"Marlon.., heto ang gatas mo. Inumin mo na agad habang maligamgam.", sabi ng may edad na babaeng naka unipormeng kulay puti. Ito ang private nurse ng binata.
"Sige po, pakibaba na lang po muna sa mesa. Salamat!", nakangiting sabi ng binata sa nurse na nagbabantay sa kanya.
"Mukhang binabasa mo na naman ang kwento ng idol mo ah.", nakangiting biro ng babae.
Lalong nangiti ang nurse nang mabilis na humarap sa kanya ang binatang kanina nang sumagot at magpasalamat ay hindi man lang sumulyap sa kanya dahil sa laptop nakatutok ang mga mata.
"Opo, para sa akin ay siya ang pinaka magaling na writer sa Wattpad. Ramdam na ramdam ko ang emosyon sa mga kwento niya. Parang naroroon din ako at ako yung isa sa sa mga characters niya. Nakaka relate ako at naisasama niya ako sa lugar na walang katulad sa ganda!", masigla nitong sagot.
"Ano nga ang pangalan niya?", pakikiayon ng nurse sa binatang alaga habang inaayos ang mga gamot nito.
"redboxE!", sagot ni Marlon. Makislap ang mga mata nito sa kabila ng maputlang mga pisngi at labi.
Humila ang nurse ng isang malambot na upuan at inilapit sa tabi ng kamang kinaroroonan ng binata. Naupo siya paharap at inihanda ang sarili upang makinig. Kapag ganun ang mood ng kanyang alaga ay gusto nito ng kausap.
May cancer sa dugo si Marlon at ayon sa mga doktor na tumitingin sa binata ay maliit lang ang posibilidad na ito ay gumaling. Sa kabila ng kaalaman tungkol sa kalagayan ng anak na maysakit ay hindi pa rin sumuko ang ina nito. Hindi nawawalan ng pag asang malulunasan pa ang karamdaman ng anak. Ang madugtungan pa ang buhay nito.
Nakapaupo ang binata at nakasandal ang likod sa headboard ng kama. Nakadama ang nurse ng habag nang mapagmasdang maigi ang humpak nitong pisngi.
Kahit hindi niya ito kaanu ano at binabayaran lang ang kanyang serbisyo ay napamahal na ito sa kanya. Hindi ito katulad ng mga anak mayaman na dati niyang inalagaan. Bukod sa guapo ay mabait pa ito sa kanya. Tunay na pagmamalasakit ang ibinibigay niya sa binatang kung ituring siya ay hindi iba. Ipagdaramdam din niya kung mawawala ito at mamamatay. Kasama sa araw araw na panalangin niya ang pag galing nito. Nanghihinayang siya na sa kasagsagan ng kabataan nito ay nagkaroon na ng nakamamatay na sakit.
Gaya ng inaasahan niya.., nag umpisa na nga itong magsalita. Kahit hindi nagbabasa ay alam na alam niya ang mga kwento ng paborito nitong writer. Ikinu kwentong lahat ng alaga sa kanya. Kaya naman updated siya sa kung ano ang nangyayari sa istorya. Parang teleserye na pinanood niya at inaabangan. Siya man ay nagagalingan sa paraan ng pagsusulat ng writer na gustung gusto ng binatang binabantayan.
"O di ba, tita?", nag aalalang tanong ni Marlon matapos ikwento ang mga nabasang pangit na komento sa writer na iniidolo.
"Bakit hindi mo siya i message para maramdaman niyang may tagahanga siya na super loyal sa kanya. Di ba sabi mo nagre reply siya kahit kanino. Pati nga sa nag comment ng hindi maganda ay nagagawa rin niyang mag reply para humingi ng paumanhin.", mungkahi ng nurse.
"Nahihiya ako sa kalagayan ko, tita. Nagbabasa lang ako ng gawa niya pero hanggang dun lang.", sagot ng binata.
"Bakit ka naman mahihiya eh hindi ka naman niya makikita? Di ba nga hindi mo naman talaga siya kilala? Hindi mo pa rin siya nami meet ng personal? Maliban sa alam mong babae siya ay wala ka ng alam na iba.", natatawang sabi ng nurse.
Saglit na natigilan ang binata.., nag isip.
"O siya , sige na at baka sakitan ka pa ng ulo. Inumin mo na itong gatas at gamot mo.", nakangiting sabi ng babae.
Sumunod naman agad si Marlon sa sinabi nito. Pagkatapos mainom ang gatas at ang gamot ay nagpaalam na ang nurse sa kanya.
''Doon na ako sa kabilang room ha. Kapag may kailangan ka alam mo naman kung paano ako tatawagin.", bilin uli ng nurse.
"Sige po tita, goodnight!", nakangiting sagot ng binata.
"Goodnight! Huwag ka na masyado magpuyat ha. Matulog ka na.", pahabol pa ng babae sa binatang agad namang tumango.
Ilang pagbiling at paglipat na ng pwesto ang nagawa ni Marlon sa higaan ngunit hindi pa rin ito makatulog. Naiisip ang paboritong writer. Gustong makasiguro kung ano ang nararamdaman nito. Nang hindi makatiis ay nag message na nga siya.
****************
Iba ang naramdaman ni Elaine sa mensaheng binabasa. Ilang sandali siyang natigilan at nakangiting tinitignan ang profile ng nag mensahe sa kanya nang muling tumunog ang hawak niyang cellphone.
Nakita niyang muli sa notification niya ang mukha at pangalan ng reader na tinitignan kanina lang. May mensahe uli ito. Pero nasa message box na niya.
Hi! Alam kong late na pero nag try pa rin ako. F tulog ka na...,Okay!.. kasi nakapagpahinga ka na at di ka umiiyak ngayon.
Pero kung hindi pa....,
Para sa akin ay ikaw ang pinaka the best na writer.. I maybe sound O.A. , but that's how I feel.
Sana ay okay ka na.
Goodnight!.... or should I say...,
Good morning, redboxE!!
Napangiting muli si Elaine. Pakiramdam niya ay uminit ang magkabila niyang pisngi. Nailapit pa niya sa tapat ng dibdib ang hawak na cellphone at napa buntunghininga. Pagkatapos ay excited na nireplayan ang nagpadala ng mensahe.
Hi, braveheart!
Patulog na sana ako kaya lang ay nag message ka ng ganito kaganda kaya heto.., nag reply na agad ako.. hehe..
Okay lang ako. Salamat sa pag aalala.
At tungkol sa sinabi mong best writer ako for you.., secret lang natin yan, hahaha...
Baka kasi pag nalaman yan ng talagang mahuhusay na writer eh makutusan tayo pareho... hahaha..
Matapos chekin kung tama ang lahat ng letra na tinipa ay saka pa lang niya sinend ang reply niya at pagkatapos ay naghintay na mag message uli ito.
Napaigtad pa siya at todo ngiti nang tumunog na nga ang cellphone na inilapag niya sa harapan at matiyagang binabantayan.
Ngunit nanlata lang nang hindi ito ang nasa notification niya.
"Dapat yata di ko na lang sinabi na patulog na ako. Baka na offend ko siya. Baka akala niya hindi ako interesado na makipag usap sa kanya. O baka naman nakatulog na, ang tagal ko kasi mag reply eh.", sisi ng dalaga sa sarili.
"Lalaki kaya siya? Siguro naman.., kasi braveheart at si Mel Gibson ang nasa profile niya. Ano kaya ang itsura niya? Siguro may hawig sila.", tanong niya sa sarili at sasagutin rin niya. Napailing siya sa naisip.
"Tumigil ka nga Elaine! Para kang teenager na nag aantay sa textmate!", saway niya sa sarili.
Pagkatapos ay padabog na ibinagsak ang likod sa kama katabi ang cellphone na hindi naka turn off ang wifi.
**************
"Hay, salamat at okey lang siya. Ang galing talaga niya! Nakakatawa na siya at nakakapag biro pa. Hindi na siya malungkot. Hahayaan ko na muna siya matulog at magpahinga. Baka may pasok pa siya bukas sa school or sa work. Bukas na lang uli ako magme message sa kanya.", sabi ni Marlon sa sarili. At pagkatapos ay umayos na ng paghiga at saka pumikit upang matulog.
BINABASA MO ANG
Misteryo sa Wattpad
HorrorIsa ka bang manunulat o mambabasa? Mambabasa na naging manunulat? O manunulat na mambabasa dito sa Wattpad? Halika..! Samahan mo akong tunghayan ang dalawang kwento ng ating mga bida. #1 Ang Follower Si Elaine.., panganay sa apat na magkakapatid. Pi...