Third Person
"Kain ka na, asawa ko." Tila naging normal na routine na pagkakaumaga ang marinig ang boses ni Catiana na nag-aalok ng pagkain. Tahimik na dumiretso na lamang sa hapag-kainan si Mason upang sabayan sa pagkain ang dalaga.
Nagtataka siya sapagkat ang alam niya ay maraming kapatid ang babae ngunit wala silang kasabay kumain. Sila lamang dalawa. Napapaisip tuloy siya kung talaga bang mag-isa lamang kumain ang dalaga noong wala pa sila dito ni Sawyer? Ngunit hindi niya ugaling magtanong ng mga personal na bagay lalo na't tungkol kay Catiana.
Tatlong araw na siyang namamalagi sa mansyon at sa bawat gabi ay namamalagi sa kaniyang isipan ang kanilang naging paglalaban ni Catiana sa training ground. Iyon ang unang beses na nakaramdam siya ng kakaiba sa babae. Kakaiba at hindi maipaliwanag. Unang beses na nakaramdam siya ng pagtibok ng puso para sa babae.
Naramdaman niya noong gabing iyon ang unti-unti nilang pagsindi ng apoy na nagdala ng kakaibang init sa kaniyang katawan. Alam niyang hindi lamang siya ang nakaramdam niyon. Alam niyang pati si Catiana ay naramdaman ang init na iyon, ngunit hindi maaari. Ayaw niya kay Catiana.
"Are you willing to marry me, asawa ko?" Nakangiting sabi ni Catiana sa lalaki. Heto na naman sa usaping iyon. Halos magdadalawang linggo ng naririnig iyon ni Mason at naiinis na siya. Pakiramdam niya ay mabibingi na siya sa paksang iyon.
"Ano ba ang gusto mo, Catiana? Hindi niyo ako pinapalabas dito hangga't hindi ako pumapayag. Sa tingin mo ba ay gagana ang ritwal kung sapilitan ang kasalang ito?" Medyo napataas ang boses ni Mason sa dalaga dahil na rin sa isang linggo at mahigit na itong nagtitimpi sa presensya niya. Napamaang si Catiana sa hindi inaasahang mabilis na pag-init ng ulo ni Mason. Nabigla siya ngunit agad ding nakabawi.
"Hindi naman kita pinipilit, asawa ko." Malambing na saad ni Catiana. "Alam ko naman---"
"Hindi mo ako asawa." Malamig ang tinig ng lalaki at hindi maiwasan ng dalaga ang maramdaman ang kabang biglang umusbong sa kaniyang dibdib.
"Doon din naman pup--"
"Ayokong magpakasal sa'yo! Hindi mo ba nakikita ang sarili mo? Desperada ka na sa paningin ko!" Hindi na napigilan ni Mason ang tuluyang pagtaas ng boses. Natigilan ang dalaga sa narinig. Nanikip ang dibdib ni Catiana at kaagad nanakit ang lalamunan niya. Nag-iinit ang sulok ng mata niya ngunit pinipigilan niya ang pagpatak ng mga luha sa mata niya.
Gusto lamang naman niya ng pagmamahal mula sa lalaking iniibig niya. Hindi man niya aminin ngunit ang pagbilis ng tibok ng puso niya kapag nakikita ang lalaki at ang pagwawala ng sistema niya kapag nagtatagpo ang mga mata nila ay ang pakiramdam na gusto niyang maranasan habang may oras pa siya. Maramdaman man lamang niya ang pagmamahal ng isang lalaki sa kaniya sa romantikong paraan. Ngunit sa tagpong ito, napagtanto niyang wala nang paraan.
Tila naramdaman niyang nagkaroon ng bitak sa pag-asang pinanghahawakan niya.
"H-hindi naman kita pinipilit eh. Humihingi lamang ako sayo ng ilang linggo at kapag wala talaga ay hinding-hindi mo na ako makikita pang m-muli." Napakagat ng labi ang dalaga at akmang babagsak na ang luha niya ay laking pasasalamat niya nang may tumawag sa kaniyang pangalan. Ramdam na ramdam niya ang hapdi ng lalamunan sa pagpipigil ng hikbi. Tila may nakabara rito na nagdudulot ng sakit na iyon.
Ang pag-asang pinagkukunan niya ng lakas ng loob ay tuluyan ng nawasak.
"Catiana." Napalingon ang dalaga sa tumawag at tinalikuran si Mason na nakatingin na ngayon kay Nicholas na kararating lamang. Saktong pagharap niya kay Nicholas ang sunod-sunod na pagbagsak ng mga luha niya. Hinila siya ni Nicholas upang ikulong sa bisig ang palihim na humihikbing dalaga at tinapunan ng nagbabantang tingin si Mason na nakatingin sa kamay ni Nicholas na nakahawak sa likod ng dalaga. "Halika. Kumain ka na ba? Ililibre kita. Naririto na sila." Nakangiting aya niya sa dalaga na tumango lamang at nauna ng lumabas ng mansyon.
BINABASA MO ANG
Mate
WerewolfAng El Mes pack ang kinikilala sa buong bansa bilang pinakamakapangyarihang grupo ng mga taong-lobo. Nagmula ang pack na ito sa sinaunang taong-lobo na nabuhay sa kasaysayan at kasalukuyang pinamumunuan ni Mason Finn Madden. Siya ay kilala bilang ma...