Labing-limang Kabanata

2 0 0
                                    

Namutla ito. "Paano mo siya nakilala?"

Lalo siyang nagalit dito. Bakit kailangan pa nitong sagutin ng tanong ang tanong niya? Bakit kailangang siya pa ang tanungin nito samantalang ito naman ang may kasalanan sa kanilang dalawa?

"Sino siya?!" pasigaw na ulit niya sa tanong niya.

Sinubukan ni Julio na hawakan ang kamay niya pero lumayo siya rito.

"Sagutin mo ang tanong ko, Julio. Sino si Berna? Bakit ka punta sa Estados Unidos kasama ang babae na iyon? Niloloko mo lang ba ako?" nalilitong tanong niya.

Ilang minuto niyang hinintay ang sagot nito pero hindi nito sinagot ang mga tanong niya. Halos manginig siya sa galit dahil wala siyang makuhang sagot mula rito.

Ang katahimikan ay nangangahulugang "oo," ika nga ng iba.

"Niloloko mo lang ba ako?" ulit niya sa tanong niya kanina. Namanhid ang buong katawan niya nang tumango siya sa pag-amin nito. Nagbagsakan ang mga luhang pilit niyang pinipigilan. Mga luhang para kay Julio at para sa sarili niya dahil napakatanga niya.

"Pinagkatiwalaan kita," pabulong na sambit niya.

"Patawad," hinging-paumanhin nito.

Mahigpit na hinawakan nito ang kamay niya. Ang init ng mga palad nito na nagbibigay ng nakagiginhawang pakiramdam sa kanya. Na tila nagpapalubag sa sakit at galit na nilikha nito.

Bobo! sigaw ng isip niya.

"Maiintindihan mo rin ako balang-araw, Binibining Danica. Ingatan mo ang iyong sarili?" malungkot na sabi nito sa kanya.

Lalong napuno ng galit ang puso niya sa sinabi nito. "Paano kita maiintindihan? Paano kita iintindihin kung harap-harapan mong ipinamukha sa akin na niloko mo lang ako? Na pinaglaruan at ginawa mo akong tanga? Hindi ka pa rin pala talaga nagbago. Sinungaling!" Pinahid niya ang mga luhang patuloy na dumadaloy sa kanyang mga pisngi.

Minahal niya si Julio, pero siguro panahon na para tigilan niya at magpatuloy  sa kanyang buhay.

Malungkot itong ngumiti sa kanya. Nalilito siya sa gustong ipahiwatig ng mga kilos nito pero wala na siyang pakialam dito. Nakapagpasya na siyang kalimutan ito at iyon ang gagawin niya. Tinalikuran niya ito at mabilis na pumasok sa loob ng kuwarto.

"Binibining Danica..." tawag nito sa kanya.

Nilingon niya ito nang nasa pintuan na siya ng kuwarto niya. Tiningnan niya ito sa huling pagkakataon.

Ito na iyon. Tapos na kami.

Palpak ka na naman, Danica. Kailan ka ba matututo?

"Kaawaan ng Diyos ang iyong puso, binibini," pahabol na sabi  pa ni Julio. Tinitigan niya ito nang sabihin nito iyon, saka mabilis itong umalis.

Naninikip ang dibdib niyq habang nagkukulong sa loob ng silid.

Bakit Julio? Bakit mo ako isinama sa listahan mo ng mga babaeng niloko mo? Umiyak ang isip at puso niya sa sakit.

NASABUNUTAN ni Julio ang sariling buhok nang sinarhan siya ni Danica ng pintuan. Hindi rin nito nakita ang sakit na mababakas sa kanyang mukha.

Julio, ito na iyon.

Ito na marahil ang kabayaran sa mga kalokohan niya noon. Karma? Ang pumasok sa isip niya. Marami siyang sinaktang babae dahil sa pagiging wala niyang pakialam. Pero ni minsan ay wala siyang pinilit sa mga babaeng iyon na makipagrelasyon sa kanya, lalo na pagdating sa usaping pagiisa ng kaluluwa. Hindi rin siya isang tagatugis ng mga inosente at puro. Pero sa likod ng kanyang isipan, alam niyang mali ang naging pagtrato niya sa mga babaeng nakarelasyon niya. Kaya naman nang makita niya si Danica noong una silang nagkaengkuwentro sa labas ng imbakan ni Ignacio ay nahumaling agad siya rito.

Wala siyang nagawa kundi tingnan ang paglaho ng babaeng pinakamamahal at pinakaimportante sa kanya.

Bawat babae ay iba-iba, sigurado siya roon. Pero mayroong espesyal kay Danica. Tila may bumubulong sa kanyang puso at isip na ito na ang hinahanap niyang katapat. Na mahal talaga niya ito, wala ng kahit anong paliwanag.

Masayahin ito, mapagkumbaba, at mabait. Kaya nagustuhan agad ito ng kanyang pamilya. Napangiwi siya. Mas tama palang sabihin na dating kasintahan na niya si Danica. At walang ibang may kasalanan noon kundi siya.

Totoo ang mga sinabi nito. May plano siyang pumunta sa Estados Unidos kasama si Berna. At wala talaga siyang planong ipaalam iyon kay Danica.

May sarili siyang dahilan kaya ayaw niyang ipaalam iyon kay Danica. Pero mabuti na rin siguro na isipin nito na hindi talaga siya nagbago, na walanghiya pa rin siya pagdating sa pakikipagrelasyon. Sa ganoong paraan, mamumuhay si Danica ng walang pighati, hindi katulad niya.

Walang nakakasiguro sa tatahakin niyang landas ngayong hiwalay na sila. Pero kung pahihintulutan ng Diyos na muli silang magkita nito sa hinaharap ay gagawin niya ang lahat para mahalin siyang muli nito dahil mahal na mahal niya ito. Si Danica ang babaeng pinangarap niyang makasama habang-buhay.

Pero wala siyang pagpipilian sa ngayon. Darating din ang panahon para makuha niya itong muli.

Pero sa ngayon, kailangan niyang lumaban para mas maging maayos na tao.

Kinuha niya ang sulat at binasa ang mga ito. Marahil ay nabasa o narinig ni Danica ang pag-uusap nila Mang Canor kaya nalaman nito ang lihim niya. Bumuntong-hininga siya nang mabasa ang sulat ni Berna. Mabuti na lang at hindi nito idinetalye ang kanilang pag-alis. Umaayon pa rin ang lahat sa kanya. Ganoon nga yata talaga kapag alam ng Diyos na tama ang intensiyon ng isang tao.

Ayaw niyang maranasan ni Danica ang daranasin niyang paghihirap kung sakali. Marami pang bagay na mas mahalaga at mas mabuti na nakatadhana para dito.

Nakita niya ang kanyang kalendaryo. Nang tingnan niya ito ay may binilugan pala siyang petsa rito.

Kaarawan ni Binibining Danica.

Iyon ang nakita niyang nakasulat roon. Kaya nga nagdala siya ng pagkain sa bahay nito ay upang ipagdiwang ang kaarawan nito.

O, 'di lalo siyang mamumuhi sa 'yo. Winasak mo ang puso niya sa tamang panahon, bago ang kaarawan niya.

Napasabunot siya sa kanyang buhok kaya lalong sumakit ang kanyang ulo dahil sa kapalpakan niya. Gusto niyang balikan si Danica para humingi ng tawad, pero sa tingin niya ay lalo lang gugulo ang kanilang sitwasyon kung gagawin niya iyon.

Hiwalay na sila ni Danica, kaya ang kailangan niyang gawin ay ang maging malakas para sa kanya.

Napatingin siya sa kawalan. Sa oras na iyon, ipinangako niya sa kanyang sarili na lalaban siya.

Hindi Inaasahan Pero Naging SadyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon