Forever And Always - Part 16

326 21 0
                                    

PAREHO nang nasa fourth year college sina Princess Grace at Lyndon nang medyo maging maluwag sa kanila ang mama niya. Hindi na sila masyadong binabantayan nito, palibhasa ay nakuha na nila ang tiwala nito. Hindi na rin siya nito inihahatid at sinusundo sa school, pero inaalam pa rin nito ang oras ng pasok at uwi niya. Kaya kapag nale-late siya ng uwi ay nasisita pa rin siya.

Nang araw na iyon ng Linggo ay magkasama silang mag-ina na nagsimba. Pauwi na sila nang mapadaan sila sa parlor.

"'Ma, akala ko ba, balak mong magpakulot? Ang tagal mo nang hindi nagpapakulot, ah," sabi niya.

"Nakakalimutan ko, eh. Ang pangit na nga nitong buhok ko," sagot ng mama niya.

"Eh, di magpakulot ka na ngayon," aniya.

"Matigas ang buhok ko. Kalahating araw bago makulot ito nang husto."

"And so? Linggo naman ngayon. Walang masyadong gagawin sa bahay kundi manood ng TV. Magpakulot ka na."

"Sige na nga. Halika at samahan mo na ako."

Pero hindi agad ito naasikaso ng mga stylist ng parlor dahil maraming customers. Dalawang magazine na ang nababasa niya nang simulang lagyan ng curlers ang buhok nito.

"Uso ba ang kulot ngayon?" tanong niya sa baklang nagkukulot sa ina nang mapansin niyang may tatlo pang customer na nagpapakulot din.

"Hindi. Mga matatanda lang ang nagpapakulot," sagot ng bakla.

"Matanda na ba ako?" pabirong tanong ng mama niya.

"Ay, hindi ikaw ang tinutukoy ko, Madam. Sila," anang bakla na inginuso ang ibang may-edad na customers. "Ikaw, Madam, alam kong kaya ka nagpapakulot ay para magka-body ang hair mo."

"Binola mo pa ako. Natatakot ka lang yatang hindi mabigyan ng tip, eh," sabi ng mama niya.

"'Ma, nakakahilo ang amoy ng gamot," reklamo niya.

"Lumabas ka na lang muna," anito.

Ganoon nga ang ginawa ni Princess Grace. Pero nang ma-realize na wala naman siyang ibang gagawin sa labas kundi tumayo, bumalik na lang siya sa loob. Naupo siya malapit sa puwesto ng ina, tinakpan na lang niya ng panyo ang ilong. Pero parang nanunuot pa rin sa kanyang ilong ang matapang na amoy ng gamot na pangkulot.

"'Ma, nahihilo talaga ako. Umuwi na lang kaya ako?" aniya.

Tiningnan siya nito at sandaling nag-isip. "Sige. 'Etong susi. Ikandado mo ang pinto at baka may makapasok na masamang-loob."

Tumango si Princess Grace, saka lumabas na. Ilang beses siyang suminga para palisin ang amoy na parang dumikit na sa kanyang ilong. Nakahinga lang siya nang maayos nang makasakay na sa jeepney pauwi sa bahay. Nag-isip siya ng gagawin pag-uwi. Balak niyang ayusin ang kanyang closet pero parang tinatamad naman siya. Masarap sana kung nasa bahay rin si Lyndon para kahit nakaupo lang sila maghapon at nanonood ng TV ay hindi siya maiinip, pero may pasok ito sa trabaho. Malamang ay nakaalis na ito.

Papasok pa lang siya sa bakuran ng apartment ay natigilan na siya. Nakabukas ang component. Ibig sabihin ay nasa bahay pa si Lyndon.

"Lyndon!" malakas na tawag niya habang kumakatok sa pinto.

"Sandali lang!" pasigaw ring sagot nito.

Ilang sandali siyang naghintay. Nang pagbuksan siya ay nakatapi lang ito ng tuwalya sa baywang. Puno ng sabon ang buong katawan nito.

"Nandito ka pa?" gulat na tanong niya.

Mabilis siyang tinalikuran ni Lyndon. "Tinanghali ako ng gising," sagot nito, saka nagmamadaling humakbang pabalik sa banyo.

Nasundan na lang niya ito ng tingin. Naupo si Princess Grace sa sofa at tumitig sa nakasarang pinto ng banyo na abot-tanaw lang niya mula roon. Naririnig pa niya ang lagaslas ng tubig mula roon.

May umilaw na idea sa utak niya. 

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon