Forever And Always - Part 5

317 14 0
                                    

"KAIN lang nang kain, Princess," sabi ni Aling Merlina nang nakadulog na sila sa hapag. Simple nga lang ang inihanda nitong pagsasaluhan nila. Pansit at puto ang nakahain sa mesa. Walang soft drink o juice kundi tubig na malamig lang. Wala namang reklamo si Princess Grace. Masarap magluto ang nanay ni Lyndon. At mas masarap ang mainit na pag-aasikaso nito sa kanya.

"Kayo rin po, Nanay, saluhan n'yo na kami," sabi niya.

"Nanay" na rin ang tawag niya rito. Noong una ay "Aling Merlina" lang, pero ito mismo ang nagsabi na tawagin niya itong "Nanay." Iyon din ang gusto ni Lyndon na gawin niya kaya tumalima siya.

"Oo nga, 'Nay, kain na. Kanina pa kayo ikot nang ikot diyan, dalawa lang naman kaming pinapakain n'yo," nakangiting tudyo ni Lyndon sa ina.

"Sige na, mauna na kayo," tanggi ni Aling Merlina at ikinumpas pa ang kamay. "Alam n'yo naman na ganito akong mag-asikaso."

Sa lahat ng pagkakataong isinama siya ni Lyndon sa bahay ng mga ito, pakiramdam ni Princess Grace ay isa siyang panauhing pandangal kung asikasuhin ng matanda. Kahit wala itong magarbong pagkain na maihain sa kanya, asikasong-asikaso naman siya nito. At aminado siyang komportable na rin siya sa bahay na iyon kahit na luma na iyon at kulang sa modernong appliances. Napakalinis ang buong bahay. Kahit ang banyo na makaluma rin ang inidoro ay hindi kakikitaan ni kapirasong mantsa o dumi.

Pero sa tuwina ay inihihingi ni Aling Merlina ng paumanhin ang pagiging mahirap ng mga ito.

"Sa ganito man lang ay makabawi ako sa iyo, Princess Grace," sabi nito na hindi na rin bago sa kanyang pandinig. "Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwalang gugustuhin mo ang anak ko. Mahirap lang kami. Mayaman kayo. Pangalan mo na mismo, prinsesang-prinsesa na. At hindi rin ako makapaniwalang tatanggapin ng mga magulang mo ang anak ko." Nangilid pa ang mga luha nito. "Kung sana ay hindi agad nawala ang tatay ni Lyndon. Sana'y may maipagmamalaki naman kami maski paano."

"'Nay, wala naman tayong dapat ikahiya kung mahirap man tayo ngayon," malumanay na kontra ni Lyndon sa ina. "Hindi naman siguro tayo habang-panahong mahirap. Magsisikap ako. Siguradong makakaahon din tayo."

Naikuwento na noon sa kanya ni Lyndon ang buhay ng pamilya nito. Pitong taon lang ito nang maulila sa ama. May-kaya pa ang mga ito noon, may bahay at lupa sa Maynila na ginawang bakery at variety store ang ibaba ng bahay. Malakas daw ang kita ng tindahan dahil maraming kalapit na mga boardinghouses at dormitoryo ang kinaroroonan ng bahay.

Araw at gabi raw ang pagmamasa ng tinapay ng dalawang tauhan habang magkatuwang naman ang mga magulang nito sa pagkakaha sa tindahan at bakery. Pero nang mawala ang ama ni Lyndon, bigla na lang umanong may lumitaw na babaeng nagsasabing unang asawa ng ama nito. Suportado ng pamilya ng ama ni Lyndon ang babaeng iyon kaya ang kabuhayan at pag-aaring naipundar para sana dito at sa nanay nito ay nakamkam.

Walang mataas na pinag-aralan si Aling Merlina at hindi kasal sa ama ni Lyndon kaya wala itong nagawa kundi ang iyakan na lang ang nangyari at nagpasyang umuwi sa bahay ng mga magulang sa Sierra Carmela.

Ang lumang bahay nga na iyon ang naiwan kay Aling Merlina nang pumanaw ang mga magulang nito.

"Hindi ko alam kung matatawag akong bastardo," sabi ni Lyndon sa kanya noong ipinagtapat sa kanya ang buong buhay nito. "Hindi nga siguro kasal ang nanay at tatay ko, pero apelyido ni Tatay ang dala-dala ko hanggang ngayon. Saka pitong taon na ako nang atakihin sa puso si Tatay. May isip na rin ako noon kahit paano. At naaalala kong palagi ko siyang kasama. Madalas ay naglalaro kami ng trumpo. Nakapagitna pa ako sa kanila ni Nanay sa pagtulog. Inihahatid din niya ako sa school. Tatay ko siya, Prin. At kahit kailan, hindi ko nadamang itinuring niya ako na ibang tao. Ganoon ba ang bastardo?"

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon