Nirelax ni Wilma ang sarili. Ngumiti siya at magalang na sumagot.
"Ano po yon?", balik tanong niya.
"May matandang babae na nagawi rito ilang araw na ang nakakalipas. Malakas ang ulan at dito daw siya sa tindahang ito nakisilong. Anak niya ako.", paunang sabi ng lalaki.
"Sinasabi ko na nga ba! Hinde! Hindi nyo na mababawi ang cellphone. Akin na yon! Hindi ko isasauli sa tatanga tanga mong nanay ang cellphone na hindi niya iningatan! Samantalang sa akin ay alagang alaga ko yon. Nakatago upang hindi mawala. Akin na ang cellphone na may magic! Akin!", desidido niyang sabi.
Nagpatuloy sa pagsasalita ang lalaki.
"May naiwanan kasi siyang maliit na bag. Palagay niya ay nahulog daw sa gawing tinayuan niya. Ikaw ba ang bantay dito? May napansin ka bang matanda na nakisilong dito sa inyo? May nakita ka bang bag na maliit na may lamang ilang pirasong puting papel na may sulat na latin words kasama ng isang itim na cellphone? Nakahanda akong magbigay ng malaking halagang pabuya maisauli lamang ang cellphone at ang mga papel.", nakikiusap ang himig na sabi ng lalaki.
"Ano ako, bale?! Hindi ko kailangan ang pabuya mo! Ilang libong ulit kong makukuha ang halagang ipapalit mo sa kayamang nasa akin na ngayon.", sabi niya sa sarili.
Maang maangang sumagot si Wilma.
"Wala po akong napansin na kagaya ng sinabi nyo. Nakita ko nga po yung ale na nakatayo diyan sa gilid. Pero wala naman po akong napansin na naiwanan niya. Nandito po ako sa loob eh. Baka po hindi niya dito naiwanan. O kung nahulog naman diyan ay baka may nakapulot na. Tindahan po ito at may iba't ibang taong bumibili. Hindi ko po alam kung ano pa ang nangyari.", sagot niya.
"Ganun ba? O sige tutuloy na ako. Kung sakaling may mabalitaan ka maaari mo ba akong tawagan? Iiwanan ko sayo ang number ko. Mahalagang maibalik ang cellphone at ang papel sa amin.", pakiusap ng lalaki at pagkatapos ay iniabot ang isang calling card sa dalagitang kausap.
"Sige po, hayaan nyo po at ipagtatanong tanong ko din po sa bibili sa akin kung may napulot sila. Baka po maisauli kung malalamang may pabuya kayong ibibigay sa nakapulot. Kokontakin ko po agad kayo kapag nangyari ang ganun.", hungkag na pangako ni Wilma.
Matapos magpasalamat ay nagpaalam na ang lalaki.
"Hah! Tawagan...? Maghihintay lang kayo sa wala! Kahit iba ang nakapulot ay hindi na isosoli ang ganung cellphone. Nagkataong ako ang nakakuha at ako ang naka swerte. Sa dami ng malalaking tindahan dito sa amin ay dito pa sa gilid ng tindahan naming maliit sumilong ang aleng yun. Nakatadhana na mapunta sa akin ang cellphone. At wala akong kasalanan, napulot ko na yon!", matatag ang paniniwalang sabi ni Wilma.
Nagulat si Wilma nang biglang sumulpot ang ina.
"Parang may naulinigan akong kausap ka kanina.'', sabi ng inay niya mula sa pintuan.
"Ah...! Yung mama nagtatanong lang. Pasok na ako sa loob, nay. Hindi pa ako tapos gumawa ng assignment. May math pa nga pala.", pagkasabi ay tumayo na siya upang maiwasan ang mga itatanong pa ng ina.
Samantala...
Muling nilingon ng lalaki ang tindahang pinanggalingan.
"Sana ay nagsasabi ka ng totoo, ineng. Sana ay mali ako sa paghihinalang nasa iyo ang cellphone ng Mama. Hindi mo alam kung paano gamitin yan. Nag aalala akong matulad ang iyong kapalaran sa sinapit ng iba pang mga nauna sa kanya. Mahigpit niyang pakiusap na hanapin ang cellphone at wasakin bago pa muling makapaminsala sa marami. Ang kasakiman at pag abuso sa kapangyarihang taglay ng gamit na iyan ay hindi mo matatanggihan, ineng. At kapag nagkaganun, mamamatay ka rin gaya ng aking Mama.", malungkot na sabi ng lalaki at saka muling ipinagpatuloy ang paglalakad.
Pagkatapos mailigpit ang mga gamit ay nagkusa nang magsaing si Wilma. Kanin na lang ang kailangan dahil nailuto na ng kanyang inay ang ulam kanina para sa hapunan nila.
Habang nakasalang ang sinaing sa kalan ay muli niyang naisip ang ale na nakaiwan ng maliit na bag.
"Parang may kinatatakutan siya at nang sumugod sa ulan ay palinga linga pa. Parang may humahabol sa kanya. Saan kaya siya galing? Sino ang humahabol sa kanya? At saka bakit naman?", tanong niya sa sarili.
Matapos mainin ang kanin ay nagmamadali siyang pumasok sa sariling silid. Naisip niyang isulat ang pangyayaring naalala tungkol sa ale at ang paghahanap ng anak sa nawawala nitong cellphone.
"Creepy ang istoryang gagawin ko tungkol sa kanya. Tiyak na magugustuhan ito ng mga readers.", excited niyang sabi.
Muling gumana ang mga daliri ni Wilma. Sandali lang at natapos na niya ang ikalawa sa tatlong kabanata na inihahanda niya para i publish mamaya.
Pangatlong kabanata na ang gagawin niya. Muli niyang inisip ang nangyari sa eskwelahan.
"Ikaw ang uunahin ko, Mrs. Avendan!", nanlilisik ang mga matang sabi ni Wilma.
Parang wala lang na nagtipa ng mga salita ang dalagita. Sandali itong hihinto at pagkatapos ay napapangiting muling ipagpapatuloy ang pagpindot sa keypad ng cellphone.
"Bukas ay masasaksihan ng marami ang iyong wakas. Panonoorin kita, mam. Gusto kong masaksihan ang unti unti mong pagkamatay!", naniningkit ang mga mata at nagtatagis ng mga ngiping sabi ng dalagita.
BINABASA MO ANG
Misteryo sa Wattpad
HorrorIsa ka bang manunulat o mambabasa? Mambabasa na naging manunulat? O manunulat na mambabasa dito sa Wattpad? Halika..! Samahan mo akong tunghayan ang dalawang kwento ng ating mga bida. #1 Ang Follower Si Elaine.., panganay sa apat na magkakapatid. Pi...