Ang Author 21: trauma

2.1K 154 7
                                    

Kahit napuyat sa pag gawa ng ikatlong kabanata ay maagang nagising si Wilma. Matinding excitement ang nararamdaman niya. Hindi pa man oras ay gusto na niyang pumasok sa paaralan. Tila hindi na makapaghihintay pa.

"O, masyado pang maaga ah!", sabi ng kanyang ina habang isinasangag ang bahaw.

"Nagkamali ako ng tingin sa oras, inay. Naisip ko kung itutulog ko pa ay baka mapasarap naman ako at tanghaliin sa pag gising.", pagsisinungaling niya.

"Kunsabagay, nakakatulog ka naman sa hapon. Ang inaalala ko lang ay baka antukin ka mamaya habang nagkaklase ang teacher mo.", sabi ng ina. Patuloy ito sa paghalo ng niluluto.

"Huwag kang mag alala inay, hindi ako aantukin mamaya.", bulong niya sa sarili habang pinatutuyo ang mahabang buhok sa tapat ng bentilador.

Napalingon ang ginang sa gawi ng anak nang maulinigang tila may ibinubulong ito.

"Wilma anak, may problema ka ba?", nag aalala nitong sabi sabay patay sa kalan at agad na hinarap ang anak.

"Wala akong problema, inay.", nakangiting sagot ni Wilma.

"Mababawasan na ang nagbibigay sa akin ng problema!", muli nitong bulong sa sarili.

Nangunot ang noo ng ina ng dalagita nang makitang muling kumibot ang mga labi ng anak na parang may sinasabi. Agad nitong hinaplos ang ulo ni Wilma at pagkatapos ay hinagkan.

"O siya sige, kumain ka na habang mainit ang sinangag. Ipinagprito kita ng itlog at longganisa.", nasabi na lang ng ina. Hindi ipinahalata ang nararamdamang pagkabalisa.

Sumunod naman ang dalagita sa sinabi ng ginang. Naupo na ito sa harap ng mesa at nag umpisang kumain ng magana. Hindi pansin ang inang nakamasid at pinag aaralan ang mga kilos niya.

"Mamaya ay kakausapin ko si Nica. Itatanong ko kung may problema si Wilma sa paaralan.", sabi ng ginang.

Ang planong magtanong sa kaibigan ng anak ay hindi na nito nagawa. Agad na lumabas si Wilma at inabangan na si Nica sa labas ng bahay. Kaya hatid na lamang nito ng tanaw ang dalawa habang naglalakad palayo.

"Kakausapin ko na lang si Nica mamayang hapon.", nasabi nito.

Nakarating na ang magkaibigan sa paaralan. Sa tapat pa lamang ng gate ay isang tusong ngiti na ang pinawalan ni Wilma.

"Nandito na ako Mrs. Avendan. Ikaw, nasaan ka na? Siguradong makukuha mo ang atensyon ng kapwa guro mo at ng principal. Matutuwa ang mga teacher na api-apihan mo. Ganun din ang mga kagaya kong estudyante na madalas mong ipahiya sa loob at labas ng iyong klase. Ang mga magulang na nangutang pa para lamang makapagbigay ng special project sa iyo upang pumasa ang anak nila. Natitiyak kong ikatutuwa ng marami ang pagkawala mo. Lalung-lalo na ako!", bulong ni Wilma.

Napalinga si Nica sa kaibigan. "May sinasabi ka ba, bakla?", naitanong nito.

Nginitian ni Wilma ang kaibigan. "Wala naman, minememorize ko lang ang ire recite natin sa Filipino.", pagkakaila nito.

"Aw., shit! Oo nga pala!", gulat na sabi ni Nica.

"Sana hindi ako matawag ni Mam mamaya.", nag aalalang hiling nito na tinawanan lang ni Wilma.

Nasa loob na ng classroom ang mga estudyante ng Pulo Pulo National High School. Nagkaklase na ang guro ng bawat subject. Abala na rin ang mga tagapangasiwa sa canteen. Ang punung guro ay nasa loob na rin ng opisina nito at pinag aaralan ang mga report sa ibabaw ng mesa. Ang isang gwardiya ay nagkukwento na habang panay ang tawa ng ikalawang nakaupo sa harapan ng maliit nitong mesa.

Tahimik sa loob ng paaralan maliban sa palitang mga boses ng mga guro at mag aaral nang biglang gulantangin ng malakas na sigaw.

"Eeeeeh...! Si Mrs. Avendan! Si Mrs. Avendan!", palahaw ng isang guro na napadaan sa ginagawang tatlong palapag na gusali.

Natigil ang mga guro sa pagtuturo at hangos na naglabasan mula sa kaniya-kanyang silid aralan. Umugong ang sigawan at bulungan ng mga umuusyoso sa labas. Walang nagawa ang pananaway ng mga guro sa mga mag aaral na humahangos na nagsipagbabaan sa hagdanan kasunod ng ibang guro na nagbabaan din.

"Bakla, halika! Tignan din natin kung ano ang nangyayari!", aya ni Nica kay Wilma. Hinawakan pa nito ang braso ang kaibigan at saka hinila. Nagpatianod naman ang nangingiting si Wilma.

Halos naroroon na sa tapat ng gusali ang lahat ng pang umaga. Pawang mga nakatingala at pinagmamasdan ang gurong tila wala sa sarili.

Nasa tuktok ito ng gusali at nakatayo sa tabi ng kalong may matatabang lubid.

Nagsigawan ang mga nakakasaksi nang ipulupot ng guro sa sariling leeg ang lubid at saka naglakad pasulong!

Nakabingit ito at sa isang pagkakamali lang ay tiyak na mahuhulog.

Nagsisigaw ang punong guro. Iniutos na tumawag ng rescue at ng iba pang kinauukulan na makakatulong upang maibaba ng ligtas ang gurong magpapatiwakal.

Ang iba naman ay pinakikiusapan ang guro na huwag ituloy ang binabalak. Ang lahat ng naroroon ay nanghihilakbot. Hindi makapaniwala sa nasasaksihan.

Maliban kay Wilma. Sandali itong tumingin sa orasang pambisig na suot.

"Malapit na, Mrs. Avendan! Magdadatingan na ang mga bayaning magliligtas sayo. Pagdating nila ay saka ka pa lamang tatalon. Magiging dahan dahan ang iyong pagbagsak dahil sa lubid na nakapulupot sa iyong leeg. At sa kalagitnaan ng gusaling kinaroroonan mo ay mabibigti ka at unti unting malalagutan ng hininga. Bago pa sumayad ang mga paa mo sa lupa ay patay ka na!", nagngangalit ang mga bagang na sabi ni Wilma habang pumapatak ang luha sa nanlilisik na mga mata.

Dahil sa pangyayari ay maagang pinauwi ang lahat ng mag aaral. Hindi na pinansin ni Wilma ang pagdating ng ilang media at mga pulis. Alam niyang suicide ang lalabas sa imbestigasyon ng mga ito.

Habang pauwi ay panay ang salita ni Nica. Nangangatog pa sa hindi kapani paniwalang pangyayaring naganap. Parang panaginip lang. Isang masamang panaginip na kinahantungan ng pagkamatay ng gurong kahapon lamang ay buhay na buhay.

Sa tabi ng dalagita ay tahimik lamang si Wilma at nag iisip. At pagkatapos ay muling ngumiti ng palihim.

"Lyra ikaw na ang kasunod at ang iyong mga chuchuwariwap. Pero huwag kayong mag alala. Hindi ko kayo papatayin. Lulumpuhin ko lang naman kayo!", sa galit ay tumulo pa ang luha ng dalagitang naipagkamali ni Nica bilang awa para sa sinapit ng kanilang guro. Marahan nitong hinagod ang likuran ng kaibigan.

Misteryo sa WattpadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon