ANG BAHAY na tinuluyan nina Lyndon nang lumuwas sila sa Maynila ay iba sa bahay ng Tita Tess ni Princess Grace na dapat sana ay tutuluyan nito noon. Isang apartment ang kinuha ng mama ng kanyang asawa na may dalawang kuwarto. Ang mas malaki ay para dito at kay Princess Grace. Sa kanya naman ibinigay ang maliit na silid.
"Kung gusto kang dalawin ng nanay mo ay puwede, Lyndon," sabi sa kanya ng biyenan habang inaayos nila ang apartment. "Magsisiksikan nga lang kayo sa maliit na kuwarto mo."
"Salamat po pero hindi po siguro niya ako dadalawin. Hindi po siya sanay sa mahabang biyahe. Mahihilo lang po siya at sasamaan ng pakiramdam. Siguro po, ako na lang ang uuwi sa Sierra Carmela para dalawin siya," sagot niya.
"Ikaw ang bahala. Basta nasabi ko na sa iyo na walang problema sa akin kung gusto kang puntahan ni Merlina rito. Siyanga pala, hindi natin kailangang tapusin ang pag-aayos nitong bahay. Ilang linggo pa naman bago magpasukan. Mag-relax naman tayo kahit paano. Mamimili tayo ng mga gamit ninyo ni Princess. At saka ilang araw na lang at babalik na sa abroad ang papa ninyo. Mas maganda kung magsasama-sama tayo sa pamamasyal."
"Ayokong sumama," sabi agad ni Princess Grace na kahit kasama nila ay noon lang kumibo.
"Princess, anak..." anang mama nito.
Hindi na uli kumibo ang asawa niya at itinuloy na lang ang pagpupunas ng muwebles.
Bumaling siya rito. "Kanina mo pa ginagawa iyan. Hindi ka pa ba napapagod? Magpahinga ka naman," malambing na sabi niya.
"Hindi nakakapagod ang magpunas ng alikabok. Makati lang sa balat," nakaismid na sagot nito.
Ngumiti si Lyndon nang maluwang. "Smile naman diyan, Prin. Kanina ka pa nakasimangot. May wrinkles ka na, o!"
Tiningnan siya nito, mayamaya ay napangiti na. "Sige, ikaw na ang magtapos nito. Pati mga paa ng silya, punasan mo, ha?"
"Yes, ma'am," mabilis na sagot niya. "Pero may kondisyon."
"Ano?"
"Hindi ka sisimangot."
Nauwi sa mahinang pagtawa ang ngiti nito.
"MABUTI ka pa," palihim na sabi kay Lyndon ng kanyang biyenan habang naliligo si Princess Grace. Malapit na silang maghapunan nang mga sandaling iyon. "Ang inaasahan ko, sa inyong dalawa ay ikaw ang magrerebelde sa gusto naming mangyari. Pero ang anak ko pa pala ang magiging problema."
"Aaminin ko po sa inyo, 'M-Ma." Naaasiwa pa rin siyang tawagin itong "mama." "Gusto ko rin naman pong magrebelde, eh. Kaya lang, mas gusto kong isipin ang paliwanag ninyo sa amin. Tama naman po kayo. Pagkatapos po ng nangyari, dapat lang po na ang pag-aaral pa rin ang priority namin. Isa pa po, napakawalang utang-na-loob ko naman po kung ako pa ang magrerebelde ganitong pati pag-aaral ko, sinagot na ninyo."
"Dahil anak na rin ang turing ko sa iyo," nakangiting sabi nito. "Tulungan mo ako kay Princess Grace, ha? Naninibago ako sa kanya. Hindi siya dating ganyan. Nami-miss ko ang Princess Grace noon."
"Hayaan po ninyo, ako po ang bahala," pangako niya.
Noon naman dumating ang asawa nito. "Nakaluto ka na ba ng dinner, 'Ma?" tanong nito.
Bilang pagbibigay ng respeto ay lumapit si Lyndon at nagmano sa biyenang lalaki. Malugod namang tinanggap nito iyon. Nakagaan sa pakiramdam niya nang nginitian pa siya nito pagkatapos.
"Hindi pa. Balak ko sanang sumaglit sa talipapa sa kabilang kanto. 'Sabi ng kapitbahay ay sariwa ang gulay kapag ganitong hapon. Oras daw kasi ng bagsakan."
"'Wag ka nang magpagod pa, lumabas na lang tayo. Nasaan nga pala si Princess?"
"Nasa banyo. Nagrereklamo sa kapal ng alikabok nitong bahay. Ilang araw na raw tayong naglilinis, parang hindi pa raw nababawasan ang alikabok. Paano, matagal ding nabakante ito. Ayaw na nga sana itong paupahan kung hindi lang tayo rekomendado ni Tess."
"Naninibago lang ang anak mo," naiiling na sabi ng biyenan niyang lalaki. "Katukin mo na at bilisan 'kamo. Sa labas tayo kakain."
"Galante ka yata ngayon, 'Pa?" biro ng biyenan niyang babae. "Hindi ba't noong isang gabi lang ay sa labas din tayo kumain?"
"Maano naman? Sa makalawa na ang alis ko kaya gusto kong mai-treat ko kayo habang nandito pa ako." Bumaling ito sa kanya. "Lyndon, sige na, gumayak ka na. Iyong medyo maporma, ha? Sa hotel tayo kakain."
"Hotel?" bulalas ng biyenan niyang babae na biglang napahinto sa paghakbang papunta sa banyo.
"Para maiba naman."
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 7 - Forever And Always
Romance"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will compensate all the things we missed." Dahil sa isang pangyayari kinagabihan ng high school graduatio...