Forever And Always - Part 15

362 19 1
                                    

PAGSAPIT ng pasukan sa university, nakapag-adjust na rin sina Princess Grace at Lyndon sa setup sa bahay. Nasanay na si Princess Grace na palaging nasa paligid ang kanyang ina. At hindi talaga sila nito binibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng pribadong sandali sa isa't isa. Natanggap na niya iyon. At nagagawa na rin niyang maging masaya sa kabila ng paminsan-minsan pa ring pagrerebelde.

Palagi niyang sinasabi sa sarili na kailangan niyang magpasalamat na hindi siya tuluyang inihiwalay ng mga ito kay Lyndon. Na dapat din siyang magpasalamat na kahit may itinakdang limitasyon sa kanila ang mga magulang niya ay magkasama pa rin sila ni Lyndon araw-araw.

Na-realize ni Princess Grace ang biyayang iyon nang mabalitaan niya ang nangyari kina Joanna Marie at Lemuel.

Isang kababayan nila sa Sierra Carmela ang nakasakay nilang mag-ina sa jeepney nang minsang magpunta sila sa Divisoria. Doon nila nabalitaan ang eskandalo sa kanilang mga kaklase. Nagtanan ang mga ito pero binawi si Joanna Marie ng ina nito at inilayo sa Sierra Carmela.

Habang naririnig ni Princess Grace ang kuwento ng kababayan nila ay nailagay niya ang sarili sa katayuan ni Joanna Marie. Malamang ay hindi niya kayanin ang ganoon kung iyon din ang ginawa sa kanila ni Lyndon. Kaya ganoon na lang ang pasasalamat niya na sa halip na pinaghiwalay sila ay ipinakasal pa sila ng mga ito.

Iyon nga lang, kailangan nilang tanggapin ang consequence ng kanilang pagpapakasal, lalung-lalo na ang limitasyong itinakda sa kanila.

"Alas-tres ang labas mo ngayong araw. Susunduin kita. Aabangan kita sa parking lot," bilin ng mama niya.

"'Ma, may mga term paper pa akong gagawin. Baka puwedeng ma-delay nang kaunti. Magre-research pa ako sa library," pakiusap niya.

"Gaano katagal kang magre-research?"

"Hanggang four thirty, puwede po?"

"Ang tagal naman yata?"

"Marami akong hahanaping data, 'Ma."

"Sige, sa CASAA na lang ako maghihintay. Doon mo ako puntahan pagkagaling mo ng library."

Dalawang buwan na mula nang magpasukan. At dalawang linggo na rin siyang hatid-sundo ng ina. Pakiramdam ni Princess Grace ay nasa kinder school siya. Pero hindi na siya nagreklamo, tutal ay pasimple naman ang paghahatid-sundo nito sa kanya. Hindi naman nahahalata ng mga kaklase niyang halos nakabantay sa kanya ang ina.

Kung hindi niya natanggap ang ganoong setup noong umpisa pa lang ay malamang na nagrebelde na talaga siya. Kasama pa nga niya ang ina nang mag-enrol siya at sadyang pinili nito ang schedule ng mga klase niya na malayo sa schedule ni Lyndon, pagkatapos ay inihahatid-sundo pa rin siya nito.

Pero ang sabi nga ni Lyndon, kailangan nilang magtiis nang kaunti. Ang tinitingnan na lang nila ay ang mga bagay na positibo. Kagaya ng katotohanang magkasama naman sila sa bahay. Magkasalo sila sa agahan at tanghalian. At tulad noong nasa high school sila, sa mga basic subjects ay nagkakatulungan pa sila sa pag-aaral ng leksiyon.

Kagaya niya ay full load din ang asawa sa kursong Electronics and Communications Engineering. Pero nagpaalam ito sa mama niya na magpa-part-time job. Ayaw sana itong payagan ng mama niya dahil baka mapabayaan nito ang pag-aaral pero desidido si Lyndon. Gusto nitong kumita ng sariling pera para daw hindi ito nakaasa nang husto sa mga magulang niya. At gusto rin nitong kahit paano ay makapag-abot ng pera sa ina.

Dahil doon, lalong napahanga nito ang mga magulang niya. Isang buwan na mula nang magsimula ito bilang service crew sa isang fast-food restaurant. Isang buwan na rin na tuwing umaga na lang sila kung magkita dahil panggabi ito sa trabaho. Kung minsan ay tulog na siya kapag dumarating ito.

Okay lang iyon kay Princess Grace. Tuwing wala siyang pasok at nagkataong wala ring pasok si Lyndon sa school o sa trabaho ay sinusulit nila ang mga oras, kahit pa nga ba nanonood lang sila ng TV sa sala.

Lalo niyang nakita ang mabuting pag-uugali nito ngayong magkasama na sila. Hindi lang ito mabait at masipag, maalalahanin pa. Noong unang suweldo nito, kahit hindi naman iyon kalakihan ay mayroon pa rin itong inuwing pasalubong para sa kanya at sa mama niya.

At kahit na-appreciate iyon ng mama niya, pinagsabihan din nito si Lyndon na ipunin na lang ang pera. Kontento na ang mama niya na makitang marunong makisama ang asawa niya.

Natapos ang isang buong semester na maayos ang takbo ng kanilang buhay. Talagang tinutukan nila ang kanilang pag-aaral kaya matataas ang mga nakuha nilang grades. Nag-apply si Lyndon ng partial scholarship para mabawasan ang tuition fee nito.

Sa mga sumunod na semester ay ganoon din. sinikap nilang mapanatili ang matataas na grades nila. Nagpatuloy si Lyndon sa pagiging working student. Kapag natatapos ang kontrata nito sa isang fast food ay naghahanap ito ng panibagong trabaho. Minsan sa isang buwan ay umuuwi rin ito sa Sierra Carmela para dalawin ang ina at abutan ng kaunting pera.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon