Buong gabing naghintay si Elaine ng mensahe mula kay Marlon. Nabalot ng lungkot ang kanyang puso sa tila hindi pagpansin ng binata.
"Siguro ay hindi niya nagustuhan ang litrato ko. Hindi rin niya tinatanong sa akin ang facebook account ko. Alangan namang ako ang maunang magtanong. Wala rin siyang apelyidong sinabi. Marami na akong tinignan na kapangalan niya pero hindi ko pa rin siya nahanap. Siguro ay hindi naman talaga siya interesado sa akin. Siguro wala lang siyang magawa nung nag message siya. Ako lang itong kilig na kilig at umasa agad. Para talaga akong tanga! Dapat pala hindi ko na lang sinabi kay Edwina ang tungkol sa kanya. Nakakahiya.., ang tanda ko na para sa ganito. Sana huwag mawala ang respeto sa akin ng kapatid ko dahil sa pagkaluka luka kong ito.", kausap niya sa sarili.
Pinahid niya ang pumatak na luha sa pisngi. Nasaktan siya.., na naman.
"Wala ka kasing kadala dala! Nag message lang sayo ang akala mo na agad magiging kayo. Ni hindi mo pa nga nakikilala kung anong pagkatao meron ang braveheart na yan tapos kung makaarte ka ay parang nanliligaw na sa iyo! Huwag ka ngang asyumerang filingera! Hindi ka maganda!", bulyaw niya sa sarili. Pagkatapos ay isinubsob ang mukha sa unan at saka umiyak ng umiyak.
Kinabukasan........
Walang kagana gana si Elaine nang magising, mabigat na mabigat ang katawan. Pakiramdam niya ay lalagnatin siya. Higit kaninuman ay siya ang nakakakilala sa kanyang sarili. Alam niyang ang nararamdaman ay dahil sa pambabalewala ng lalaking nabuhay sa kaniyang imahinasyon at katangahan man o kabaliwang maituturing ay nagkaroon na ng lugar sa kanyang puso. Ganun siya.., ganun siya kabilis mapaniwala.
Napaigtad siya nang may kumatok sa pintuan ng kanyang silid.
"Ate…! Ate...!", boses ni Edwina.
"Pasok…", pagpapatuloy niya sa kapatid.
"Bakit ate, maysakit ka ba?", nag aalalang tanong ng bunso. Agad pa itong sumampa sa ibabaw ng kama at sinalat ang kanyang noo.
"Wala akong lagnat, masama lang ang pakiramdam ko.", sagot niya.
Nang mula sa may pintuan ay nagsalita si Errol. Napalingon siya ganun din si Edwina.
"Ayan na nga ba ang sinasabi namin sayo, ate. Kawa wattpad mo kahit hatinggabi na ay iyan ang napala mo. Gumigising ka nang maaga para magtinda tapos nagpupuyat ka pa sa wattpad na wala ka namang napapala. Aanhin mo ang mga papuri ng mga nagbabasa sa mga kwento mo? Hindi mo naman yan maibabayad kahit sa dyip. Hay naku, ate.", pagkasabi ay naglakad na ito palayo.
Pagtalikod ng kapatid na lalaki ay agad siyang binalingan ni Edwina.
"Ganyan talaga si kuya kapag nag aalala. Ako nga nasermunan din niya kahapon.", maagap na sabi nito.
Ngumiti siya sa kapatid na bunso. Alam niyang pinagtatakpan nito ang hindi magandang pananalita ng isa sa kanilang magkakapatid.
"Hindi ka pa ba nagugutom, ate? Halika na sabay ka na mag breakfast!", masiglang aya ni Edwina.
"Mamaya na lang ako, mas gusto ko ang matulog muna. Sige na, istorbo ka eh.", nakangiting biro niya.
"Okey.., ate. Mag beauty rest ka na muna.", nakangiting sabi ni Edwina at saka lumabas.
Nagtalukbong siya ng kumot nang marinig ang paglapat ng pintuan.
Sa hapag kainan...
"Maysakit ba ang ate mo ha, Edwina?", tanong ni Vicente.
"Wala Daddy, mabigat lang ang katawan kaya medyo nag iinin pa sa higaan.", sagot ng bunso habang kumakain.
"Siguro tinatamad na si ate magtinda at ang gusto ay gumawa na lang ng gumawa ng kwento niyang wala namang ipinapasok na pera sa kanya.", singit ni Eliah.
"Hindi naman. Masama lang ang pakiramdam ni ate. Nagkakaganyan din naman tayo. Minsan ay tamad na tamad tayong pumasok sa work.", pangangatwiran ni Edwina na tinignan ni Eliah ng masama.
"O baka naman may boyfriend boyfrenan yang si ate at nakipag break na sa kanya kaya nagkakaganyan.", sabi naman ni Errol na nagpamaang kay Edwina.
"Grabe ka naman kuya, hindi ba pwedeng tinatamad lang si ate? Kung makapag comment kayo ni ate Eliah puro negative. Try nyo kaya paminsan minsan magsalita ng nakakapag pagaan ng kalooban.", napipikong sabi ni Edwina at pagkaraan ay mabilis na tinapos ang pagkain.
"Una na po ako Daddy.., Mommy.", paalam ng dalaga nang tumayo.
Tatayo rin sana si Errol upang harapin ang bunsong kapatid sa paraan ng pagsagot nito sa kanila ngunit sinaway ni Elmira.
"May katwiran naman siya, di ba? Huwag nyo na ito palalain. Mamaya ay ako na ang kakausap sa kapatid nyo.", sabi ng ina.
Mangangatwiran pa sana si Errol ngunit nang tignan ng ama ay nagpatuloy na lang ito sa pagkain.
Nang matantiyang naka alis na ang mga magulang at kapatid ay saka pa lang tumayo si Elaine. Matapos uminom ng gamot sa sakit ng ulo ay naligo siya at saka bumaba upang magbukas ng tindahan.
"Tama na ang ilang oras na pagmumukmok. Hindi ako dapat paapekto sa maling dahilan ng pinagkakaganito ko. Elaine.., move on!", sabi niya sa sarili.
Nang mag uwian ang mga kasama ng dalaga kinagabihan ay nadatnan ng mga ito na nakabukas ang tindahan niya. Matapos kamustahin ng Mommy at Daddy ang pakiramdam niya ay nagsipasok na ang mga ito sa loob ng kanilang bahay. Tuwang tuwa naman si Edwina. Sinamahan na nito ang kapatid sa tindahan hanggang sa makapagsara. Sandali pa silang nagkwentuhan ng bunsong kapatid sa terrace ng kanilang bahay. At nang antukin na ay nagpaalam na sa isa't isa upang matulog.
Nang makapasok sa sariling silid ay muling nagbukas ng wifi si Elaine. Muli niyang tinignan ang notification niya. Napangiti siya sa nakitang dami ng mga nagbasa sa kanyang mga kwento at sa mga komentong pulos papuri sa mahusay niyang paglalahad. Bagama't nakaramdam siya ng kasiyahan ay may pait pa rin siyang nararamdaman. Natanggap man niyang isang ilusyon lang si braveheart ay may maliit na bahagi pa rin sa isip at damdamin niya ang umaasang magpaparamdam uli ang binata. Na magme message pa rin ito sa kanya.
Samantala....
Matapos suriin ng mga doktor si Marlon ay muli itong nakatulog. Hindi naging maganda ang pagtanggap ng katawan nito sa katatapos lang na treatment. Ayon sa doktor ay mahinang mahina na ang katawan ng binata. Nagkaroon na rin ng severe damage ang ilang bahagi ng internal organs nito. May araw na bigla itong magiging masigla at may araw naman na halos puro tulog na lamang ang gagawin. Tatlong buwan ang ibinigay na taning ng mga doktor sa binata.
Napaupo ang ina ni Marlon at impit na umiyak. Nakasapo ang palad nito sa sariling bibig upang hindi marinig ng anak ang kanyang pananangis. Ang private nurse man ay walang tigil sa kapupunas sa matang binabalungan ng masaganang luha.
Tatlong buwan..., pinaka mahaba na ang tatlong buwan na makakasama nila ang binata.
Ilang araw pa at nagdesisyon na ang ginang na ilabas ng hospital ang anak. Pinagbigyan na niya ang dati pa nitong hinihiling. Uuwi na sila sa kanilang bahay. Ibibigay niya ang anumang nanaisin nito. Pasasayahin niya ang anak sa nalalabi pa nitong mga araw. Gagawin niya ang lahat ng makapagpapasaya sa binata hanggang sa huli nitong hininga.
Masayang masaya si Marlon nang makauwi. Mula sa pagkakaupo sa wheelchair ay tumayo ito at mag isang naglakad papasok sa loob ng bahay na kung ilang buwan na niyang hindi nakikita. Agad na inalalayan ng ina ang anak nang mag umpisa itong humakbang papanik sa hagdanan. Maingat nilang narating ang silid ng binata. Tila isang batang tuwang tuwa itong dumiretso sa maluwang na terrace ng sariling silid at pinagmasdan ang paligid. Napapikit pa ito nang langhapin ang hangin na hindi katulad ng amoy sa hospital na pinanggalingan.
At pagkatapos ay nakangiting nilingon ang dalawang babaeng nakangiti man sa kanya ay punumpuno ng pait ang dibdib.
BINABASA MO ANG
Misteryo sa Wattpad
HorrorIsa ka bang manunulat o mambabasa? Mambabasa na naging manunulat? O manunulat na mambabasa dito sa Wattpad? Halika..! Samahan mo akong tunghayan ang dalawang kwento ng ating mga bida. #1 Ang Follower Si Elaine.., panganay sa apat na magkakapatid. Pi...