Forever And Always - Part 10

317 15 1
                                    


"MAGPAPAKASAL kayo," mariing sabi ng ama ni Princess Grace nang bumungad sila ni Lyndon sa bahay.

Nagkatinginan sina Princess Grace at Lyndon. Halatang nagulat naman ang kanyang mama.

"David, huminahon ka. Pakinggan muna natin ang mga bata," sabi ng mama niya.

"Buong magdamag silang nawala. Babae ang anak ko. At lalaki ang kasama. Ano pa sa palagay mo ang gagawin ng dalawang iyan?" sabi ng papa niya.

"Hindi naman sila nagtanan," malumanay na sabad ni Aling Merlina.

"Madali sa iyong sabihin iyan dahil lalaki ang anak mo," halos pasinghal na sabi ng papa niya rito. "Pero babae ang amin. Sino ang maniniwalang hindi nalawayan ang butong tinangay ng aso?"

"David, hayaan muna nating magpaliwanag ang mga bata," sabi uli ng mama niya.

"Anuman ang sabihin nila ay hindi na mababago ang pangyayari. Buong magdamag silang nawala." Sa tono ng kanyang papa, parang wala nang makakapagpabago pa sa desisyon nito.

"Masama ang panahon kagabi. Ano ang malay natin kung muntik na pala silang mapahamak? Magpasalamat tayo at nakauwi sila nang walang nangyayaring masama sa kanila," sabi ni Aling Merlina.

"At paano kung ang nangyari naman ay ang iniisip ko?" tanong ng papa niya.

"Wala po kaming ginawang masama," sabad ni Lyndon sa pag-uusap ng mga matatanda. "Inabot po kami ng malakas na ulan kaya sumilong kami sa isang bahay."

"Oo nga, Papa," lakas-loob na sabi ni Princess Grace. Bahagya lang siyang sumulyap sa ama at tumingin na sa ina, nagpapatulong. Tumango naman agad ito. Parang hudyat nito iyon para magpaliwanag sila.

Si Lyndon ang nagsalita. Ikinuwento nito ang mga nangyari mula sa hindi nila pagkakasakay sa tricycle hanggang sa abutan sila ng malakas na ulan at pagpapalipas ng masamang panahon sa bahay na nadaanan nila.

"Sino ang maniniwala sa inyo?" nagdududa pa ring sabi ng papa niya pagkatapos.

"Alam ko ang bahay na sinasabi ng anak ko," sabi ni Aling Merlina. "Suki ko sa palengke ang may-ari niyon. Ilang araw na silang wala dahil dumalaw sa anak na nasa Maynila."

"Napakadaling dahilan. Sa dami ng masisilungan, sa isang bakanteng bahay kayo napunta?" Halatang hindi pa rin naniniwala ang kanyang ama.

"Papa, iyon po ang pinakamalapit na bahay nang maghanap kami ng masisilungan," katwiran niya sa mahinang tinig.

Ilang sandaling hindi ito kumibo. Sinamantala iyon ni Aling Merlina upang ikuha siya ng pampalit na T-shirt. Inabutan naman nito si Lyndon ng tuwalya.

"Princess Grace, magbihis ka kahit luma itong T-shirt. Baka mapulmunya ka niyan. Magdamag mo nang suot ang basang damit na iyan," sabi nito at binalingan ang mama niya. "Pasensiya na at ito lang ang maipapagamit ko para sa kanya."

"Salamat, Merlina. Sige na, anak, magpalit ka na ng damit."

Sinamahan si Princess Grace ni Aling Merlina sa kuwarto nito habang si Lyndon ay tumayo na rin para tuyuin ang sarili. Nagpasintabi ito sa kanyang mga magulang.

Halos sabay rin silang bumalik sa sala. Dinulutan naman sila ni Aling Merlina ng mainit na kape. Minsan pa ay humingi ito ng paumanhin dahil kapeng-bigas lang daw ang nakayanan nitong isilbi sa kanila.

Nagpasalamat ang mama niya. Ito na rin ang kumuha ng tasa na para sa papa niya. Tinanggap iyon ng kanyang ama pero nanatili itong walang kibo.

Ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa kanilang lahat. Naubos na ni Princess Grace ang kape niya kahit halos hindi niya malasahan iyon. Wala siyang ibang nasa isip kundi kung ano ang sasabihin ng kanyang papa sa sandaling muling magsalita ito.

"David, walang dudang pagod at puyat ang mga bata," mayamaya ay sabi ng mama niya. "Ganoon din naman tayo. Mabuti sigurong iuwi na natin si Princess Grace at nang makapagpahinga siya nang maayos. Patingnan natin siya sa doktor kung kinakailangan."

Napapitlag siya sa narinig. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya kay Lyndon.

"Wala pong nangyari sa amin," depensa agad ni Lyndon. "Hindi po kami lumagpas sa alam naming hindi pa namin dapat gawin."

Nginitian ito ng mama niya. "May tiwala ako sa inyo. Ang ibig kong sabihin ay ipapadoktor ko si Princess Grace kung ganyang nabasa siya ng ulan at nababad pa ang likod niya nang magdamag. Hindi malayong mapulmunya nga siya kung hindi man tamaan ng trangkaso."

Tumango si Lyndon. pareho silang nakangiti nang muling magtagpo ang kanilang mga mata.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon