38. FIGHT!

572 48 23
                                    


                                 FIGHT!



"Andrey, ihatid mo nga itong isang box ng ensaymada sa malaking bahay. Nabayaran na iyan." ang utos ni Andy sa kanyang anak.

Isang alanganing ngiti ang namutawi sa labi ni Andrey matapos niyang kunin ang kahon ng ensaymada na nakalagay sa plastic. Makikita na naman niya iyong masungit na babae. Si Carolina o Lina na lang daw ayon sa mabait nitong yaya.

"Sige po, pupunta na ako." ang wika na lang niya.

"Dalian mo ah? Nagpunta sa palengke ang nanay mo, sundan mo siya, siguradong madami iyong pinamili. Wala pa naman ngayon si Grimm."

"Sige po, aalis na po ako 'Tay."

"Mag-iingat ka at umiwas ka sa away ah?"

"Opo! Mag-ingat po sila sa akin!"

Kaagad na tumakbo si Andrey matapos niyang makita ang naging reaksyon ng tatay niya sa kanyang sinabi. Kabilin-bilinan kasi nito na hindi niya dapat ginagamit ang kanyang kakayahan sa mga walang-kuwentang bagay, lalo na... Sa pakikipag-away.

Napangiti siya ng matipid nang maalala niya si Grimm. Sa totoo lang ay excited siya sa nalalapit nilang sparring. Aminado siyang gusto din naman niya itong makaharap sa laban at sisiguruhin niyang hindi siya magpipigil. Lamang, si Grimm ang inaalala niya dahil siguradong hindi nito seseryosohin ang kanilang sparring. Dapat siyang mag-isip ng magandang strategy para ma-provoke niya si Grimm na ibigay sa laban ang buo nitong lakas. Naalala niya ang ginawa ng Tatay niya noong subukan nito si Grimm. Hindi puwedeng gawin niya ang katulad ng strategy na ginawa nito, makakahalata ang nakababata niyang kapatid...

Nawala ang iniisip niya nang mapansin niya na nasa destinasyon na pala siya. Hindi naman kasi kalayuan ang bahay na pagde-deliveran niya. Napakurap siya at natigilan ng makita niya si Miss Masungit sa may hardin. Nakaupo ito sa may gazebo at matamang nakatingin sa isang music box na nakalapag sa mesa. Ang music box... May nagsasayaw na ballerina sa ibabaw noon at nakita niyang doon nakatitig ang babae.

Naalala niya, naikuwento sa kanya ng yaya nito na dati itong isang ice skater. Nagkaroon ng aksidente sa sinalihan nitong event, nagkamali ito sa ginawang stunt at matindi ang pagkakabagsak. Naapektuhan ang kanang-binti nito sa nangyari ngunit hindi naman daw naging malala ang injury. Iyon nga lang ay nagdulot iyon ng matinding trauma kay Miss Masungit-napili niyang bigyan ito ng bansag kasi tuwing nakikita niya ito ay umiirap at saka sumisimangot kahit na nginingitian niya. Ginagawa lang naman niya ang bilin ng mga magulang nito na pakisamahan si Miss Masungit kasi nga may pinagdadaanan.

Hindi nagtagal ay napagpasyahan niyang lumakad papasok sa loob ng bakuran, kagaya ng dati ay binati niya ang guwardiya at binigyan ng isang supot ng hopia. Mabait kasi si Manong Guard sa kanila ni Grimm. Tumuloy siya sa kinaroroonan ni Miss Masungit upang ibigay ang in-order nitong ensaymada. Alam niyang ito ang palaging um-order sa kanila ng pastries dahil ang Yaya Goreng mismo nito ang nagsasabi.

"Uy, Miss Masungit! Ito na ang order mo." ang sutil niyang wika.

Iwinagayway niya sa ere ang hawak niyang kahon ng ensaymada at nakita niyang napatingin sa kanyang gawi ang babae. Isang matipid at nakakalokong ngiti ang namutawi sa labi ni Andrey dahil may kalokohan siyang iniisip...

"Tumayo ka diyan at kunin mo itong ensaymada. Kapag hindi ka tumayo diyan, hindi ko 'to ibibigay! Puwede ko namang i-refund ang bayad mo eh. Kaya kung gusto mo ito, kunin mo!" ang nang-aasar niyang wika.

Nakita niyang napakurap ang babae sa kanyang sinabi at kasunod noon ay matamang tumitig sa kanyang mukha ngunit sa huli ay natuon ang atensyon nito sa hawak niyang kahon ng ensaymada at ayon... Isang katakot-takot na matalim na irap ang napala niya at kagaya ng dati ay napasimangot na naman ito sa kanya. Nanatili ito sa kinauupuan, hindi kumikilos. Alam niyang hindi naman ito lumpo ngunit natakot lang naman dahil sa nangyaring aksidente. Ngayon, susubukan niya kung magagawa niya itong patayuin sa kinauupuan.

Escape from Hell Book 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon