Forever And Always - Part 20

410 24 1
                                    

NALUKOT ang ilong ni Princess Grace nang hindi agad siya nakasakay sa elevator paakyat sa unit nila ni Lyndon. Papasara na iyon nang bumaba siya ng kotse. Ibig sabihin ay ilang minuto pa siyang maghihintay.

Naiinip na bumuntong-hininga siya. Nang mga nagdaang araw ay lagi siyang iritado. Sa opisina man o sa bahay ay maiksi ang pasensiya niya. Nagiging bugnutin din siya. Hindi niya alam kung bakit.

Lalong kumunot ang noo ni Princess Grace nang makasakay sa elevator. May naiwang amoy roon; parang matapang na pabango na humalo sa body odor. Nagtakip siya ng ilong at itinutok ang tingin sa floor indicator, kulang na lang ay lumabas na siya roon.

Nang makalabas ay daig pa niya ang nakulong nang matagal. Parang pinangapusan siya ng hininga. Nahihilo at nasusuka siya. Kinalma niya ang sarili bago humakbang papunta sa kanilang unit.

Gamit ang susi ay binuksan niya ang pinto. Pero natuklasan niyang naka-lock iyon sa loob. Ibig sabihin ay naunang umuwi si Lyndon. Malaya kasi ang oras nito sa trabaho. Pinindot niya ang doorbell.

Bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ng asawa nang buksan nito ang pinto. Mabilis din siyang hinalikan nito. "Hi, honey."

"Ang tagal mong magbukas ng pinto," naiinis na sabi ni Princess Grace bago pumasok. Iniitsa niya ang bag sa sofa at naupo. Hinubad niya ang sapatos at ipinatong sa center table ang mga paa.

Ilang sandaling nakita niyang nakatitig ito sa kanya. "Pagod ka," sabi nito, saka nagpunta sa kusina.

Wala siyang anumang reaksiyon. Pumikit siya. Totoong pagod siya. Mayamaya ay kumunot na naman ang kanyang noo. May naamoy siya na kasinsangsang ng amoy na nagpahilo sa kanya kanina.

"Saan galing ang amoy na iyon?" malakas na tanong niya, sabay tayo.

"Nagluluto ako. Sinigang sa bayabas," sagot ni Lyndon.

"Ang baho!" halos manggalaiting sabi niya bago tumuloy sa kuwarto at nagkulong doon.

"Honey, Prin..."

Dumilat si Princess Grace. Hindi niya namalayan na naidlip pala siya. Nakita niyang nakaupo si Lyndon sa gilid ng kama at banayad na niyuyugyog ang kanyang balikat.

"Kain na tayo," masuyong sabi nito. "Itinabi ko na iyong sinigang. Nagluto ako ng ibang ulam. Adobong baboy. Paborito mo iyon, 'di ba?"

Tumango si Princess Grace at bumangon. Nang lumabas sila ng silid ay nakita niyang wala namang nakahain sa mesa.

"Nagyaya kang kumain, wala naman palang nakahain," sabi niya.

Tinitigan siya nito, pagkatapos ay umiling-iling na lang. "Maghahain na ako. Mabilis lang naman."

Tahimik silang nagsalo sa pagkain pagkatapos.

"Sobra ba ang pressure sa opisina?" malumanay na tanong nito mayamaya.

"Marami akong workload."

"Kaya pala pagod na pagod ka. Mamaya, mamasahihin kita," nakangiting sabi nito.

Napilitan siyang ngumiti rin kahit ang totoo ay irritable pa rin siya.



NATUTUHAN na ni Lyndon na sa pagsasama nila ni Princess Grace ay dapat na hindi sila palaging nag-aaway. Kaya kapag ganoong alam niyang wala sa mood ang asawa ay hinahabaan na lang niya ang pasensiya. Kapag maayos na ang mood ni Princess Grace ay nagsasabi naman ito kung bakit nagkakaganoon.

"Masarap, Prin?" tanong niya habang masuyong hinahagod ng palad ang mga binti nito. Nakahiga ang asawa sa kama at mukhang makakatulog na sa pagmamasahe niya.

"Oo, masarap. Antok na antok na ako, Lyndon. Makakatulog na ako sa ginagawa mo."

"May sasabihin pa sana ako sa iyo."

"What?"

"Iyong class reunion natin."

Nalukot ang mukha ni Princess Grace. "Hindi ako interesado roon. Palagi akong pagod lately. Nakakapagod lang ang pagbiyahe papunta roon. Please, end of discussion."

Napabuntong-hininga na lang si Lyndon.

Nang mga sumunod na araw ay bugnutin pa rin si Princess Grace. Minsan ay parang gusto na ring mapikon ni Lyndon pero nagtitimpi siya. Ito ang may gusto na magtrabaho pa rin. Kung siya ang masusunod ay gusto sana niyang tumigil na ang asawa, tutal ay kayang-kaya na niya itong suportahan. Pero nanghihinayang si Princess Grace sa trabaho kung magre-resign ito. Hindi lang ang suweldo ang dahilan, kundi pati ang kaligayahan roon ng kanyang asawa.

Iniisip pa rin niya ang class reunion. Sa Sabado ng hapon na iyon. Nang dumating ang Biyernes ay hindi na siya nakatiis.

"Gusto kong um-attend sa class reunion," sabi niya kay Princess Grace.

"Eh, di pumunta ka. Ako, ayoko. Saka hindi ako puwede. May work kami bukas. Alam mo naman na twice a month, pumapasok kami 'pag Sabado."

Sa tono ng asawa, pilitin man ito ni Lyndon ay wala ring mangyayari. Baka mag-away pa sila.

"Maaga akong aalis bukas para magkakuwentuhan din kami ni Nanay," sabi na lang niya. "Linggo na siguro ako babalik."

"Okay. Wala namang problema kung maiwan ako rito nang isang gabi. Maayos ang security sa building na ito."

"Sigurado ka bang ayaw mo talagang sumama?" nagbabaka-sakali pa ring tanong niya. "Kahit doon ka lang kay Nanay, para madalaw mo rin siya."

"Ayoko ngang bumiyahe nang malayo. Saka may pasok ako. Ikumusta mo na lang ako kay Nanay."

Napailing na lang si Lyndon.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon