Demokrasya o Disiplina?

51 0 0
                                    

Nakakasakal. Nakakamatay. Nakakatakot.

Aminin na natin, ayaw natin ang sinasabihan. Ayaw natin ang may sinusunod na mas nakakataas sa atin. Gusto natin maging malaya.

Malaya. Malaya nga ba?

Paano mo nasabing malaya ka? Dahil ba kaya mong umihi sa isang sulok ng abandunadong gusali? O malaya ka dahil kaya mong dumura sa sementadong daan? O kaya mong magsulat ng pangalan ng crush mo sa armchair sa paaralan? O baka dahil kaya mong itapon ang plastik sa basurahang may nakasulat na "Nabubulok".

Malaya ka nga. Malayang tanga.

Ang dami sa'tin ang nagrerebelde. Ang daming nagtatanong ng mga tanong na ang kasagutan lang ay disiplina; Pero wala eh, hindi naman natin gusto ang nadidisplina. Mula nung bata ka, ayaw mo ng makulong sa bahay kasama ang nanay mong nagtuturo sa'yo ng alpabeto habang ang mga kalaro mo'y nasa labas. Gusto mo kung anong nararanasan mo, nararanasan ng lahat. Ayaw natin ang nalalamangan. Ayaw natin ang may sistema. Gusto natin maging malaya. Malayang tanga.

Minsan kailangan masaktan para hindi na masaktan pa lalo. Lahat ng bagay may kapalit, may kabayaran. Lahat ng sakripisyo, nagkakaroon ng kahulugan. Hindi man ngayon, sigurado isang araw. Matuto lang tayong maghintay.

Kalayaan! Kalayaan!

Mula sa guro ko sa Sibika hanggang sa Rizal subject ko sa college. Kalayaan!

Ano nga bang nakakaadik sa kalayaan? Gusto natin nakakapag desisyon ni hindi naman natin alam kung may potensyal talaga tayo sa mga pinaghahawakan natin. Importante malaya. Malayang tanga.


Pag nakaaberya sa kawalang potensyal natin mamuno, reklamo.

Pag may nagkaproblema sa pamamahala, welga.

Di bale na, importante malaya. Malayang tanga.


Indio. Isa lang akong ignoranteng mag-aaral na walang ginawa kundi punahin ang iba ibang mga bagay na mismong ako hindi ko alam ang puno't dulo. Hindi ko alam kung ano ang nasa gitna o anong nasa kakalasan. Ang alam ko lang ay ang ngayon. Ngayon, anong meron tayo, Meron tayong Kalayaan, ano pang meron? Kurakot na Gobyerno, mga tiwaling namamahala at milyon milyong nagugutom at naiipit sa problemang hindi naman sa kanila.


Bakit nga ba natin tinaboy ang mga "Dayuhan" dati? Kung tama ang aking pagkakaalala e dahil sa pagnanakaw. Sa pang aabuso ng ating likas na yaman, sa pangbababoy ng ating mga kapwa pilipino. Sa pagiging makasarili at pananakop ng mga lupaing hindi naman sa kanila. Kanino? Sa ating mga ninuno.


At kung tama ang aking namamasdan, Dayuhan na siguro tayong lahat.

Di bale na, importante malaya. Malayang tanga.

PerspektibTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon