"TARA na, Princess Grace. Uwi na tayo," yaya ni Natalia sa kanya. Kaklase niya ito at palaging kasabay sa oras ng uwian.
"Mauna ka na. Hihintayin ko si Lyndon. Ihahatid daw niya ako pauwi."
Namilog ang mga mata nito. "Wow, ang sarap naman! Iba ba talaga ang feeling ng may boyfriend?"
Ngumisi siya. "Ano sa palagay mo?"
Tumawa si Natalia. "Siguro ay pagkasarap-sarap! Blooming na blooming ka, Princess. In love na in love kayo ni Lyndon sa isa't isa, obvious. Kayo na ba ang magkakatuluyan?"
"Sana," nangangarap na sabi niya. "Kami na mula noong second year pa tayo. Two and a half years na kami."
"Grabe!"
"Sige na, mauna ka nang umuwi at baka mapagalitan ka ng nanay mo kung gagabihin ka."
"Hay, oo nga, eh. 'Buti ka pa, maluwag sa iyo ang mama mo. Kaya nga masaya kayo ni Lyndon kasi nga open naman ang relasyon ninyo sa pamilya ninyo. Eh, ang nanay ko, sobrang higpit sa akin. Magtapos daw muna ako ng college bago magpaligaw. Diyos ko naman! Baka naman nalipasan na ako n'on. Kung ngayon ngang high school pa lang tayo, lahat ng guwapo ay may mga nililigawan na kung hindi man girlfriend mismo, iyon pa kayang maghintay ako ng college graduation? Naubusan na siguro ako ng lalaki pagdating ng panahong iyon. Lalo at hindi naman ako kagandahang kagaya mo," mahabang sabi nito.
"Well, iba-iba ang magulang," sabi naman ni Princess Grace. "Suwerte lang namin talaga dahil naiintindihan ng parents namin ni Lyndon ang tungkol sa amin," parang lumulutang pa sa kaligayahan na sabi niya.
Princess Grace was only sixteen pero parang eksperto na siya pagdating sa pakikipagrelasyon kung magsalita.
"Nakakainggit ka talaga," sabi pa ni Natalia bago tuluyang nagpunta sa pila ng tricycle kung saan ito sasakay pauwi.
Hindi naman siya nainip sa paghihintay kay Lyndon. Halos kaaalis pa lang ng tricycle na sinakyan ni Natalia ay natanaw niyang parating na ang boyfriend. Galing ito ng basketball practice kaya tumatagaktak pa ang pawis nito. Habang nagmamadali ito sa paglapit ay ganoon din ang pag-aapura nitong tuyuin ang pawis sa katawan.
Nang makalapit ang binata ay inilabas niya ang dalang panyo at ipinunas dito.
"Huwag, Prin," awat nito sa kanya, saka mabilis na iniiwas ang katawan. "Basang-basa ako ng pawis. Ang baho ko na."
Nakangiting umirap siya. "Para namang ngayon ka lang humarap sa akin nang halos naliligo sa pawis."
Hindi na nagpaawat si Princess Grace sa pagpupunas dito. Pumuwesto pa siya sa likuran ng nobyo para matuyo niya ang bahagi ng likod nito na hindi maabot ng maliit na tuwalyang pamunas nito.
"Nasa CR ang buong team, naghihilamos. Hindi na nga ako dumaan doon kasi ayaw kong mainip ka sa paghihintay sa akin." Kinuha nito sa kamay niya ang panyo na basang-basa na ng pawis. "Ako na ang maglalaba nito." Mabilis nitong inilagay iyon sa dalang backpack.
"Mabilis yata kayong natapos ngayon? Kapapauwi ko pa lang kay Natalia. Akala ko kasi, magtatagal kayong maglaro. Kung made-delay iyon ng uwi, mapapagalitan ng nanay niya."
"Isang laro lang kami ngayon. Iyong ibang player, may kailangan daw tapusin na project. Pabor naman iyon sa akin. Prin, huwag na lang tayong mag-tricycle. Maglakad na lang tayo," paglalambing nito sa kanya.
Ngumiti siya. "Hindi mo na ako kayang ilibre ng pamasahe?" Piso lang ang pamasahe sa tricycle. Pero alam ni Princess Grace na hindi pagtitipid ang dahilan kung bakit gusto nitong maglakad sila. Kapag naglalakad kasi sila ay mas malaki pa ang gastos: bibili sila ng banana cue o kaya ay camote cue para merienda-hin habang naglalakad. At hindi puwedeng wala iyong kasamang sago't gulaman o soft drinks.
"Alam mo namang mas mahaba nang kaunti ang oras natin sa isa't isa kung maglalakad tayo," sabi ni Lyndon, saka kinuha ang bag niya at ito na ang nagbitbit niyon.
"Alam ko." Halos mauwi sa tawa ang luwang ng ngiti niya. Ang oras ng uwian ang pinakamasayang sandali niya. Ang isa't kalahating kilometrong lalakarin nila pauwi ay hindi niya iniinda. Bale-wala ang pananakit ng mga binti niya pagdating ng gabi kung ang maiisip naman niya ay ang mga kuwentuhan at tawanan nila ni Lyndon habang naglalakad sila.
*****
"MALAPIT na ang graduation, Prin," sabi ni Lyndon. Naglalakad uli sila pauwi. Lahat sila ay abala sa pagsa-submit ng iba't ibang final requirements sa kanilang subjects. Puspusan din ang ginagawa nilang pagre-review para sa final exams. At kahit halos kulang na kulang na ang oras nila, pagdating ng uwian ay mas gusto pa rin nilang maglakad. Iyon na lang kasi ang sandaling puwede nilang ilaan para sa kanila.
"Sa Recognition Day, tiyak na si Lemuel ang MVP. Pero sigurado ako na mayroon ka ring award. Active ka rin naman sa iba't ibang cocurricular activities," sabi ni Princess Grace sa boyfriend.
Sa kanilang dalawa, aminado si Lyndon na pagdating sa academics ay mas mahusay siya. Pero hindi ibig sabihin ay bobo ang boyfriend, matataas din ang mga nakukuha nitong grades sa lahat ng subject. Iyon nga lang, mas mataas ang sa kanya.
"Obvious namang si Ting ang magiging valedictorian. Sina Joel at Amor, imposibleng mawala sa top ten ang mga iyon." Tinitigan siya ni Lyndon. "Lalo namang imposibleng mawala sa top ten ang honey ko. 'Di ba, Prin?"
Nahihiyang ngumiti si Princess Grace. Noong isang taon ay top seven siya ng kanilang klase. Mas pinagbuti pa niya ang pag-aaral sa taong iyon dahil gusto niyang impressive ang grades niya pagtuntong sa college. Gusto rin niyang mag-apply ng scholarship kahit pa nga ba may nakahanda nang educational plan ang kanyang mga magulang para sa kanya.
"Sabi ni Mama, sa Maynila ako mag-aaral. Dumating kaninang umaga ang resulta ng UPCAT. Pasado ako." Halos walang mababakas na kahit ano sa tono ni Princess Grace. Masaya siya sa pagkakapasa sa admission test pero hindi niya magawang ipakita nang lubusan iyon kay Lyndon dahil isinasaalang-alang niya ang damdamin nito. Wala pa itong plano para sa pagkokolehiyo kahit ang alam niya ay gusto nitong maging engineer.
"Dapat lang na sa Maynila ka mag-aral, Prin. Hindi biro ang makapasa sa admission test ng UP. Huwag mong sayangin ang chance mo." Masigla ang boses ni Lyndon. Alam niya, masaya ito para sa kanya.
"Paano ka? Paano tayo?" seryosong tanong ni Princess Grace.
"Malay mo, makaluwas din ako sa Maynila? Sumulat ang nanay ko sa kapatid niyang nasa Saudi. Humingi siya ng tulong kay Tito Mario para sa pag-aaral ko. Sumulat na si Tito Mario. Payag naman siyang tumulong dahil nga biyuda na rin si Nanay at pagtitinda na lang sa palengke ang hanapbuhay. Kapag nagpadala ng pera si Tito Mario, sigurado nang makakapag-aral ako." Ngumiti si Lyndon, punung-puno ng pag-asa ang mukha.
"Talaga, Lyndon? Hindi tayo magkakahiwalay!" halos magtatalon sa tuwa na sabi niya.
"Hindi naman talaga tayo magkakahiwalay, ah. Kahit ba halimbawang hindi ako makapag-aral sa Maynila, hindi naman ako papayag na hindi tayo magkita. Hindi naman kailangang sumakay sa barko o eroplano para makarating ako sa Maynila at madalaw ka. Kailangan ko lang sumakay sa bus. Marunong akong bumasa at magtanong kung kinakailangan. Magkikita tayo palagi, honey. Sabi nga nila, kapag gusto, maraming paraan."
Lalo siyang nasiyahan sa narinig mula rito.
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 7 - Forever And Always
Romance"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will compensate all the things we missed." Dahil sa isang pangyayari kinagabihan ng high school graduatio...