"PUWEDE?" tanong ni Lyndon kay Princess Grace. Bahagyang idinaiti ng binata ang kamay sa kamay niya.Napangiti siya. Alam na niya ang ibig nitong sabihin. Sa halip na sumagot, siya na mismo ang umabot sa kamay nito. Kitang-kita niya kung paanong parang nagliwanag ang buong mukha nito sa ginawa niya.
"Ang babaw mo," tudyo niya. "Para holding hands lang, eh, mukha nang poste ng ilaw na nasindihan 'yang mukha mo. Paano kaya kung higit pa?"
Tinitigan siya ng nobyo. "Aba, huwag mo akong sasabihan ng ganyan. Baka isipin kong nag-aalok ka sa akin ng higit pa," biro din nito.
"Neknek mo!" sagot niya at tinangkang bawiin ang kamay.
"Pikon ka naman. Para sinagot ko lang ang sinabi mo, eh," sabi nito at lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya.
"Baka natatanaw pa tayo ni Nanay, nakakahiya naman," sabi ni Princess Grace, sabay lingon sa daan na pinanggalingan nila. Malayo na rin ang nalalakad nila papunta sa kanto kung saan sila mag-aabang ng masasakyang tricycle. At nakita nga niyang nakatayo pa rin sa harap ng gate ang ina nito.
"Nakakahiya bang mag-holding hands?" sabi naman ni Lyndon. "Natural lang naman ang ganito, 'di ba?"
Ngiti ang isinagot niya. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nag-holding hands sila. Paminsan-minsan ay ginagawa nila iyon. At kahit alam nilang may ibang magkarelasyon na higit pa roon ang ginagawa, hindi sila nangangahas na lumagpas doon. Pareho nilang ayaw magpatangay sa kapusukan. Pareho din nilang ayaw na masira ang tiwalang ibinibigay sa kanila ng kanilang mga magulang.
"Sana limang oras ang biyahe pauwi sa inyo," pabirong sabi ni Lyndon.
"Limang oras? Daig pa n'on ang pagluwas sa Maynila," natatawang sabi niya.
Ngumiti ito nang maluwang. "Siyempre, gusto ko, magkasama tayo kahit kaunting oras pa. Mami-miss kita, Princess."
"Ako rin naman, Lyndon. Mami-miss kita."
Ilang beses na nilang sinabi sa isa't isa ang pangungusap na iyon pero masarap pa rin iyon sa pandinig. At habang papalapit ang araw ng pagluwas niya ay parang mas nagiging emosyonal pa sila kapag sinasabi iyon.
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Pareho silang tahimik. Alam niyang pareho nilang ninanamnam ang sandali na magkasama sila. Panaka-naka ay nararamdaman niya ang banayad na pagpisil ng boyfriend sa kamay niya. At hindi niya itatangging nagdudulot iyon ng masarap na pakiramdam.
"Mahirap yatang sumakay," sabi ni Princess Grace nang makarating sila sa kanto. Madalang na madalang ang mga dumadaang sasakyan doon.
"May dadaan pa diyan. Hindi pa naman gaanong gabi ang bago mag-alas-nuwebe. Hindi naman ito liblib na eskinita gaya ng sa amin. Mahaba lang ang lalakarin pero alam mo namang kapag dineretso natin ito, main road na. Hanggang alas-diyes, may masasakyan doon."
"Maglalakad tayo ng ilang kilometro?" tanong niya.
"Kung gusto mo ba, eh. Kaya lang, mas malayo iyon kaysa sa nilalakad natin mula school hanggang sa bahay ninyo," sabi ni Lyndon. bago pa siya makasagot ay nagsalita na uli ito. "Pero huwag na. Mapapagod pa ang honey ko."
"Honey ka diyan," nakangiting sabi niya.
"Honey naman talaga kita, ah," sabi nitong lalo pang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya. "Sino pa kaya ang iba kong honey?"
"Mayroong iba?" nanlaki ang mga matang tanong ni Princess Grace.
"Wala po," mabilis na sagot ni Lyndon.
"Mabuti naman," nakangising wika niya.
Ilang sandali pa silang malambing na nagkuwentuhan nang mapansin nilang walang dumadaang tricycle.
"Lyndon, baka naman gabihin tayong masyado," sabi niya. "Maglakad na kaya tayo? Kapag may dumaang tricycle habang naglalakad tayo, parahin na lang natin."
"Ikaw, kung iyan ang gusto mo," sagot naman agad nito.
Nagsimula na nga silang maglakad. Dalawang tricycle ang dumaan pero parehong puno ang mga iyon.
"Pagod ka na ba?" nag-aalalang tanong ni Lyndon nang malayu-layo na ang nalalakad nila.
"Medyo. Pero hindi naman tayo puwedeng tumigil. Paano kung walang magdaang tricycle? Mag-aalala sina Papa kapag hindi mo ako naihatid agad."
"Oo nga. Kaya nga sasabihin ko sana na magtiis ka na lang muna nang kaunti. Kahit gusto kong tumigil muna tayo para makapagpahinga ka, mas naiisip ko ang papa at mama mo na naghihintay. Tiis na lang muna nang kaunti, honey."
"Ano pa nga ba'ng magagawa natin?" Sinikap ngumiti ni Princess Grace kahit na nananakit na talaga ang mga paa niya. Mas malayo nga iyon kaysa sa distansiyang nilalakad nila mula sa school hanggang bahay nila. At medyo madilim din dahil malalayo ang agwat ng mga streetlights.
"Umaambon," mayamaya ay sabi ni Lyndon.
Nagkatinginan sila.
"Wala tayong payong. Huwag sanang tumuloy ang ulan," sabi niya.
Pero wala pang isang minuto pagkatapos niyang sabihin iyon ay lumaki na ang mga patak ng ambon at naging malakas na ulan.
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 7 - Forever And Always
Romance"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will compensate all the things we missed." Dahil sa isang pangyayari kinagabihan ng high school graduatio...