Forever And Always - Part 7

276 13 0
                                    


MAGKAHAWAK-KAMAY pa ring tinakbo nina Princess Grace at Lyndon ang natanaw nilang pinakamalapit na bahay. Basa agad ang buong katawan nila sa biglang pagbuhos ng malakas na ulan.

"Tao po!" malakas na tawag ni Lyndon habang kumakatok sa pinto ng bahay. Madilim iyon at saradung-sarado.

"Wala naman yatang tao," sabi niya.

"At least, may terrace. Dito na lang muna tayo makisilong habang bumubuhos ang ulan," sabi nito.

Tumango siya. May bubong naman ang terrace kaya hindi sila gaanong mababasa ng ulan doon. Mas mabuti na iyon kaysa wala silang masilungan.

"Tao po!" tawag uli ni Lyndon.

Siguro ay wala ngang tao sa bahay. Ni kaluskos ay wala silang marinig sa loob niyon.

"Wala naman sigurong sisita sa atin kung makikisilong tayo sandali. Magpapatila lang tayo ng ulan. Dito tayo para hindi tayo masyadong maanggihan," sabi nito.

Sumiksik sila sa pinakasulok ng terrace. Hinila nito ang bangkong naroroon para mayroon silang maupuan.

Ilang sandali na wala silang imikan. Pareho silang nakatingin lang sa malakas na buhos ng ulan. Nang kumidlat nang matalim ay napapitlag si Princess Grace.

Nilingon siya ni Lyndon. "Takot ka sa kidlat?"

Umiling siya. "Nagulat lang."

"Sa dilim, takot ka?"

"Hindi, bakit?"

Ngumiti ito. "Wala, naitanong ko lang."

"Baka naman itatanong mo rin sa akin kung takot ako sa multo?"

Natawa ito. "Actually, iyon nga sana ang sunod na itatanong ko."

"Puwes, ang sagot ko ay hindi. Teka, bakit mo naman ba itatanong?"

"Princess Grace, my honey, kung hindi mo lang po kasi nahahalata, ubod ng dilim dito sa sinisilungan natin. At halata ring walang tao sa bahay na ito. Paano kung biglang may mag-ingay sa loob? Paano kung multo pala iyon?"

Ngumisi siya. "Ano naman sa akin? Baka nga kausapin ko pa siya. Manghihiram ako ng pangginaw dahil giniginaw na ako."

"Giniginaw ka?" Bumakas ang labis na pag-aalala sa mukha ni Lyndon. "Paano iyan? Basa rin itong polo ko. Ipahiram ko man sa iyo, hindi naman makakatanggal ng ginaw."

"Kaya nga sa multo na lang ako manghihiram," pabirong sagot niya.

"Prin, I'm serious. Ano ang nararamdaman mo? Ginaw lang ba? Baka magkasakit ka niyan. Tatakbo na lang ako pabalik sa bahay kung wala talagang masakyan. Kukuha ako ng payong at pangginaw. Pagkatapos, bumalik na lang tayo sa bahay."

Mabilis siyang umiling. "Baka mayamaya ay tumila na ang ulan. At malay natin, may tricycle na tayong masasakyan."

"Sa lakas ng ulan na iyan? Malabong tumila agad ang ulan. At malamang, mas imposibleng may tricycle pang daraan dito. Tingnan mo, halos walang sasakyan sa kalsada."

"Ibig sabihin, stranded tayo rito?" nahaluan ng kaba ang boses niya.

"Ayokong isipin na ganoon pero parang ganoon na nga."

Kinabahan siya lalo. "Paano ako makakauwi?"

"Giniginaw ka na. Kung susugod tayo sa ulan, siguradong magkakasakit ka. Pero ano'ng malay natin, baka tama ka na titila agad ang ulan at makakahanap tayo ng masasakyan. Di makakauwi ka na."

Tumingin si Princess Grace kay Lyndon pero agad ding ibinaling ang mga mata sa malakas na buhos ng ulan. Kahit nakasiksik na sila sa sulok ay naanggihan pa rin siya kaya lalo siyang giniginaw.

Sa sinabi ni Lyndon, alam ni Princess Grace na pinalalakas lang nito ang kanyang loob. Alam din niya, malabo silang makauwi agad. Stranded na nga sila roon.

"Ayokong iwan ka rito, Princess. Baka mamaya ay mapahamak ka. Pero alam ko ring gustung-gusto mo nang makauwi. Sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin. Uuwi ba ako para kumuha ng payong at pangginaw para sagasain natin ang ulan, o dito na lang tayo?"

"Huwag mo akong iiwan, Lyndon," mabilis na sabi niya.

Bahagyang ngumiti ito, saka tumango. "Iyan nga rin ang gusto kong mangyari. Kaya lang, naiisip ko rin ang mga magulang natin. Siguradong naghihintay sa iyo ang mama at papa mo. At ganoon din si Nanay sa akin."

"Naiisip ko rin nga iyon, eh. Ang totoo, natatakot na rin ako, lalo na sa papa ko. Siguradong nag-aalala rin si Mama pero maiintindihan niya tayo. Pero si Papa..." Hindi na tinapos ni Princess Grace ang sasabihin. Napabuntong-hininga na lang siya. Kung may kapangyarihan lang siya ay pinatigil na niya ang ulan. At siguro ay nag-magic na rin siya para sa isang iglap ay makarating sila sa bahay niya.

"Ayokong magkasakit ka, Princess. Kung hindi lang din ako nag-aalala na mauwi sa pagkakasakit iyang ginaw mo, yayayain na kitang sagasain ang ulan. Pero naiisip ko rin na baka delikado iyon. Alam mo na, hindi lang iyong posibilidad na magkasakit ka kundi iyong masasamang elemento sa paligid. Ayokong mapahamak ka, honey."

"Pareho lang tayo, Lyndon. Hindi ka naman si Superman para hindi tablan ng sakit. Sa lakas ng ulan, siguradong magkakasakit ka rin. At kung mapapahamak ako, hindi ba't pareho lang naman na mangyayari sa atin iyon dahil magkasama tayo?"

Ang lalaki naman ang nagpakawala ng malalim na hininga. "Ito na siguro ang pinakamainam gawin, Prin. Magpalipas na lang tayo ng oras dito. Kapag tumila ang ulan ay saka tayo kumilos."

Tumango siya at lalo pang nagsumiksik sa sulok para maiwasan ang anggi.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon