19. Ritual

1.3K 74 9
                                    


                               Ritual

"May maliit ka palang problema sa mga tauhan mo, Hugo. Una si Icarus at ngayon naman ay si Rowena? Hindi ba't inalagaan siya ng iyong ina para maging tapat mong alagad?" ang tila inosenteng wika ni Belphegor.

Lihim na nanggigil si Hugo sa Prince of hell. Kung magsalita ito at umakto ay akala mo walang alam. Kung tutuusin ay ito ang nag-utos kay Icarus na patayin siya. Ngunit si Icarus ang napatay at dahil sa nangyari ay nagrebelde na si Rowena. Kasintahan ng huli si Icarus at batid niyang may malalim na samahan ang dalawa.

"Inaasikaso na nina Wanda at Brando ang paghahanap kay Rowena." ang maikli niyang sagot.

"Tsk! Dapat kapag nahanap mo ang babaing ay kaagad niyo na siyang tapusin. Ang mga katulad niyang lulong sa galit, nagdudulot ng problema." ang sulsol pa ni Belphegor.

Sumandal siya sa kinauupuan. Naisipan niyang dumalaw sa mundong ibabaw para kamustahin si Hugo at siyempre para sumagap na rin ng balita sa dalawang anak niyang talipandas ngunit wala siyang nakuha.

"Ikukulong ko si Rowena sa bartolina. Hindi ako papayag na may dumanak na namang dugo ng isang occultist."

Ipinitik ni Belphegor ang mga daliri sa kanang-kamay, sinalinan ni Jack ang baso niya ng alak. Kaagad siyang uminom at matamang tinitigan ang pinuno ng mga occultist.

"Lumalambot na yata ang puso mo? Tsk! Hindi magandang pangitain iyan. At tungkol nga pala sa iyong bastardo-"

Hindi naituloy ni Belphegor ang pagsasalita dahil pinutol ni Hugo.

"Hinding-hindi ko na siya makukumbinsi na maging tagapagmana ko kahit na sapilitan pa."

Nagsenyas si Belphegor kay Jack na muling salinan ng alak ang kanyang baso at iyon nga ang ginawa ng kanyang archdemon.

"Kung ganoon pala, magpapadala ako ng nararapat na maging ina ng iyong anak. Mayroon na akong napipili na nababagay para sa posisyong iyon."

Pinanatiling blangko ni Hugo ang ekspresyon ng kanyang mukha. Kahit sa loob-loob niya ay gusto niyang tanggihan ang sinasabi ni Belphegor. Ngunit hindi ito ang tamang oras para galitin ang prince of hell. Hindi nito puwedeng mahalata na may balak na siyang bumaliktad.

"Bahala ka." iyon na lang ang naisagot niya.

Dahil doon ay napa-cheers tuloy ng wala sa oras si Belphegor. Kumuha na rin ng baso si Hugo at nagsalin ng alak. Ayaw niyang ipahiya ang bisita niyang demonyo. Lalo na at kasama nito ngayon sina King at Jack, mga mahuhusay nitong tagapaslang.

Samantala... Napainat-inat si Grimm matapos niyang banlawan ang mga nilabahang kumot. Natapos na ang bakasyon nila sa probinsya nila ni Sid. At pag-uwi na pag-uwi nila ni Andrey sa bahay ay may nakaabang kaagad na gawain. Napasilip siya sa loob ng bahay kung saan abala ang kuya niya sa pagmo-mop ng sahig. Tapos na nga talaga ang tatlong-araw nilang bakasyon. Akala nila ay madadaan sa pasalubong na kakanin at souvenirs ang kanilang mga magulang ngunit walang epekto.

"Oh, pigaan mong maigi iyan at isampay. Pagkatapos mo diyan, magwalis ka sa harap ng tindahan. Maraming nagkalat na dahon doon." ang utos pa ni Andy kay Grimm.

"Opo, 'tay." ang magalang niyang sagot.

Kinuha niya ang mga nabanlawang kurtina at piniga.
Iniwan na siya ni Andy, pumasok ito sa loob ng bahay at ang kuya Andrey niya ang binalingan nito. Napangiti siya dahil base sa nakikita niya, nasesermunan. Malamang may nagsumbong sa kabaliwang nagawa nito sa lumang ospital. Napangiti na lang siya at binuhat ang laundry basket na may lamang mga kurtina. Pumunta siya sa sampayan at nagsimula na siyang magsampay.

Escape from Hell Book 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon