Pag uwi ng bahay ay agad na kinuha ni Wilma ang cellphone at tinignan ang lagay ng kanyang kwento. Walang masyadong nadagdag sa bilang ng mga bumasa nito.
"Hindi bale, may tatlong parts na akong nagawa kagabi at maidadagdag ko pa ang mga nangyari ngayon hanggang mamaya. Kung walang magiging istorbo ay makakagawa uli ako ng tatlo pa.", nakangiti at ganadong sabi niya sa sarili.
Mabilis siyang nagbihis at kumain. Pagkatapos maghugas ng pinggan at magwalis ng sala ay pumasok na siya sa sariling silid. Sumampa siya sa ibabaw ng kutson at nag umpisa na sa pagta type ng mga pangyayari. Hindi naman siya pinakialaman ng ina matapos masilip sa ginagawa. Nasa harapan niya ang ballpen at scratch notebook ganun din ang bag.
Naisip ng ginang na gumagawa na ng assignment ang anak. Napangiti pa ito at nagpasalamat na mabuti na lamang at may cellphone na pansamantalang nagagamit ang anak niya.
"Sana ay magkapera na ako para balikan man ng may ari ang cellphone na gamit gamit niya ay maibibili ko na siya kahit second hand lang din uli. Maigi nga at libre lang siyang nakakagamit ng wifi wifi na sinasabi niya. Nakakapag research siya na hindi na lumalabas pa para pumunta sa computer shop. Mas magastos pa yung nag rerenta ng twenty five pesos para sa dalawang oras. Kung may gamit siya kahit anong oras ay makakapag aral agad siya. Kawawa naman ang anak ko. Hindi man lang namin maibigay ng kanyang itay ang gusto niya.", bulong ng ina matapos iwanan ang anak at bumalik sa loob ng tindahan.
Hapon.., nagising si Wilma sa pagtatalo ng mga magulang.
"Isa ka sa tatanggalin sa trabaho?! Bakit ganun ang nangyari?! Paano na tayo?!", nangangatog ang boses na tanong ng kanyang inay.
"Nagbawas ng tao ang may ari. Bibigyan naman daw kami ng separation pay kaya kahit paano ay may magagamit tayong dagdag puhunan sa tindahan mo.", narinig niyang sabi ng kanyang tatay.
"Gaano lang yon? Iba yung may inaasahan tayong regular na sweldo. Graduating na ang anak mo, paano natin siya mapag aaral sa kolehiyo kung tindahan lang ang aasahan natin. Masasayang ang talino ng anak mo kung hindi siya makakapagtapos ng pag aaral.", sagot ng nanay niya.
Narinig niyang humagulgol ito ng iyak habang ang itay naman niya ay abut abot ang pagpapalakas ng loob.
Nanlalatang napaupo si kama si Wilma. Kung yun nga lang na may trabaho ang itay niya ay hindi na sila makaginhawa sa buhay paano pa kaya na mawawalan na ito ng hanapbuhay.
Hindi na muna siya lumabas ng silid at hinintay na matapos ang pag uusap ng mga magulang. Inabala niya ang sarili sa pag gawa ng mga assignment na hindi pa nagagawa dahil inuna niya ang mag type ng kwento sa Wattpad.
Ilang sandali pa ay tahimik na sa sala. Lumabas na siya ng silid. Wala ang itay niya sa loob ng bahay at ang inay naman niya ay nasa loob na uli ng tindahan. Bahagyang pugto ang mga mata nito at halatang naiiyak pa rin dahil sa paminsan minsang pag singa. Nagkunwa siyang walang alam. Ayaw niyang malaman ng ina na narinig niya ang pag aaway ng mga ito.
Matamlay at walang kibuan ang mga magulang niya nang gumabi na. Maliit lang ang bahay nila pero parang napakalaki dahil sa pag iiwasan ng dalawa.
Pumasok na siya sa loob ng silid at walang kagana ganang nagbukas ng cellphone. Ang mga nararamdaman niya ay ihininga niya sa kwento. Punung puno ng emosyon ang dalawang kabanata na natapos niya. Tumutulo ang luha niya mula sa umpisa hanggang sa matapos. Naisip niyang gumawa pa ng isang kabanata. Nakapaloob sa kabanatang iyon ang mga gusto sana niyang mangyari. Gusto niyang kahit sa kwento at imahinasyon lamang ay magkaroon ng maganda at masayang solusyon ang pinoproblema at dahilan ng di pagkakaunawaan ng mga magulang.
Muli niyang nirebisa ang ginawa. Gumaan ang loob niya sa nabasa.
"Kung sana ay ganito nga lang ang mangyayari. Ang saya sana.", nasabi niya at saka niya pinablis ang anim na kabanatang nagawa niya. At pagkatapos ay nahiga na at natulog.
Kinabukasan ay walang sigla ang kilos nilang mag anak sa loob ng bahay. Maging sa paaralan ay tahimik lang siya. Hindi naman nagtanong si Nica. Sanay na ito sa mood niya. Lumipas ang gatanghali na parang wala lang.
Matamlay pa rin siya nang makauwi ng bahay. Nagbibihis pa lang siya ng damit pambahay nang marinig ang masayang tinig ng ama.
Mabilis siyang nagpalit ng damit at agad na lumabas ng silid.
"Talaga?! Hay naku po, Diyos ko! Maraming maraming salamat po!", tuwang tuwang sabi ng nanay niya. Nang makita siya ng ina ay mabilis itong lumapit at niyakap siya. Bahagya siyang napanganga dahil hindi niya maintindihan kung bakit masayang masaya ang mga magulang.
"Naku, Wilma! Alam mo bang muntik nang mawalan ng trabaho iyang tatay mo? Kahapon ay ibinalita niya sa akin na kasama siya sa matatanggal! Pero kanina ay ipinatawag siya nung anak ng may ari na pinagtatrabahuhan niya. Hindi na siya kasama sa mawawalan ng trabaho, ang itay mo pa ang napili nung bagong management na maging foreman dahil siya ang may pinaka magandang record! Tataas na ang sweldo ng itay mo!", nagkakandaiyak na pagbabalita ng inay niya.
Tuwang tuwa din siya. Parang panaginip lang ang nangyari. Kagabi lang ay iyak siya ng iyak dahil sa takbo ng buhay nila tapos ngayon ay okey na ang lahat. Parang kwento lang sa Wattpad.
Wattpad....?!
Agad siyang nag paalam sa ina at ama. Nagmamadaling pumasok sa silid at kinuha ang cellphone. Pinuntahan niya ang huling kabanatang ginawa kagabi.
"Hindi lang specific..., pero nagkatotoo ang ginawa kong kwento!", gulat na gulat na sabi niya sa sarili.
"May magic ka ba? O nagkataon lang na naging totoo ang isinulat ko sayo kagabi?", hindi makapaniwalang tanong niya sa cellphone na hawak.
BINABASA MO ANG
Misteryo sa Wattpad
HorrorIsa ka bang manunulat o mambabasa? Mambabasa na naging manunulat? O manunulat na mambabasa dito sa Wattpad? Halika..! Samahan mo akong tunghayan ang dalawang kwento ng ating mga bida. #1 Ang Follower Si Elaine.., panganay sa apat na magkakapatid. Pi...