Forever And Always - Part 9

284 14 0
                                    


WALANG ideya si Princess Grace kung gaano siya katagal na naidlip pero nagising siya na nananakit ang buong katawan. Parang sumisigid sa buto niya ang nararamdamang ginaw. Nang pagmasdan niya ang paligid ay malakas pa rin ang ulan pero hindi na kasinlakas ng bago siya nakatulog.

"Lyndon," tawag niya sa nobyong tulog pa rin nang mga sandaling iyon. Iyon lang ang salitang lumabas sa kanyang bibig. Nananakit kasi ang lalamunan niya.

Naalimpungatan ito. Kumunot pa ang noo bago parang nagulat. "Prin, bakit?"

"Ginaw na ginaw ako."

Tinitigan siya nito habang parang nag-iisip ng dapat gawin. "Mamasa-masa pa rin itong damit ko na maipapandoble mo sana sa suot mo. Kung yayakapin kita, hindi ka ba magagalit?"

Nagbuka si Princess Grace ng mga labi pero bago pa siya makapagsalita ay ininda na niya ang pananakit ng lalamunan. Kaya umiling na lang siya.

Sumiksik si Lyndon sa tabi niya at saka siya niyakap. Hinapit siya nito. Totoong nakabawas sa nararamdaman niyang ginaw ang ginawa nito. Pero may palagay siya na hindi maganda ang lagay ng katawan niya. Parang pati ang mga buto niya ay nilalamig na rin.

"Nanginginig ka, Prin," pabulong na sabi nito.

"H-hindi ko mapigilan," sabi niya. "Ang sama-sama ng pakiramdam ko."

Hinigpitan pa ni Lyndon ang pagkakayakap sa kanya. Siya naman ay kusang isiniksik ang katawan dito. Malaking bagay sa kanya ang madama ang natural na init ng katawan ng binata. Kahit hindi niyon ganap na mapapawi ang nararamdaman niyang ginaw, ang pagiging sobrang lapit nila sa isa't isa ay nakakabawas naman sa gumagapang na takot niya.

Bihirang magkasakit si Princess Grace, pero kapag nangyayari naman iyon ay sinasabayan ng atake ng nerbiyos. Dahil iyon sa pagkakasakit niya noong bata pa siya. Na-trauma siya nang saksakan siya ng iba't ibang aparato dahil sa sobrang taas ng kanyang lagnat na nauwi sa iba't ibang komplikasyon. Mula noon, kapag nagkakasakit siya ay ninenerbiyos na rin siya.

"Relax, honey. Walang masamang mangyayari sa iyo," alo nito sa kanya. "Hindi na masyadong malakas ang ulan. Patila na rin siguro iyan. Pupunta ako sa pinakamalapit na puwedeng mahingan ng tulong."

"Nang ganitong dis-oras ng gabi? Baka mura pa ang abutin mo, Lyndon."

"Kaysa naman magkasakit ka nang tuluyan, Prin."

Umiling siya. "Yakapin mo na lang ako. Kahit paano ay gumiginhawa ang pakiramdam ko kapag yakap mo ako."

"Sure, honey," malambing na sagot nito, saka lalong hinigpitan ang pagyakap sa kanya. "Subukan mong matulog, Prin. Kahit hindi ka gaanong maging komportable sa ganitong posisyon, subukan mong matulog. Makakatulong din iyon para gumaan ang pakiramdam mo. Siyempre, nakakadagdag ng sama ng pakiramdam itong sitwasyon natin. Humilig ka lang sa balikat ko. Wala kang dapat ipag-alala. Hindi kita iiwan."

Palibhasa ay nakayakap na rin siya kay Lyndon kaya nararamdaman na rin niya ang antok.


*****

"David, huwag dito sa kalsada. Makakabulahaw tayo sa mga kapitbahay," saway ng mama niya.

"Mga anak, pumasok kayo," sabi ni Aling Merlina sa malumanay na tinig. "Doon tayo sa loob mag-usap."

Gustuhin man nilang humakbang ay parang gusto naman ng papa ni Princess Grace na harangan ang daan. Nakakatakot ang galit na nasa mukha nito.

"Sige na, David, doon na lang tayo sa loob. Tama si Merlina, sa loob natin pag-usapan anuman ang dapat na pag-usapan," sabi ng mama niya. Hinila na nito ang asawa pabalik sa loob ng bahay.

Pero bago tuluyang sumunod ay isang matalim na tingin muna ang iniwan ng papa ni Princess Grace sa kanila ni Lyndon.

Sinalubong naman sila ni Aling Merlina. "Basa kayo. Saan ba kayo nanggaling?" nag-aalalang tanong nito.

"Magpapaliwanag kami, 'Nay," sagot ni Lyndon.

"Kanina pa po ba nandiyan sina Mama at Papa?" tanong ni Princess Grace.

"Nanggaling sila rito kagabi. Nang malamang wala kayo ay umalis din sila. Ngayong umaga sila bumalik. Hindi ko sila masisisi sa nagiging kilos nila ngayon," sagot ni Aling Merlina. "Diyos ko, mga anak, hindi ako nakatulog sa pag-aalala. Ano ba ang nangyari sa inyo?"

"Magpapaliwanag kami, 'Nay," sagot ni Lyndon. "Sa harap na rin ng mga magulang ni Princess."

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon