna ang kausapin niya.
" Sige po, Manang. "
"Ah, teka, binibini! Gusto mo bang kumain muna ng agahan?"
Umiling siya bilang sagot dito. Hindi pa naman siya nakakaramdam ng gutom. "Mamaya na lang po siguro. Sabay na lang po kami ni Juana." Iyon lang at sinamahan na siya nito sa lugar kung nasaan si Lola Paz.
Humantong sila sa maliit na pagawaan. Halatang alaga iyon sa linis. Nadatnan nila roon si Lola Paz na abala sa pagpipinta ng mga paso.
"Magandang umaga po, senyora," magalang na bati niya.
Lumingon ito sa kanya at ngumiti. "Zao an, (Magandang umaga) Danica," sabi nito, sabay pahid uli ng pampinta na may pintura sa paso na bahagya lang ang laki.
"Ano po iyan, senyora?" usisa niya sa mabagal na pagsasalita.
"Ito pampalipas-oras ni Ama, ikaw gusto subok?" alok nito.
Tumabi siya rito. Si Manang Bobot naman ay nagpaalam na aalis na dahil may gagawin pa raw ito sa loob ng bahay.
Itinuro ni Lola Paz sa kanya ang mga dapat niyang gawin. Nang mga sumunod na sandali ay nalibang na siya sa kanilang bulaklak na pasong sesyon ng pagpipinta. Libangan pala nito iyon kahit noong dalaga pa ito, kaya pala tila sanay na sanay na ito sa paghagod ng pampinta sa paso. Siya naman ay aliw na aliw dahil ang pinakamadaling disenyo lang ang ipinagawa nito sa kanya. Nilalagyan lang niya ng iba't ibang kulay ang mga bilog-bilog na hugis sa mga pasong iniabot ni Lola Paz sa kanya gamit ang isang pison na para talaga roon. Ang sabi pa ni Lola Paz ay bahala na raw siya kung anong kulay ang nais niyang ilagay roon.
"Saan po ninyo ito gagamitin, Ama? Kayo lang po ba ang gagamit nito?" tanong niya habang nagpipinta sila.
"Minsay bigay ko paso sa mga kaibigan ko. Gusto mo ikaw dala sa bahay ninyo?"
" Aba, sige po. Mahilig po ang lola ko sa pagtatanim, matutuwa iyon," masiglang sagot niya.
Ilang sandali pa ay may narinig silang pumasok sa pagawaan. Akala niya noong una ay si Manang Bobot lang iyon pero hindi niya napigilang mapangiti nang makitang si Julio pala iyon.
Nang walang anumang babala, biglang bumilis ang tibok ng puso niya at hindi na niya kayang igalaw ang pampinta na hinahawakan niya.
" Magandang umaga sa magagandang babae sa buhay ko," masiglang bati nu Julio sa kanila ni Lola Paz.
Nginitian siya ni Lola Paz nang makita marahil nito ang pamumula ng mga pisngi niya sa pagbati ni Julio at nang halikan sila nito sa kamay.
" Tapos na gawa mo?" tanong ni Lola Paz kay Julio.
Nagtatakang tumingin siya rito. "Opo. Ama, hihiramin ko muna ang kasintahan ko, ha?" Marahang hinila nito ang kamay niya para mapatayo siya sa kanyang kinauupan.
" Bakit? Saan mo ako dadalhin?" tanong niya. Hindi maalis ang tingin niya sa maaliwalas nitong mukha.
" Basta, may ipapakita lang ako sa iyo," sagot nito.
"Kayo huwag magtatagal, ha?Mamaya rang ako sabi ni Bobot maghanda ng pagkain pala sa aten," bilin ni Lola Paz sa kanila.
" Sige, Ama. Sandali --- Pinigilan siya ni Julio. Iiwas sana siya nang makita niyang hahawakan nito ang kanyang mga pisngi pero huli na. Nahawakan na nito ang mga iyon. Kay init ng palad nito sa kanyang balat at kahit hindi pa siya nag-aalmusal ay busog na busog na siya dahil dito.
"B-bakit b-ba?" kandautal na tanong niya rito.
Tumawa ito nang nakaloloko. "Sasama ka sa akin sa ganyang hitsura mo."
"Bakit, ano'ng mayroon?"
"May pintura ka sa mukha mo, Binibining Catakutan," sabi nito, sabay haplos sa kanyang pisngi.
"Huwag na, ako na lang. Kasi may pintura pa yang daliri mo, o," saway nito.
Inirapan niya ito. "Mayroon ba?"
Tumango ito. "Oo kaya."
Pilyang pinahiran din niya ng pintura ang pisngi nito. Natawa siya nang makitang tila may sugat ang mukha nito na kulay-asul.
"Aba't---" Nanlaki ang mga mata nito.
Natawa siya sa reaksiyon nito. Pati si Lola Paz ay nakitawa na sa kanila.
"Kayo umalis na. Hayaan mo na ikaw mukha paso, Julio, kasi pareho lang kayo Danica, madumi mukha," napapangiting saway nito sa kanila na tila ba sila mga batang nagkukulitan.
Nakangiting hinawakan ni Julio ang kamay niya at inakay siya nito palabas ng pagawaan.
" Bagay sa iyo ang ganyang hitsura, " sabi niya kay Julio nang sila na lang ang magkausap.
" Talaga namang bagay ang kahit ano sa akin, magandang lalaki yata ako, " nakalolokong sagot nito. Pairap siyang natawa sa biro nito. Tumawa ito at saka hinawakan nito ang baywang niya habang naglalakad sila.
BINABASA MO ANG
Hindi Inaasahan Pero Naging Sadya
RomanceSi Ignacio ang perpektong lalaki sa mga mata ni Danica, ang kanyang matalik na kaibigan. Kaya tahimik lang siyang humahanga sa binata para sa kanilang pagkakaibigan. Pero, pumasok si Julio sa larawan --- ang kaibigan ni Ignacio na mapaglaro pagdatin...