HINDI nagbago ng pasya ang papa ni Princess Grace. Nang araw ding iyon ay ipinilit nitong magpakasal sila ni Lyndon. At dahil kaibigan nito ang mayor sa kalapit na bayan ay nagawa nga nitong ipakasal sila. Sa isang iglap, hindi sila makapaniwala ni Lyndon na magpapakasal na sila. Lalo naman ang kanilang mga ina. Parehong umiyak ang mama niya at si Aling Merlina habang isinasagawa ang simpleng seremonya sa loob ng opisina ng mayor.
"Dinaya na lang ang mga edad ninyo," sabi ng clerk na nag-prepare ng papeles kanina. "Karaniwan nang nangyayari iyon, lalo at may consent ng mga magulang. Kaya lang ay nakakahinayang kayo. Ang babata pa ninyo para mag-asawa. Harinawang kaya na nga ninyong panindigan ang pinasok ninyong buhay." Napapailing pa ito habang sinasabi iyon.
Hindi sila kumibo ni Lyndon. Mukhang pareho silang hindi pa rin makapaniwala sa nangyayaring iyon.
Lutang pa rin ang isip ni Princess Grace nang pirmahan ang marriage contract. Mag-asawa na sila ngayon; isang bagay na nagsasabi ng kaganapan ng kanilang relasyon pero hindi niya maintindihan ang nararamdaman: magkahalong saya at lungkot ang nasa puso niya. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay. At kahit si Lyndon ang lalaking gusto niyang mapangasawa, hindi pa iyon ang panahon para mangyari na nga ang pangarap na iyon. Hindi pa kasali ang pag-aasawa sa mga gusto niyang gawin ngayon.
Habang ikinakasal sila ay magkahawak-kamay sina Princess Grace at Lyndon, pero nag-iiwasan sila ng tingin. Mukhang may malalim din itong iniisip. At hindi niya ito masisisi kung halimbawang ang ibang pangarap nito ang nasa isip nito nang mga sandaling iyon.
"May restaurant diyan sa gilid ng munisipyo. Sagot ko na ang pagkain natin. Regalo ko sa mga bata," sabi ng mayor nang matapos ang seremonya.
Tamilmil sila pareho sa pagkain. Katabi niya ang ina habang katabi din ni Lyndon ang ina nito. Ang kuwentuhan ng papa niya at ng mayor ang tanging nagbibigay ng ingay sa kanilang mesa.
"Merlina," anang mama niya. "Mag-asawa na ngayon ang mga bata." Mas mahihimigan sa boses ng mama niya ang lungkot kaysa tuwa. "Si Lyndon, bilang lalaki ay mayroon nang karapatan sa anak ko. Pero gusto ko sanang hilingin sa iyo at sa iyo na rin, Lyndon, na doon na muna kayo ni Princess Grace sa bahay. Malaki naman ang kuwarto ni Princess para sa inyo."
"Si Lyndon na ang magpapasya diyan," sabi ni Aling Merlina.
"Paano po kung halimbawang gusto kong sa amin na lang kami tumuloy?" magalang na tanong ni Lyndon. "Sabi nga po ninyo, ako ang lalaki."
Napangiwi ang kanyang mama. "Ang babata pa ninyo. Wala pang muwang si Princess Grace sa pinasok ninyo. At ikaw, alam ko, hindi ka pa rin handa sa nangyaring ito. Pero wala akong magagawa sa desisyon ni David. Ito ang isa sa mga bihirang mga pagkakataon na hindi ko kayang salungatin ang kanyang desisyon."
Nagkatinginan na lang sila ni Lyndon. Nauna nang nasabi sa kanila ng kanyang mama ang mga ikinonsidera ng kanyang papa. Bukod sa hindi nawawala ang duda nito na may nangyari na nga sa kanila ni Lyndon ay iniisip din nito ang sasabihin ng mga tao.
Mas konserbatibo ang pananaw nito kaysa sa kanyang mama. At nalaman nilang buong magdamag pala na kung kani-kanino sila hinanap nito nang hindi siya maihatid ni Lyndon sa napag-usapang oras. Hindi lang iyon, nagpa-blotter pa agad ito dahil sa pagkawala niya. Inabot pa raw ito ng kantiyaw ng mga pulis na baka nakipagtanan siya.
Kaya ganoon na lang ang pagnanais nitong ipakasal sila para "maibangon" ang kanyang reputasyon.
"Magiging mag-isa na lang po si Nanay sa bahay kung ako ang makikitira sa inyo," mahinang sabi ni Lyndon. "Isa pa po, ako ang lalaki. Dapat ko pong ipakita na kaya kong panindigan itong kasal namin." Sumulyap ito sa kanyang ama pero wala sa kanila ang atensiyon nito at nasa pakikipag-usap sa mayor.
"Naiintindihan kita, Lyndon," sabi ng kanyang mama. "Pero pareho pa kayong mga bata ni Princess Grace. Aminin man ninyo o hindi, kailangan pa ninyo ng suporta ng magulang. Dapat nga ay tutuntong pa lang kayo sa kolehiyo sa darating na pasukan."
"Bukod kay Nanay ay responsibilidad na rin kita, Prin. Hindi na siguro ako makakapag-aral. Dapat kong harapin ang responsibilidad ko sa inyo," sabi ni Lyndon. Nakatitig ito sa kanya kahit alam niyang naririnig ng kanilang mga ina ang sinabi nito.
Tumikhim ang mama niya. "Makasabad na nga, Lyndon," sabi nito. "Mayroon akong gustong ialok sa iyo. Pag-uwi sa bahay ay gusto kong pag-usapan natin iyon. Pagbigyan mo naman sana ako sa hiling ko sa iyo na doon muna kayo sa bahay tumuloy. Naiintindihan mo naman siguro ako, Merlina. Hindi ba, Mare?" Ngumiti ito kay Aling Merlina.
"Pareho tayong ina," seryosong sagot ni Merlina. "Kung nabigla ako sa pangyayaring ito ay naiintindihan kong higit kang nabigla. Pumayag akong magpakasal ang mga bata dahil ayokong masabi ninyo na kinukunsinti ko ang pagkawala nila nang buong magdamag. Pero iniisip ko ngayon kung tama nga bang nagpakasal sila. Parehong kinabukasan nila ang maaapektuhan. Ipinapakiusap ko pa naman sana sa kapatid ko na tulungan ako sa pagkokolehiyo ni Lyndon. Pero kung ganyang nag-asawa na siya..."
"Kinabukasan nga rin nila ang nasa isip ko, Mare," nakangiting sabi naman ng mama niya. "Ngayong mag-asawa na sila ay anak ko na rin si Lyndon. At hindi ako manghihinayang na magpaaral ng isa pang anak."
Pare-pareho silang nagulat sa sinabi nito. Nagkatinginan sila ni Lyndon at kapagkuwan ay napatingin naman ito sa ina.
"Wala akong nagawa nang ipilit ni David na magpakasal kayong dalawa," sabi uli ng mama niya. "Pero mayroon din akong nabuong pasya. Kahit kasal na kayo ngayon ay hindi dapat na makahadlang ang maaga ninyong pag-aasawa sa kinabukasan ninyo. Mag-aaral ka pa rin, Princess Grace. Hindi dapat mauwi sa wala ang pagkakapasa mo sa admission test sa UP. At ikaw rin, Lyndon, tutulungan kita para makapag-aral."
"Nakakahiya naman po," sabi ni Lyndon.
"Hindi nakakahiya basta pagbubutihin mo ang pag-aaral. Isa pa, para kanino ba iyon? Para din naman sa inyo ni Princess Grace, hindi ba? Kaya pagbigyan na ninyo ako na sa bahay kayo tumuloy para mapag-usapan pa natin nang husto ang tungkol diyan. Si Princess Grace ay siguradong sa UP mag-aaral. Ang tungkol sa iyo, pag-uusapan pa natin." Tumingin ito sa kanyang biyenan. "Huwag mo sanang masamain ang naisip kong ito, mare. Ang gusto ko lang ay maging maganda ang kinabukasan ng mga bata kahit na maaga silang nasuong sa pag-aasawa."
"Naiintindihan ko, m-mare." Halatang asiwa pa si Aling Merlina sa term na iyon. "At nagpapasalamat akong may malasakit ka rin para sa anak ko. Hindi pa naman ako imbalido. Gusto ko ring gawin ang lahat ng makakaya ko para masuportahan ang mga bata. Sayang kung babale-walain na nila ang pag-aaral dahil lang sa maaga nilang pag-aasawa." Bumaling ito kay Lyndon. "Huwag mo akong intindihin, anak. Pagbigyan mo na ang hiling ng biyenan mong dumuon kayo sa kanila. Puwede naman ninyo akong dalawin anumang oras."
Bahagyang tango ang itinugon ni Lyndon sa ina.
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 7 - Forever And Always
Romance"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will compensate all the things we missed." Dahil sa isang pangyayari kinagabihan ng high school graduatio...