1. The TRUTH

1.9K 120 24
                                    

The TRUTH


"Kamusta si Grimm? ang tanong ni Camael kay Michael.

Tumingin si Michael kay Camael at nakita niyang hinihintay din nina Raguel at Gabriel ang sasabihin niya. Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan niya. Nasa bahay sila, iyong ginagamit nila kapag nagpapanggap siyang si Mikee. Sumandal siya sa gilid ng bintana.

"Isang malaking dagok ang nangyaring ito kay Grimm, kailangan niya ng makakaramay dahil sobrang sakit para sa kanya ang pagkamatay ng Lola niya. Nakita ko ang lahat ng pangyayari. Iyon nga lang, hindi kasi ako puwedeng makialam sa kapalaran ng isang tao. Ipinagbabawal iyon." ang wika niya.

"Kung ganoon, ano ang iniisip mo Kuya?" ang tanong ni Gabriel.

Muling napabuntung-hininga si Michael. Napamulsa siya sa kanyang pantalon at saka tumingala sa kisame. Pagkatapos noon ay muli niyang binalingan ng tingin ang mga kasama niya.

"Magpapakilala na ako kay Grimm. Mas masusuportahan ko siya sa laban kapag kilala niya kung sino ako." ang wika niya.

Halatang nagulat sina Gabriel, Camael at Raguel sa sinabi niya.

"Sigurado ka na ba diyan, Kuya?" si Raguel.

"Uhum... The die is cast." ang sagot ni Michael.

"Pinag-isipan mo na ba iyang mabuti?"

"Of course. Kung nakita niyo lang sana ang mga nangyari maiintindihan niyo ang ginawa kong desisyon ngayon. Hindi ko pa alam kung ano ang magiging reaksyon ni Grimm sa gagawin ko. Pero, bahala na."

Tumalikod na si Michael at saka tumingin sa labas. Umaambon at unti-unti na iyong lumalakas. Napatingin siya sa mga halamang napapatakan ng tubig-ulan.

"Kung iyan ang mas makakabuti, susuportahan ka namin." ang dugtong pa ni Camael.

Napangiti si Michael. Sisiguruhin niyang makakamit ni Grimm ang hustisya para sa lola nito. Hindi ito mag-iisa sa laban.

Samantala... Nakatingin si Gaunt sa kapatid niyang si Grimm. Nasa gilid siya ng pinto ng kuwarto nito. Umiiyak ito habang nakatingin sa photo album kung saan may mga larawan na kasama nito si Lola Epang. Mula iyon noong baby ito hanggang sa paglaki. Sa ngayon ay nag-aalangan siyang lapitan ito.

"Kuya... Ikaw, kamusta ang naging laban niyo ni Kristoff?" ang biglang tanong ni Grimm.

Napangiti ng mapait si Gaunt at ilang segundo ang lumipas bago siya magsalita.

"Alam mo, noong ma-trap ko si Kristoff sa ginawa kong pentagram gamit ang mga holy-symbols. Nagawa ko siyang lapitan ng tuluyan. Sa kauna-unahang pagkakataon, nayakap ko ang anak ko. Napakasaya ko ng sandaling iyon lalo pa at isang kakaibang bagay ang nangyari. Tinawag niya akong 'Papa'. Medyo nagtaka nga ako kasi hindi ko pa nga nagagamit iyong spell na ibinigay ni Valkenstein pero nangyari ang bagay na iyon."

Napatingin si Grimm sa kanyang Kuya Gaunt.

"Siguro naramdaman niya ang pagmamahal mo, Kuya. Pagkatapos, anong nangyari?"

Nagtiim ang mga bagang ni Gaunt at mariing naikuyom ang kanyang mga kamao.

"Dumating si Belphegor at malakas niya akong binira sa aking leeg. Nawalan na ako ng malay at iyon na nga, kinuha niya ulit si Kristoff."

Napakurap si Gaunt nang makita niya ang pagkuyom ng mga kamao ni Grimm. Kasabay ng pagtitiim din ng mga bagang nito. Mas matindi ang galit na nararamdaman ng nakababata niyang kapatid. Kitang-kita niya iyon at bahagya siyang kinabahan dahil unti-unti itong binabalot ng malakas na puwersa. Naikuwento na sa kanya nina Father Clemen ang ginawa nitong pagwawala, hindi man niya nakita ang mga nangyari pero alam niyang lumabas mula sa loob ni Grimm ang isang totoong demon, isang halimaw... Napalunok siya. Walang mahanap na salita si Gaunt para pakalmahin si Grimm at medyo nakakadama na siya ng pagkabahala. May naulinigan siyang mga yabag. Si Andrey... Mabilis itong naglakad papasok sa kuwarto.

Escape from Hell Book 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon