"PRINCESS Grace Lontoc, third honorable mention!"
Nakangiting tumayo si Princess Grace. Umakyat siya sa stage kasama ang mga magulang para tanggapin ang parangal na iyon sa kanyang high school graduation. Nagpalakpakan nang malakas ang lahat, pero sa tingin niya ay kay Lyndon ang pinakamalakas.
Walang pagsidlan ang kanyang tuwa. Lahat ng mahal niya sa buhay ay naroroon.
"Congratulations, Princess," halos sabay na bati sa kanya ng principal at ng kanilang guest speaker na si Mr. Mariano Tiongco, ang ama ng kanilang valedictorian na si Fatima Mae.
"Thank you po," nakangiting sagot niya.
Habang ikinukuwintas sa kanya ng ama ang medalya ay nakatingin siya sa ibaba ng stage. Nasa bandang unahan si Lyndon. At kahit nakangiti siya sa marami, sa bandang huli ay sa kinaroroonan ng nobyo humihinto ang kanyang mga mata.
Hindi naman siguro masisisi si Princess Grace sa labis na kaligayahang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
Three days bago ang graduation ay umuwi ng bansa ang kanyang amang si David Lontoc. Halos lahat ng pasalubong na dala nito ay para sa kanya. Masaya siya pero nakakaramdam din ng tensiyon—dahil kay Lyndon. Kinakabahan siya para sa boyfriend. Iyon ang unang pagkakataon na makikilala ito nang personal ng kanyang papa. At kahit sigurado si Princess Grace na hindi naman siya mapapahiya dahil mabuting tao si Lyndon at suportado din ng kanyang mama ang kanilang relasyon, hindi pa rin niya maiwasang kabahan.
Nag-iisa siyang anak kaya napakaistrikto ng kanyang ama. Nahirapang magkaanak ang mga magulang niya, at nang mabuo siya ay hindi na nasundan kaya ganoon na lang ang pag-iingat na ginawa sa kanya ng ama—kulang na lang ay ikulong siya sa bahay para maingatan.
Kabaligtaran naman niyon ang kanyang mama na palagi siyang binibigyang-laya.
Kaya "Princess Grace" ang naging pangalan niya ay dahil parang prinsesa siya ng mga ito. Itinuturing ng mga ito na biyaya siya mula sa langit.
Magkaiba man ang pananaw ng kanyang mga magulang sa pagpapalaki sa kanya, alam niyang iisa lang ang gusto ng mga ito: ang huwag siyang mapahamak at mapabuti ang kalagayan niya.
At ang pakikipag-boyfriend ay hindi isang birong bagay para sa kanyang ama. Siguro ay iniisip nito na parang katumbas na rin iyon ng pagkawala niya sa piling ng mga ito. Kung hindi pa siguro sa matiyagang pagpapaliwanag dito ng kanyang mama, malamang ay nagkaroon sila ng problema ni Lyndon.
Nang dumating ang sandaling nagkaharap ang kanyang ama at si Lyndon ay ganoon na lang ang tensiyong naramdaman ni Princess Grace. Mabuti na lang at nakaalalay pa rin ang kanyang mama, alam nito kung paano pagagaanin ang isang sitwasyon.
Mahirap hulaan ang damdamin ng ama ni Princess Grace. Parang sinusukat nito ang bawat kilos at pananalita ni Lyndon habang magkausap ang mga ito. Alam niya, kinakabahan din si Lyndon pero tiwala siyang makakapasa ito sa kanyang ama.
Kaya hindi masukat ang naging tuwa niya nang ilang sandali pa ay parang natibag na ang hindi nakikitang pader na nakapagitan sa mga ito.
At nang sabihin ng kanyang mama na oras na para sa pananghalian, magaan na ang lahat habang magkakasalo sila sa hapag. Panay ang pagkukuwento ng kanyang ama tungkol sa mga nakakatawang karanasan nito sa ibang bansa. Nagpayo rin ito kay Lyndon kung sakali mang interesado daw ang nobyo niyang magtrabaho sa ibang bansa pagdating ng araw. Dahil doon, alam niyang nakapasa si Lyndon sa panunuri ng kanyang ama.
Mamaya, pagkatapos ng graduation at sandaling blowout ng mga honor students sa faculty ay siya naman ang pupunta sa bahay nina Lyndon. Naipagpaalam na siya nito sa kanyang mga magulang. At parang dagdag na regalo sa kanya sa okasyong iyon ang pagpayag ng kanyang papa dahil mas inaasahan niyang hindi ito papayag.
Siguro ay naipakita ni Lyndon na tapat ang hangarin nito sa kanya kaya madaling nakuha nito ang tiwala ng kanyang ama. Isa pa, kanina bago sila nagmartsa ay nagkakilala ang mga magulang niya at ang ina ni Lyndon na si Aling Merlina. At inulit din ng nanay ni Lyndon ang pag-imbita nito sa kanya at sa mga magulang na rin niya.
"Kaunting pansit at putong puti lang naman ang inihanda ko," parang nahihiya pang sabi ng nanay ni Lyndon kanina. "Pero ang importante ay ang magkasalusalo tayo, hindi ba?"
Halata sa bihis at hitsura ng ginang ang pagiging simple ng pamumuhay nito. Pero makikita rin sa tindig nito ang pagkakaroon ng dignidad kahit walang suot na alahas. Makinis ang pagkakaplantsa ng simpleng damit na suot ni Aling Merlina. Ang sapatos na suot nito ay wala sa uso pero ubod naman ng kintab na parang kay tagal na pinunasan para masigurong malinis na malinis iyon.
Kung titingnan nang mababaw ay daig pa ng katulong nila ang nanay ni Lyndon pagdating sa porma, lalo at kuntodo alahas ang kanyang mama at kay ganda rin ng damit at ternong bag at sapatos. Pero sa bihis lang malaki ang pagkakaiba ng mga ito. Hindi mapagmataas ang kanyang mama. Mayaman man o mahirap ang kausap nito ay palaging sinsero ang tono nito. At kung gaano kainit ang pagtanggap nito kay Lyndon tuwing nasa bahay nila ang binata ay ganoon din ito sa pakikipag-usap kay Aling Merlina.
"Hay, naku, si Princess Grace na lang ho ang makakasama kay Lyndon," sabi ng kanyang mama. "Ilang araw mula ngayon ay luluwas na si Princess dahil sa Maynila siya magkokolehiyo. Hayaan na ho natin ang mga bata na magkasama sa nalalabing kaunting oras."
"Basta tiyakin lang ni Lyndon na ihahatid niya ang anak ko bago mag-alas-nuwebe," pormal namang sabi ng papa niya. "Gabi na para sa akin ang oras na iyon pero alam ko ring baka gabi na matapos itong graduation."
"Huwag ho kayong mag-alala. Ako ho mismo ang magpapaalala sa kanila kapag oras na para umuwi," pangako ni Aling Merlina.
Excited na siyang matapos ang graduation ceremony dahil iyon ang pagkakataon nila ni Lyndon para muling magkasama.
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 7 - Forever And Always
Romance"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will compensate all the things we missed." Dahil sa isang pangyayari kinagabihan ng high school graduatio...