37. Obstacles

622 55 22
                                    

Obstacles

"Wanda, kapag dumating si Gaunt, sabihin mo sa kanya ang tungkol sa aming misyon. Sabihan mo din siya na sumaglit sa guild para makasiguro na ligtas ang mga tao doon. Mahirap na at baka sumugod na naman ang mga kalaban." ang bilin ni Clemen sa dalaga.

Isa namang alanganing ngiti ang namutawi sa labi ni Wanda. Gusto sana niyang magsalita tungkol kina Hugo ngunit... Pinili na lang niya na huwag magsabi.

"Sige, sasabihan ko si Gaunt kapag dumating siya. Mag-iingat kayong lahat." ang wika na lang niya.

"Salamat. Sige, aalis na kami." ang paalam ni Clemen.

Nagpaalam din ang iba kay Wanda at isang malalim na buntung-hininga na lang ang pinakawalan ng huli nang makita niya na tuluyan na silang umalis. Sa totoo lang ay naiipit siya. Hindi niya alam kung sino ang dapat niyang kampihan kaya pinili niyang manahimik na lang.

Samantala... Napahinto sa pagkuha ng mga nilabhang kumot si Rose nang makita niya si Constantine. Mukhang kagagaling lang nito sa guild. Pumunta siya sa may bungad ng bakuran ngunit nagdalawang-isip siya kung kakausapin niya ang lalaki. Gusto kasi niyang magtanong kung marami bang namatay at nasugatan sa guild.

Napahinto naman sa akmang pagbubukas ng gate si Constantine dahil naramdaman niyang may nakatingin sa kanya. Hindi nga siya nagkamali dahil paglingon niya sa katapat na bahay ay nakita niya sa may bungad ng bakuran si Rose, hawak ang isang kumot. Akma itong lalakad paalis ngunit...

"Miss Weston, sandali! May kailangan ka ba?" ang tawag niya.

Lumakad siya palapit sa dalaga at wala naman nang nagawa si Rose kundi ang kausapin na lang si Constantine.

"Miss Weston, may sasabihin ka ba?" ang makulit pang tanong ni Constantine.

"Ahm... Wala." ang biglang wika ni Rose.

"Sigurado ka ba diyan?"

Napabuntung-hininga si Rose at kasunod noon ay...

"Madami bang namatay sa guild? Madami bang nasugatan? Marami din bang gusali ang nawasak doon? Ano ang puwede kong maitulong?"

Matamang napatitig sa mukha ni Rose sa Constantine at kasunod noon ay isang matipid na ngiti ang namutawi sa kanyang labi. Napakunot-noo naman si Rose nang makita niya ang naging reaksyon ni Constantine sa kanyang mga tanong.

"Nang-aasar ka ba?" ang kunot-noo niyang pakli.

"Miss Rose, relax. Pasensiya ka na, na-amaze lang kasi ako sayo kaya ganito ang naging reaksyon ko." ang wika ni Constantine.

Lalong napakunot ang noo si Rose at bahagya siyang napasimangot.

"Ano na naman bang sinasabi mo diyan eh nagtatanong lang naman ako?"

Iyon nga lang ay nakadama siya ng pagkailang dahil lalo lang siyang tinitigan ni Constantine.

"Miss Weston... Na-aamaze talaga ako sayo ngayon."

"At bakit naman?"

"Hindi na kasi ikaw ang dating Rose na kilala ko na walang pakialam. Hindi ba't sinabi mo sa akin na wala kang pakialam sa ibang mga tao dahil wala din naman silang pakialam sayo?"

Natigilan si Rose at matamang napatitig pabalik sa mukha ni Constantine. Napahigpit ang pagkakahawak niya sa kumot.

"G-Gusto ko lang namang tumulong... Masama ba iyon?" ang mahina niyang wika.

"Hindi iyon masama. Sa katunayan, mabuti nga iyon. Ngayon, ang tanong ko sayo, bakit mo gagawin? Hindi mo naman kilala ang mga taong iyon at wala din naman silang nagawa na kahit na ano sayo. Bakit ka tutulong sa kanila?"

Escape from Hell Book 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon