Forever And Always - Part 21

462 22 0
                                    

DAHIL alam ni Lyndon na hahanapin ng nanay niya si Princess Grace, minabuti niyang hindi muna dumaan doon. Nagpatanghali siya bago bumiyahe at sa class reunion na tumuloy. Madali naman niyang nahanap ang bahay nina Alejo kung saan gaganapin ang party.

Pero hindi niya magawang maging lubos na masaya sa reunion. Lahat ng mga kaklase niya ay hinahanap si Princess Grace sa kanya. At dahil nanghihinayang siyang hindi ito sumama, dumating ang puntong nabo-bore na siya sa kakasagot sa tanong ng mga kaklase.

"Pare, okay ka lang?" tanong ni Alejo na hindi niya namalayang lumapit sa kanya.

Pilit siyang ngumiti. "Oo naman."

"Hindi ka kasi nakikihalubilo, eh," puna nito.

"May tumawag sa akin. Medyo may problema sa trabaho," pagdadahilan na lang niya.

"Mag-enjoy tayong lahat, pare. Ang tagal nating hindi nagkita-kita."

Tumango na lang si Lyndon.

Habang lumalalim ang gabi ay lalong nagkakasayahan ang lahat maliban sa kanya. Gusto rin sana niyang makisaya dahil iyon naman talaga ang dahilan ng pag-attend niya, pero naiisip niya si Princess Grace at ang halos dalawang linggo na nitong pagiging iritable.

Siguro ay kailangan nilang mag-usap.

Baka hindi simpleng iritasyon lang ang nararamdaman ng asawa. Baka may problema itong hindi masabi sa kanya.

Pumailanlang ang isang tugtog na pamilyar sa kanilang batch. Memorable din iyon sa kanila, katunayan ang biglang pag-apaw ng mga pareha sa dance floor.

I guess you think you really know me. I keep all the secrets you've told me. We're such good friends, that's where it ends. But at night I am dreaming that you hold me.

Nabakante ang maraming mesa. Nakita niya sina Bebeth at Kiko sa dance floor. Ang ibang naroroon ay mga mag-asawa. Ang iba naman, gusto lang sigurong alalahanin ang nakaraan kaya nagsayaw na rin.

Napailing si Lyndon. Noong high school sila ni Princess Grace, hindi sila nagsasayang ng tugtog. Palagi silang nasa dance floor, lalo na kung sweet ang music. At kung naroon ito nang mga sandaling iyon, siguradong nagsasayaw rin sila.

Umagaw sa makasaysayang kanta ng batch nila ang tili ni Amor. Sumisigaw ito dahil manganganak na raw ito.

Parang tumigil sa pag-ikot ng mundo at natuon dito ang atensiyon ng lahat. Nang parang nahimasmasan si Joel ay mabilis nitong nilapitan ang asawa. Maagap naman si Alejo sa pagsasabing ituloy pa rin nila ang party.

Hindi alam ni Lyndon kung ano ang nagtulak sa kanya pero nang makita niyang kinarga ni Joel si Amor ay naisip niyang sumunod sa mga ito.

"Pare, ako na ang magmamaneho," alok niya.

Mabilis naman nitong ibinigay sa kanya ang susi ng sasakyan. "Salamat, pare. Ninenerbiyos din ako, eh."

Habang papunta sa ospital ay nakikita niya kung paano dumaing si Amor. Apektado na si Joel at parang naaapektuhan na rin siya, pero nagpigil siya. Nang makarating sila sa ospital ay ipinasok agad si Amor sa labor room. Nag-request si Joel na sasamahan nito ang asawa. Pinagbigyan naman ito ng doktor.

Naiwan si Lyndon sa waiting area, inisip na umalis na pero wala na rin siyang ganang bumalik pa sa reunion. Para ano pa kung nagtataka naman ang mga kaklase niya sa kilos niya? Isa pa, walang kasama si Joel. Baka may kailanganin ang mga ito, mabuti nang naroroon siya.

Habang naghihintay ay hindi niya maiwasang isipin kung maging kagaya rin kaya siya ni Joel kung si Princess Grace naman ang manganganak. Siguro ay mas matataranta pa siya.

Bigla ay nahiling niyang sana nga ay magkaanak na rin sila.

Dalawang oras na naghintay si Lyndon bago lumabas si Joel. Halata ang pagod at tensiyon sa mukha nito pero may maluwang namang ngiti sa mga labi.

"Lalaki, pare. Nakalalaki ako! Eight pounds."

"Congrats! Si Amor, kumusta?"

"Nakatulog sa pagod. Pinilit niyang mag-normal delivery, eh. Uuwi muna ako at kukuha ng mga gamit. Ikaw? Tara, sumabay ka na sa akin para makapagpahinga ka. Thank you, pare at sinamahan mo kami rito."

"Wala iyon. Kung puwede sanang magpahatid muna ako sa bahay ni Nanay. Doon na ako magpapaumaga. Bukas ko na lang babalikan ang kotse ko kina Alejo."

Tumango ang lalaki. "Pare, ninong ka ng junior ko, ha?"

Ngumiti siya at bukal sa loob na tumango.



GULAT na gulat si Aling Merlina nang mapagbuksan si Lyndon ng pinto. Hinanap agad nito si Princess Grace.

"Nasa San Juan siya, 'Nay. Hindi sumama kaya ako na lang ang um-attend sa class reunion namin. Nasabay pang nanganak si Amor, kaya heto, sa ospital ako galing. Ako ang nagmaneho para sa kanila papunta sa ospital."

Bahagya lang tumango ang nanay niya "Si Princess Grace, iniwan mong mag-isa? Baka kung mapaano ang asawa mo."

"Ilang beses ko hong kinausap, eh, ayaw talagang sumama. Ayaw raw niyang bumiyahe." Napabuntong-hininga si Lyndon. "Balak ko nga hong kausapin nang masinsinan pag-uwi ko. Nag-iba siya lately, masama raw ang pakiramdam. Pagod. Palagi na lang bugnutin. Pati ako sinisinghalan. Pinagpapasensiyahan ko na nga lang, eh."

"Baka naman naglilihi ang asawa mo?"

"Ho?" gulantang na reaksyon niya. Hindi pumasok sa isip niya ang posibilidad na iyon.

"Wala ba siyang sinasabi? Alam mo, hindi lang naman pagkahilo at pagsusuka ang senyales ng paglilihi."

Napangiti siya. "Posible nga kaya, 'Nay?"

"Posible. Hindi ba't doktor na ang nagsabi na wala naman kayong diperensiya?"

"God!"

Hindi na magawang matulog nang mahimbing ni Lyndon dahil sa ideyang iyon. Maya't maya ay nagigising siya. Nang mag-alas-singko ng umaga, hindi na niya pinilit pa ang sarili na matulog. Bumangon siya at nagkape.

"Ang aga mo namang gumising, anak? Aalis ka na ba?" tanong ng nanay niya nang makita siya sa kusina.

"Maghihintay lang ho ako ng ilang oras. Siguradong tulog pa sina Alejo, nandoon ho sa kanila ang kotse ko. Kotse ni Joel ang ginamit namin kagabi papunta sa ospital," sabi niya. "'Nay, gusto ko pa ho sanang magtagal dito para magkakuwentuhan tayo kaya lang, gusto ko nang makita si Princess Grace. Kung gusto ninyo, sumama ho kayo sa akin paluwas."

Umiling ito. "Hindi na, Lyndon. Saka na lang ako dadalaw. Maigi ngang magkausap agad kayo. At kung totoo ang hinala ko, balitaan mo agad ako, anak. Sabik na rin akong magkaapo."

"Siyempre naman, 'Nay," nakangiting sabi ni Lyndon.

--- tatapusin ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon