TALIWAS sa inaasahan ni Princess Grace, sa halip na humina ang ulan ay parang lalo pang sumungit ang panahon sa paglipas ng mga oras. Habang lumalakas ang ulan ay lalo ring nagiging malakas ang ihip ng hangin, dahilan upang lalo siyang ginawin.Niyakap niya ang sarili at halos bumaluktot na sa pagkakaupo. Pati baba niya ay nangangatog na sa ginaw kaya hindi na niya magawang kumibo.
Si Lyndon ay hindi mapirmi sa kinauupuan. Naroong tumatayo ito na parang sinisipat ang pinanggagalingan ng ulan. Minsan naman ay yuyuko na lang ito, pagkatapos ay babalikan siya para kumustahin.
"Parang bagyo ang buhos ng ulan," sabi nito nang lumapit sa kanya.
"Sa buwan ng Abril?" aniya sa garalgal na tinig.
"Alam mo naman dito sa lugar natin, hindi mahulaan ang takbo ng panahon. Kapag sinabi ng weather bureau na uulan, asahan mong sisikat nang matindi ang araw."
Napatango na lang si Princess Grace. Bukod sa dagat ay mayroon ding bulubunduking bahagi ang Sierra Carmela. Madalas kaysa hindi, ang inaasahang bagyo na tatama sa kanila ay nahahadlangan ng bundok. Ang bagyo namang nananalasa sa kanilang bayan ay hindi na nakakalabas pa dahil din doon. At malamang ay hindi naiiba ang kaso ng malakas na ulan nang mga sandaling iyon. Kung bagyo man iyon, isa iyon sa mga pag-ulan na walang nag-e-expect.
"Alas-onse y medya na pala," sabi nito.
"Ha?" gulat na sagot niya. "Maghahatinggabi na?"
"Iyan ang sabi ng relo ko," ani Lyndon at ipinakita pa sa kanya ang suot na relo.
"Ano na kaya ang nangyayari sa amin?" Magkahalo ang pag-aalala at takot sa boses ni Princess Grace. "Baka nagwawala na sa galit ang papa ko."
"Si Nanay man, tiyak na ninenerbiyos na rin dahil hindi pa tayo umuuwi. At wala siyang kasama sa bahay. Tumutulo pa mandin sa kusina namin kapag ganitong umuulan. Siguradong hindi iyon magkandatuto sa pagsasahod sa mga butas."
Malumanay ang tono ni Lyndon, mas nag-aalala ito sa ina kaysa sa kahihiyan na ganoon ang kalagayan nito. Naiintindihan naman niya. Pareho naman nilang hindi ginustong mapunta sa ganoong sitwasyon kahit na nga ba pareho nilang gustong magkaroon pa ng kaunting panahon na magkasama.
Naupo ito sa tabi niya. "Ayokong isipin ang magiging sitwasyon kapag natapos ang ulan, Princess. Inaasahan kong magagalit ang papa mo dahil hindi ako nakatupad sa pangako ko. Pero hindi ko ito sinadya. Kahit na nga ba pabor ito sa akin dahil nakasama pa kita, hindi ko naman ginusto na makasama ka sa ganitong sitwasyon."
"Alam ko iyon, Lyndon."
"Nakahanda akong humarap sa papa mo pagkatapos nito, Princess Grace."
"Sana ay maintindihan mo ang magiging galit niya, Lyndon."
Marahang tumango ang lalaki. "Inihahanda ko na nga rin ang sarili ko sa bagay na iyon."
*****
"KAININ na natin itong pansit at puto. Malamang gutom ka na rin, Princess," sabi ni Lyndon sa kanya. Hindi na nito hinintay pa ang sagot niya. Binuksan na nito ang plastic na pinaglalagyan ng pagkain. Padala sana iyon ng nanay nito para sa mga magulang niya. "Hati tayo, Princess."
Tinanggap ni Princess Grace ang pagkain. Walang kutsara kaya gaya nito ay kinamay na lang din niya iyon. Sandali lang ay naubos na nila ang pagkain. Naghugas na lang sila ng mga kamay sa tubig-ulan.
"Pasensiya ka na, Prin. Alam kong hindi para sa atin ang pansit kaya lang ay gutom na talaga ako."
"Ano ka ba naman? Hindi mo kailangang humingi ng pasensiya. Naunahan mo lang ako pero dapat nga ay sasabihin ko sa iyo na galawin na natin 'yong pagkain. Alam ko yatang may sakit ka sa bituka. Mahirap nang mauwi pa sa ulcer 'yang sakit mo kung malilipasan ka ng gutom. Saka sa nangyayari sa atin ngayon, duda ako kung maa-appreciate pa nina Mama ang pansit kapag ibinigay mo bukas. Kaya mas mabuti nga na kinain na lang natin."
Napatango ito. "Ala-una na. Hindi ka pa ba inaantok?"
Umiling si Princess Grace. "Parang pagod ang mas nararamdaman ko. Kaya lang, alam kong hindi ako makakatulog. Kahit kailan, hindi ko pa naranasang matulog nang nakaupo."
Napapalatak ito. "Hindi ko ginustong ilagay ka sa ganitong sitwasyon, Prin."
"Alam ko, Lyndon. Alam ko."
"Hindi ka na ba giniginaw?"
"Natuyo na ang damit ko pero giniginaw pa rin ako, lalo na kapag lumalakas ang hangin."
"I'm sorry, honey."
"Hindi mo kailangang sabihin iyan, Lyndon. Wala namang may gusto na mangyari sa atin ito."
Tinitigan siya ng boyfriend. "Kung sungit ng panahon ang pinagdadaanan natin ngayon, pagkatapos nito ay iba naman ang haharapin natin. Magkasama pa rin sana tayo, Princess."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Sa pagharap natin sa papa mo, inaasahan ko nang magagalit siya. Sino ba namang magulang ang hindi? Kailangan ko ng suporta mo, Prin."
"Huwag kang mag-alala. Natatakot ako sa papa ko pero hindi kita pababayaan, Lyndon."
Inabot nito ang kanyang kamay. "Salamat, honey."
Ilang sandaling tahimik lang silang nakaupo. Siguro ay pagod na rin si Lyndon at inaantok. Nang minsang lingunin niya ito, nakita niyang pumipikit na ito bagaman mabilis ding dumidilat, siguro ay pinaglalabanan ang antok.
Siya man ay gusto nang magpatangay sa paghila ng antok pero alam ni Princess Grace na hindi naman siya makakatulog sa posisyong iyon. Isa pa, nananakit na ang kanyang likod sa ngalay at ginaw.
Mayamaya ay naramdaman niyang binitawan ng nobyo ang kamay niya. Nang tingnan niya ito, nakasandal na ito sa pader at nakapikit. Hindi na niya ito ginising at ginaya na lang din. Sumandal din siya at pumikit.
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 7 - Forever And Always
Romance"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will compensate all the things we missed." Dahil sa isang pangyayari kinagabihan ng high school graduatio...