44. Freedom

556 40 10
                                    

Freedom

Masakit ang buong katawan ni Grimm nang magmulat siya ng mga mata. Kaagad siyang bumangon sa pagkakahiga at nakita niya ang nangyari sa paligid. Nawasak ang buong parang, malaking crater ang namuo doon. Mabuti na lamang at naging maagap siya, nakagawa siya ng shield na gawa sa yelo upang protektahan ang sarili sa malakas na pagsabog ng itim na apoy mula kay Caleb.

Nakita niya si Belphegor, kagaya niya ay nagising na din ito, sunog ang ilang bahagi ng katawan pero pinapagaling na nito ang mga pinsala. Marahan itong bumangon at saka sinapo ang sintido. Kasunod noon ay bigla itong napatingin sa kanyang gawi. Isang matipid at nakakalokong ngisi ang namutawi sa labi nito.

"Mukhang dito na magtatapos ang laban natin, Grimm." ang nakakaloko nitong wika.

Napakurap naman ang binatilyo dahil sa kanyang narinig. Inaasahan niya na itutuloy nilang mag-ama ang laban. Ganoon pa man ay naghanda siya kung sakali mang bigla itong sumugod, sinungaling kasi ito kagaya ng iba pang prince of hell... Ngunit natawa ng mahina si Belphegor.

"Huwag kang masyadong mainit dahil wala na akong balak na labanan ka. Mas gusto kong umalis na lang, sumakit ang ulo ko sa nangyaring pagsabog. Isa pa ay tuluyan na akong nawalan ng gana." ang sutil pang wika ni Belphegor.

Kasunod noon ay lumakad na ito paalis, ni wala itong pakialam sa mga kasama nitong demons.

Samantala... Marahang nagmulat ng mga mata sina Hugo at Brando. Laking gulat nila nang makita nila sa kanilang harapan ang exorcist-priest na si Clemen. Ang lugar na kanilang kinaroroonan ay may malakas na shield na gawa sa kidlat. Anong nangyari? Bakit ito gumawa ng malakas na harang sa lugar na kanilang kinaroroonan?

"Anong nangyari?" ang kaagad na tanong ni Hugo kay Clemen.

Tahimik naman si Brando, nagtataka siya dahil hindi na nakabaon sa lupa ang halos kalahati ng kanyang katawan dahil sa spell na ginawa ng exorcist-priest kanina noong maglaban sila. Napatingin siya sa paligid, napatag ang buong parang, ang kanilang kinaroroonan ay isang malaking crater.

"Nagkaroon ng malakas na pagsabog mula kay Caleb. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong nangyari pero mukhang gusto niyang pahintuin ang nangyayaring labanan. Narinig ko kasi na sumisigaw siya ng 'tama na' bago siya mabalutan ng malakas na kapangyarihan ng itim na apoy." ang paliwanag naman ni Clemen kay Hugo.

Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Hugo at kasunod noon ay napatingin siya sa kinaroroonan ng anak ni Lucifer na si Caleb o sa totoong pangalan ay Calcifer. Nakadapa ito, walang malay at kaagad na pinuntahan ni Grimm.

Isa namang marahas na buntung-hininga ang pinakawalan ni Andy Valkenstein matapos niyang makita ang naging resulta ng pagsabog. Napatingin siya sa kalaban niyang demon na si Beelzebub. Kagaya niya ay pagaling na rin ang pinsalang tinamo ng katawan nito mula sa nangyaring pagsabog. Ayon nga at umuusok pa nga ang katawan.

"Sa palagay ko, hindi pa ito ang tamang panahon para sa mas matinding laban natin, Valkenstein..." ang wika ni Beelzebub.

"Tama ka." ang maikling sagot ni Andy.

"At umasa ka na mas seseryosohin ko ang laban sa susunod."

Sutil na ngumiti si Andy kay Beelzebub.

"At umasa ka din na baka gawin ko sa'yo ang pitik na technique." ang nakakaloko niyang ganti.

Biglang nagsalubong ang mga kilay ni Beelzebub at kasunod noon ay marahas na napasuklay sa kanyang buhok.

"How dare you 3x a day... Van Andy Valkenstein!"

Samantala... Bumangon na din ang iba at ang kanilang laban ay tuluyan na ngang natigil dahil sa nangyaring pagsabog. Sa kasalukuyan ay sapo ni Duke ang ulo niya dahil masakit iyon dahil hindi niya napaghandaan ang nangyari at ganoon din ang kalaban niya na kapareho niyang sapo ang ulo. Bigla silang nagkatinginan.

Escape from Hell Book 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon