Forever And Always - Part 12

576 22 1
                                    

ISANG sorpresa para kay Princess Grace ang malamang pareho lang pala ng gusto ang kanyang mga magulang—ang makapagpatuloy sila ni Lyndon sa pag-aaral sa kabila ng madalian nilang pagpapakasal.

Kahit paano ay nabawasan na ang pagtataka niya sa pagpipilit ng kanyang ama na maipakasal sila ni Lyndon. Naunawaan na rin niyang gusto lang nitong maging malinis uli ang pangalan nila. At hindi iyon nangangahulugan na maisasakripisyo na ang kinabukasan nila.

Bukas din ang palad ng kanyang ama na suportahan maging ang pag-aaral ni Lyndon. May binitiwan pa nga itong salita na tutulungan din nitong makapagtrabaho sa ibang bansa si Lyndon pagdating ng panahon, kapag qualified na ang asawa niya at gustong mangibang-bansa.

Nagpasalamat naman si Lyndon sa kanyang mga magulang. Halos hindi naman matapus-tapos ang pagpapasalamat ni Aling Merlina nang marinig iyon.

Paglabas nila ng restaurant ay nagpaalam na si Aling Merlina para umuwi sa bahay. Tumanggi na ito sa alok ng papa niya na ihatid ito pauwi. Pero bago ito pumara ng masasakyan ay niyakap nito nang ubod-higpit si Lyndon.

"Ayokong maging emosyonal pero hindi ko mapigil, anak," hinging-paumanhin nito nang bumitiw ng yakap sa anak. Maagap na pinahid nito ang mga tumulong luha sa mga pisngi.

"Huwag mong isipin na nawalan ka ng anak, Mare. Sa halip ay nadagdagan pa nga, hindi ba?" nakangiting sabi ng mama niya kay Aling Merlina.

"Oo," nakangiting sang-ayon nito. "At sino ba naman ang tatanggi na maging karagdagang anak si Princess Grace? Noon pa man ay anak na ang turing ko sa kanya."

"Kaya nga huwag nating ituring na masamang pangyayari ang pagpapakasal ng mga bata. Isipin na lang natin na mas nadagdagan pa ang gagabay sa kanila ngayon. Si Princess ay magkakaroon ng isa pang ina sa katauhan mo. At si Lyndon naman ay magkakaroon uli ng ama dahil kay David."

"Oo nga," sabi nito, kapagkuwan ay nagpaalam na.


*****

SINABI ni Lyndon sa kanyang sarili na hindi siya dapat magtaka na magiging malamig ang pakikitungo sa kanya ng mga magulang ni Princess Grace kapag naroon na sila sa bahay ng mga ito. Naiintindihan niya na kahit ang mga ito ang nagpumilit na ipakasal sila ni Princess Grace ay inaalala din ng mga ito ang magiging buhay nila.

"Pagod ako at puyat sa nakaraang magdamag. Kung ako ang magsasalita ng mga gusto kong sabihin ay baka mahaluan lang iyon ng galit at pagtataas ng boses. Ikaw na lang ang kumausap sa kanila," sabi ng papa ni Princess Grace sa kabiyak. Tinapunan lang sila nito ng matabang na tingin bago tumuloy sa silid ng mga ito.

"Sa sala tayo," pormal na sabi ng biyenan niyang babae.

Magkatabi silang naupo ni Princess Grace sa mahabang sofa, magkahawak-kamay. Ang totoo, mula nang ikasal sila kanina ay hanggang doon pa lang ang nagagawa nilang pisikal na paglalapit. Hindi niya alam kung utos mismo ng papa nito na kanselahin ang bahagi ng kasal na inihahayag ang karapatan niyang halikan ang kanyang asawa.

Asawa.

Parang nagsikip ang dibdib ni Lyndon sa emosyon dahil sa salitang iyon. Aaminin niyang pangarap niyang sa ganoon mauwi ang relasyon nila ni Princess Grace. At dahil biglaan, naghahalo ang tuwa at takot niya sa katuparan niyon.

Bata pa siya. Marami pa siyang pangarap para sa sarili, para sa nanay niya, at para sa kanila ni Princess Grace. Pero lumaki siya na alam ang salitang "paninindigan" kaya biglaan man ang pagpapakasal nila, isinantabi niya ang pagkalungkot.

At kanina, habang ikinakasal sila ay isinumpa ni Lyndon sa sarili na patutunayan niyang kaya pa rin niyang abutin ang kanyang mga pangarap. Na kaya niyang ibigay ang magandang kinabukasan kay Princess Grace at maiaahon din niya sa hirap ang kanyang ina.

"Makinig kayong mabuti," umpisa ng kanyang biyenan.

Tiningnan niya ito.

"Lyndon, gusto kong sabihin sa iyo na hindi ko babawiin ang sinabi ko sa nanay mo na pag-aaralin ka namin. Pero hindi ganoon kadali iyon. Mayroon kaming mga kondisyon. Kondisyon na alam kong hindi mo magugustuhan, pero alam ko rin na mauunawaan mo kami bilang magulang."

Pinigilan niyang mapakunot-noo kahit iyon sana ang una niyang magiging reaksiyon. "Ano po iyon?" magalang na tanong niya.

"Kailangang maging malinaw sa ating lahat na ang kasal ninyo ni Princess Grace ay hanggang sa papel lang. Si Princess Grace ay matutulog sa aming kuwarto at ikaw ay doon sa guest room."

"'Ma, mayroon naman akong sariling kuwarto, ah," protesta ni Princess Grace.

Isang mariing pag-iling ang isinagot dito ng ina. "Bata pa kayong pareho. Ang pagpapakasal ay isa nang malaking responsibilidad na nakaatang ngayon sa mga balikat ninyo. Hindi pa muna iyan dapat madagdagan ng panibagong responsibilidad—ang pagkakaroon ng anak. At para pare-pareho tayong hindi kabahan na baka mabuntis si Princess Grace nang wala sa panahon, makabubuting huwag muna kayong magtabi."

Nagkatinginan sila ni Princess Grace.

"Pareho kayong tutuntong sa kolehiyo. Pareho kayong dapat na pag-aaral ang asikasuhin at hindi ang ibang bagay na puwede namang makapaghintay. Sa tamang panahon, bibigyan namin kayo ng laya para diyan."

Bumitaw sa pagkakahawak niya si Princess Grace. Pinagsalikop nito ang mga kamay at iniipit sa magkabilang hita, mukhang nagmumukmok.

"Mga bata pa kayo," pagpapatuloy ng mama nito. "Alam kong sa desisyon naming ito ay natural na magagalit kayo. Mahirap iyon para sa inyo. Pero gusto ko ring ipaunawa sa inyo na mahirap din iyon para sa amin. Hindi birong bantayan ko ang mga kilos ninyo para lang matiyak ko na walang mangyayari sa inyo. Pero ang kinabukasan din ninyo ang isinasaalang-alang namin ni David sa desisyong ito.

"Lyndon, hindi mo kailangang alisin sa bag mo ang lahat ng mga gamit na dala mo. Ilang gabi lang tayong matutulog dito. Sa isang araw ay luluwas na tayo sa Maynila. Tutal ay pabalik na sa abroad si David, sasama na ako sa inyo para masubaybayan ko ang pag-aaral ninyo. At siyempre, alam ninyo rin na babantayan ko kayo."

Hindi maintindihan ni Lyndon ang nararamdaman. Parang higit pa iyon sa pagkadismaya. Parang mayroong nais magrebelde sa kanyang kalooban.

Para sa kanya ay hindi lang ang puntong seksuwal ang isyu. Pakiramdam niya ay para siyang isang bata na pilit na pinapasok sa isang bahay na punung-puno ng candy pero hindi siya maaaring kumuha ng kahit isang piraso.

"Mabuti pa noong hindi pa kami nakakasal, binibigyan ninyo kami ng laya. Ngayon, para kaming preso na babantayan ninyo," masama ang loob na sabi ni Princess Grace.

"Anak, para sa inyo rin naman ang desisyong ito. Napakabata pa ninyo para maging mag-asawa. Napakabata pa ninyo para magkaroon ng anak."

"Eh, di sana hindi na lang ninyo kami ipinakasal! Wala naman talagang nangyari sa amin, eh! Ayawninyo pa kasing maniwala sa amin. Pinilit ninyo pa kaming makasal," umiiyak na sagot nito.

"Prin," nag-aalalang bulong ni Lyndon. "Tama na. Masamang sumagot sa magulang."

"Nasabi ko na ang mga importanteng sasabihin," sabi ng kanyang biyenan. "At gusto kong maging malinaw na hindi preso ang turing namin sa inyo. Malaya kayong makakakilos. Makakapag-usap kayo. Magkakasabay tayong kakain. Mabubuhay tayo ng matiwasay sa iisang bahay. Ang sinasabi ko lang, dahil mga bata pa kayong masyado, bawal pa kayong mag-sex."

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon