Forever And Always - Part 22 - Ending

881 45 5
                                    

MASAMANG-MASAMA ang pakiramdam ni Princess Grace nang magising siya nang umagang iyon. Pag-uwi niya nang nagdaang gabi ay nagkandasuka siya dahil sa hilo. Wala naman siyang mailabas kundi mapait na laway. Sa sama ng pakiramdam niya ay napaiyak na lang siya.

Bigla ay na-miss niya si Lyndon.

Pero ayaw naman niya itong tawagan. Alam niyang sabik din itong makasama ang ina kaya inaasahan na niyang medyo magtatagal ito sa Sierra Carmela. Baka hapon pa ito umuwi.

Tamilmil siyang nag-almusal. Mas nararamdaman niya ang pagkahilo kaysa nalalasahan ang pagkain. Nang muli siyang mahilo, tinawagan na niya ang kanilang family doctor.

"Sa palagay ko'y buntis ka, Princess Grace," sabi nito pagkatapos siyang suriin. At nang lumabas nga ang resulta sa pregnancy test kit na nilagyan nila ng urine sample ay nakumpirma ang hinala nito.

Hindi agad nakapagsalita si Princess Grace. Magkahalong shock, tuwa, at takot ang naramdaman niya.

"Kapag nahilo ka uli, inumin mo ito. Safe iyan at para talaga sa mga naglilihi. Kumain ka kahit kaunti para hindi ka manlata. Nasaan ba si Lyndon?"

"Umuwi sa probinsiya, eh, Doc. Pero babalik na iyon mamaya."

Napatango ito. "Tiyak na matutuwa iyon."

Ngumiti siya. "Oo nga." Ibinulsa niya ang pregnancy test strip.

Nahiga siya sa sofa nang iwan siya ng doktor. Nasa harap lang niya ang gamot na ibinigay nito pero ayaw pa niyang inumin iyon. Kaya pa naman niyang tiisin ang hilo. Ngayong alam niyang buntis siya, hanggang matitiis niya ang nararamdaman ay hindi siya iinom ng gamot. Mahirap nang ipakipagsapalaran ang kalusugan ng magiging anak nila.

Naalimpungatan siya sa tunog ng doorbell. Bahagya pa siyang nahihilo nang bumangon kaya hindi agad siya nakakilos. Papunta na siya sa pinto nang tumunog uli ang doorbell.

"Sandali lang!" naiinis na sabi ni Princess Grace.

Pagbukas niya ng pinto ay pumpon ng dose-dosenang rosas ang tumambad sa kanya. Paa lang ng may hawak niyon ang nakita niya pero kilala niya ang mga paang iyon para magtanong pa.

"Para saan iyan, Lyndon?" masungit na tanong niya. Niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto at tumalikod na. Bumalik siya sa sofa at patamad na naupo roon. Puwede ba niyang isisi na naman sa paglilihi ang nararamdaman nang mga sandaling iyon? Kanina ay nami-miss niya ang asawa, pero ngayong dumating na ito, wala naman siyang ibang gustong gawin kundi pagsungitan ito.

Maluwang ang ngiting naupo si Lyndon sa kaibayong sofa. "Ang sungit naman ni Misis," malambing na sabi nito. "Cheer up, honey! Here, pinasalubungan kita ng maraming flowers."

Tumaas ang sulok ng mga labi niya. "Magtatayo ba tayo ng flower shop?"

"Hindi. Pareho tayong walang alam sa flower arrangement." Humugot ito ng isang long-stemmed rose at ibinigay sa kanya. "I missed you, Princess Grace. Sa class reunion, wala silang ibang itinatanong sa akin kundi ikaw. Lalo tuloy kitang na-miss."

"Di umuwi ka sana agad dito kung na-miss mo ako," nakaismid na sagot ni Princess Grace.

"Iyon nga sana ang balak ko. Kaya lang nasa ospital ako kagabi, nagka-emergency kasi."

Napatitig siya rito. "Ano'ng nangyari sa iyo?"

"Wala." Ngumiti ito. "Remember Joel and Amor? Buntis si Amor, nag-labor kagabi. Ipinagmaneho ko sila ni Joel papunta sa ospital. Lalaki ang anak nila."

Napatitig si Princess Grace sa asawa. "Naiinggit ka ba na may anak na sila?"

"Hindi naman sa naiinggit. Naranasan ko lang kagabi iyong nasa ospital, 'tapos, may nagle-labor. I can't help thinking na halimbawa kaya na ikaw iyon at ako ang kasama mo sa labor room hanggang sa DR. Siguro, lalo kong maiintindihan kung bakit ganoon na lang kataranta si Joel kagabi."

"Gusto mo na bang magkaanak tayo?"

"We've always been waiting, 'di ba?" Kumuha uli ito ng isang long-stemmed rose. "Kanina habang pauwi ako, naisip kong hindi kita masyadong nabibigyan ng bulaklak. Sabi ng iba, corny na ang pagbibigay ng bulaklak, pero sabi ni Nanay, masarap sa pakiramdam ng babae ang mabigyan ng bulaklak. Kaya noong nakita ko ang mga iyan, pinakyaw ko na.

"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na bigyan lang kita ng tatlong tangkay ng rosas o isang dosena. You deserve more. Ilang taon na tayong kasal, Prin. Ni hindi tayo nagkaroon ng magandang kasal kung saan puwede nating punuin ng bulaklak ang paligid. Maybe these flowers would compensate all the things we missed.

"We've been married for twelve years. We've been together for fourteen years kung ibibilang ang dalawang taong relasyon natin noong high shool. Things weren't easy for us. Pero hindi naman tayo nagkahiwalay, hindi ba? Ni walang malaking away o problema na nangyari para magkahiwalay tayo. Kailangan lang nating ipakita sa mga magulang natin na masunurin tayong anak.

"I love you, Prin. Nanibago ako nitong mga huling araw. You changed a lot. At aaminin kong napipikon na rin ako. But someone enlightened me. Someone told me the possible reason why you're acting that way." Hinagod nito ng tingin ang buong mukha niya at saka masuyo itong ngumiti. "Sabi ni Nanay, baka naglilihi ka kaya ka nagkakaganyan."

Sa haba ng sinabi ni Lyndon, mas tumimo sa isip niya ang huling pangungusap nito. Kinapa niya ang pregnancy test strip sa bulsa at inilabas.

"This is the confirmation, Lyndon," mahinang sabi ni Princess Grace.

Nanlaki ang mga mata ng kanyang asawa, mababakas sa mukha ang labis na katuwaan.

"Prin..." Niyakap siya nang mahigpit ni Lyndon.

She wanted to blame her changing hormones when she cried abruptly. "I'm sorry, Lyndon. Sorry sa mga pagsusungit ko. I guess I'm having a difficult pregnancy. Sana, pagpasensiyahan mo ang mga mood swings ko."

Masuyong hinaplos nito ang kanyang mukha. "Tahan na. Wala kang dapat ipag-alala. Naiintindihan ko. Alam mo bang hinala pa lang ang mayroon si Nanay pero panay na ang bilin niya sa akin na mas alagaan kita nang husto? At oo nga pala, kailangang tawagan natin agad siya. Gusto niyang malaman kung tama ang kutob niya."

Tumango si Princess Grace. Nang bahagyang humiwalay sa kanya si Lyndon at tinawagan nito ang ina ay nakinig din siya. Halos maiyak ito nang ibalita na buntis nga siya.

Hindi rin nag-aksaya ng panahon si Princess Grace. Tinawagan niya ang mga magulang na kasalukuyang nasa Thailand at binalitaan ng tungkol sa pagbubuntis niya. Napaiyak na naman siya.

"So much tears of joy," sabi ni Lyndon habang hinahaplos ang kanyang balikat. "Baka bumaha na rito ng luha."

Tinapos na ni Princess Grace ang pakikipag-usap sa ina. Nakita niyang namumula rin ang mga mata ng asawa kaya kinurot niya ito sa tagiliran. "Kunwari ka pa, eh, naiiyak ka rin naman."

Huminga ito nang malalim. "We're all getting emotional. I'm so happy, Prin. Hindi ko kayang ipaliwanag ang sayang nararamdaman ko. I feel so complete. Kompleto na tayo."

Yumakap siya rito. "Wala na akong mahihiling pa, Lyndon. Masyado akong masaya. Ipapanalangin ko na lang palagi na maging malusog ang baby natin."

"Yes, Prin. Thank God."

Bahagya siyang tumango at saka pumikit. Kontentung-kontento ang pakiramdam.

---  wakas  ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon