Forever And Always - Part 14

338 17 0
                                    

MAY MGA pagkakataong nawawalan ng kibo si Princess Grace. At kapag nakikita ni Lyndon na ganoon ang asawa ay inaagapan agad niya. Naroong nagbibiro siya o kaya ay nagpapatawa para mapasigla lang uli ito.

Ang totoo ay ayaw sana nitong sumama, kinumbinsi lang niya. Kinonsiyensiya pa niya ang asawa na pabalik na sa ibang bansa ang papa nito kaya hindi maganda kung hindi nila pagbibigyan.

Nang parang hindi pa rin iyon naging effective ay nag-isip siya ng ibang paraan.

"Ganito na lang, Prin," sabi niya. "Kunwari ay date nating dalawa iyon. Imagine, sa hotel pa ang dinner date natin? 'Di ba, special iyon?"

"Eh, kasama sina Papa at Mama. Paano kaya iyon?"

"Iisipin lang naman natin na tayong dalawa, eh. Hindi pa tayo nakapag-dinner date kahit kailan. Ito, sa hotel pa. Ako, first time ko talagang magdi-dinner sa hotel."

Napangiti na ito. "Sige na nga."

Sa hotel ay napagtagumpayan ni Lyndon na maging masigla si Princess Grace. Foursome sila sa mesa pero hindi naman sobrang higpit ang mga magulang nito na ultimo maliliit na kilos nila ay binabantayan.

Malinaw na ngayon sa kanya na sa isang bagay lang mahigpit na nakabantay ang mga ito sa kanila—ang magkaroon sila ni Princess Grace ng pagkakataong magsolo.

Nag-enjoy naman silang mag-asawa sa dinner na iyon. Dahil may sariling pinag-uusapan ang kanyang mga biyenan, naging mas madali para sa kanila ni Princess Grace na magkunwaring date nila iyon.

They even shared desserts. Ang miniature cake na may ice cream sa ibabaw ay ini-imagine nilang wedding cake nila.

"Subuan mo ako," paglalambing niya sa asawa. Tumalima naman ito. Pagkatapos ngumuya ay sinubuan din niya ito ng cake.

Inabot niya ang kamay nito sa ilalim ng mesa at banayad na pinisil. "I love you," madamdaming sabi niya.

Ngumiti si Princess Grace. Nangislap ang mga luha sa mga mata nito. "I love you, too," mahinang sagot nito.

Isang tikhim ang sumira sa espesyal na sandaling iyon.

"Samahan mo ako sa restroom, Princess Grace," sabi ng mama nito.

Bumuntong-hininga ang asawa niya bago napipilitang tumayo.

"Lyndon," sabi naman ng biyenan niyang lalaki.

"Po?"

"Sa isang araw na ang alis ko. Ikaw ang lalaki kaya gusto kong ihabilin sa iyo ang mag-ina ko."

Marahan siyang tumango. "Opo."

Ngumiti ito. "Masunurin kang anak. Naobserbahan ko iyan nitong mga nakalipas na araw. Alam kong hindi madali para sa ating pare-pareho ang pagbabantay sa inyo. Kung sa mga susunod na araw ay magrebelde kayo, hindi ako magtataka. Pero sana nga ay hindi kami mabigo sa inyo. Ang gusto lang namin ay ang pag-aaral ang pagtuunan ninyo ng pansin. Iniiwas lang namin kayo sa dagdag pang komplikasyon at responsibilidad."

"Naiintindihan ko po."

Nasisiyahan namang tumango ito.

Mayamaya ay bumalik na sa mesa sina Princess Grace. Patapos na rin silang kumain. Nagyayang manood ng sine ang papa ni Princess Grace. Mabilis namang pumayag ang biyenan niyang babae.

Sa Greenbelt sila humantong. Habang bumibili ng ticket ang papa nito ay magkasama naman silang tumitingin sa mga movie posters.

"Prin, first time natin itong manood ng sine," malambing na sabi ni Lyndon.

Nakangiting tumingin ito sa kanya. "Oo nga, eh. Kaya lang, hindi naman natin solo. Nandiyan sina Papa."

"Okay lang. Basta first time pa rin natin itong manonood ng sine."

Bahagyang nagkaroon ng lungkot ang mga mata nito. "At sa second time, third time and so on and so forth, may kasama pa rin tayong manonood ng sine," nakalabing sabi nito. "Bantay-sarado talaga tayo sa kanila."

"Prin, intindihin na lang natin sila. Tama naman sila, eh."

Tinitigan siya nito, saka inirapan. "Alam mo, Lyndon, gusto ko nang magduda kung mahal mo nga talaga ako, eh. Mukhang hindi ka naman disappointed sa sitwasyon natin. Mukhang ako pa ang desperadong magkalapit pa tayo."

Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay ng asawa. "Akala mo lang iyon. Honey, lalaki ako. Kung mayroong mas disappointed sa atin, ako iyon. Kaya lang, sabi ko nga kanina, naiintindihan ko ang punto nila. Gusto kong ipakita sa kanila na responsable ako kaya ayokong lumabag sa ipinagbabawal nila. Oo, karapatan natin na magtabi sa pagtulog, pero hindi lang iyon ang issue, 'di ba? Mga bata pa tayo. Mas magiging komplikado ang buhay natin kung pagbibigyan natin ang pagiging agresibo."

Mas matalim na irap ang natanggap niya mula kay Princess Grace. "Paano na tayo?"

"Wala sigurong dapat na magbago, Prin. Kung mayroon man ay dapat na mas maging matibay tayo para sa isa't isa. Ituring nating pagsubok ito. Kailangan muna nating magtiis. Hindi naman panghabang-panahon ito. Kapag nakatapos tayo ng pag-aaral at naipakita natin sa kanila na kaya na nating panindigan ang mabuhay nang hindi kailangan ng suporta nila, bibigyan din nila tayo ng laya. At pangako ko sa iyo, magsisikap talaga ako. Para sa iyo. Para sa atin. At para na rin kay Nanay."

Bahagyang tumango ito. "So, kunwari lang muna na hindi pa tayo kasal?"

"Kunwari in the sense na may mga bagay na hindi pa natin puwedeng gawin. Pero hindi natin kailangang kalimutan na kasal na tayo. Mag-asawa na tayo kahit sa papel lang muna."

"Kayong dalawa, halina kayo rito," tawag sa kanila ng mama nito.


MALAMIG sa loob ng sinehan. Magkakatabi silang apat sa upuan. Nasa gitna si Princess Grace at ang mama niya samantalang nasa magkabilang gilid naman nila sina Lyndon at ang papa niya. Gusto niyang sumandig sa dibdib ni Lyndon pero naaasiwa siya dahil katabi lang niya ang mga magulang. Kahit hindi idinetalye ng mama niya ang mga bawal sa kanila ni Lyndon, parang natatak na sa isip niya na bawal ang anumang pisikal na pagkakalapit nilang mag-asawa. Hanggang pagho-holding hands lang ang puwede nilang gawin.

She was only sixteen. Hindi na bago sa kanya ang kasabihang "Sweet sixteen, never been kissed, never been touched." She was sixteen and already married yet untouched.

Hindi siya likas na agresibo pero alam niya ang ibig sabihin ng pagiging mag-asawa. Sa isip niya ay may ideya siya ng mga bagay na may kinalaman sa pisikal na pagkakalapit ng mag-asawa. Hindi niya alam kung handa na siya para doon. Pakiramdam nga niya ay natatakot pa siya.

Ang talagang ipinagrerebelde ni Princess Grace ay ang point ng pagbabawal sa kanila at hindi iyong pagpigil mismo sa karapatan nila ni Lyndon sa isa't isa bilang mag-asawa.

Pero dahil sa ipinaliwanag sa kanya ni Lyndon, gusto niyang intindihin na lang din ang mga magulang. Siguro nga ay kailangan lang nilang magtiis at maghintay. Darating din ang araw na magiging malaya silang gawin ang lahat ng gusto nila. Ang mahalaga ay kasal na sila. Wala nang maaaring umagaw sa kanya o kay Lyndon. Para na sila sa isa't isa.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon