Forever And Always - Part 3

374 17 0
                                    


"NANDIYAN na pala kayo." Maluwang ang ngiti sa mga labi ng mama ni Princess Grace na si Mrs. Salve Lontoc nang salubungin sila ni Lyndon. "Pumasok na kayo at nang makapag-merienda. Nagluto ako ng ginataang bilo-bilo. Dali, at masarap iyon habang mainit."

Nagkatingin sila ni Lyndon.

"In good mood ka yata ngayon, 'Ma?" pabirong sabi ni Princess Grace sa ina pagkatapos humalik sa pisngi nito.

"Good afternoon po, Tita," bati naman ni Lyndon.

Lalong lumuwang ang ngiti ng kanyang ina. "Siyempre naman. Dapat lang na maging masaya ang isang tao lalo at magagandang balita ang dumarating. Dito na tayo sa kusina para sabay-sabay na tayong mag-merienda. Kanina ko pa kayo hinihintay. Ang tagal kasi ninyo. Huwag ninyong sabihing naglakad na naman kayo pauwi? Princess Grace, may pera ka naman para sa pamasahe, hindi ba? Kahit ikaw ang maglibre kay Lyndon, sobra pa iyon."

"Opo nga po. Kaya lang ay gusto naming maglakad."

Napailing na lang ang ginang. "Ano pa nga ba?" sabi nito at kinindatan si Lyndon. "Hindi n'yo na kailangang magpaliwanag. Napagdaanan ko na rin ang ganyan," game pang sabi nito.

"Sabi nga po ng iba, suwerte raw po si Princess Grace sa inyo. Iyon daw pong ibang magulang sobrang higpit sa anak, lalo na sa pakikipag-boyfriend."

"Hindi rin naman ako maluwag. Ayaw ko lang na magrebelde si Princess Grace kaya hinahayaan ko kayo. Sobrang istrikto ang tatay ko noong kabataan ko. Sa edad ninyo ngayon, lalo at na-in love, habang hinihigpitan, lalong nagwawala. Mabuti na iyang ganyan na may kaunti kayong laya ni Princess Grace. Basta huwag lang kayong sisira sa usapan natin dati. Pag-aaral ang priority, okay?"

"Opo," magkapanabay na sagot nila ni Lyndon.

"'Ma, treat mo ba itong ginataan dahil pumasa ako sa UPCAT?" tanong niya sa ina.

"Oo. At hindi lang iyon. Tumawag ang papa mo. Pinayagan na raw siya ng boss niya na i-advance ang annual vacation niya. Itatapat daw niya ang pag-uwi sa graduation mo."

"Talaga po?"

"Oo. Ang pakiusap ko lang sa inyo ni Lyndon, huwag kayong masyadong maging sweet sa isa't isa kapag nandiyan na ang papa mo. Alam mo namang istrikto iyon kaysa sa akin. Pero alam niyang mag-boyfriend kayo. Medyo ayaw pa nga niya dahil bata ka pa raw, pero naipaliwanag ko naman sa kanya na kaya mo ang pinasok mo. Saka ipinagmamalaki ko sa kanyang may honor ka sa graduation. Pagpapatunay iyon na hindi hadlang ang pakikipag-boyfriend mo sa pag-aaral mo."

"Thanks, 'Ma," aniya sa ina, saka nilinga si Lyndon. Nagpalitan sila nito ng ngiti.

"Oo nga pala, Princess Grace. Nag-long distance ako sa Tita Tess mo. May bahay siya sa Quezon City, hindi ba? Sabi ko'y ihanap ka ng maayos na matutuluyan dahil sa UP ka mag-aaral. Wala naman daw problema. Bakante raw ang isang kuwarto sa bahay niya. Kaysa raw humanap ka ng boardinghouse, doon ka na lang tumuloy. Dalawang sakay lang naman daw iyon papasok sa university."

"Tuloy na tuloy na," mahinang sabi ni Lyndon sa kanya. Nahimigan niya ang lungkot sa tinig nito.

"Ikaw ang nagsabi kanina, hindi naman tayo magkakahiwalay, 'di ba? Magkikita pa rin tayo," pangako niya.

"How about you, hijo?" tanong ng mama niya kay Lyndon. "Hindi ba't engineering ang gusto mong kurso? Saang school ka papasok?"

"Hindi ko pa po sigurado sa ngayon, Tita. Hindi naman po kasi kaya ng nanay ko na itaguyod akong mag-isa. Kung tutulong po ang Tito Mario ko, malaki po ang pag-asa na makapagkolehiyo ako. Pero kung hindi po, malamang..." Tumahimik si Lyndon at parang naubusan ng sasabihin.

"Mahirap na madali ang pagkokolehiyo," sabi ng kanyang mama. "Mahirap kung nasanay kang nakaasa sa ibang tao. Pero kung determinado kang makapagtapos, ang determinasyon mong iyon ang magtutulak sa iyo para makakita ka ng mga paraan para makatapos mag-aral," makahulugang sabi nito.

Tumango si Lyndon. "Iyon nga din po ang sinasabi ko kay Nanay. Kahit po hindi ako sa Maynila makapagkolehiyo. May state university naman po dito sa atin. Kahit po hindi na ako maging engineer. Okay lang po sa akin na Education ang kunin kasi iyon lang ang available na kurso na malapit dito sa Sierra Carmela. Balak ko pong mag-apply ng scholarship. Kahit po mag-working student ako, ang importante po sa akin ay makapag-aral."

Tumango ang mama niya. "Kaya nga ba gusto kita para sa anak ko, Lyndon. Sa edad mong iyan, nakakapag-isip ka nang mabuti. Iyong iba, sobrang childish. Tama iyan, hijo. Huwag mong iisipin na mahirap lang kayo at hindi ka kayang pag-aralin ng nanay mo. Kung gusto mo talagang makatapos, maraming paraan. Maano naman kung halimbawang abutin ng lima o anim na taon ang pagkokolehiyo mo? Iyon ngang iba, inaabot ng sampung taon bago makatapos. At hindi dahil hadlang ang kahirapan." Napailing ito. "Alam mo ang ibig kong sabihin, hindi ba? Iyong mga pabagu-bago ng kurso o kaya naman ay pagbubulakbol ang inaatupag kaya napapabayaan ang pag-aaral."

"Hindi po ako ganoon, Tita," sagot ni Lyndon. "Lumaki po ako sa hirap. Bata pa po ako, nakita ko na ang hirap ng nanay ko para maitaguyod ako. Ang pangarap ko po ay makapagtapos ng pag-aaral at maiahon sa hirap ang nanay ko. At siyempre po, gusto ko rin pong magandang kinabukasan ang maibigay ko kay Princess Grace pagdating ng panahong pareho na kaming handang magpakasal."

Napangiti ang kanyang ina. "Napakasarap pakinggan, Lyndon. Harinawang matupad."

"Sisikapin ko po."

Tumingin siya kay Lyndon. Wala siyang maisip sabihin pero sa puso niya, ramdam na ramdam niya kung gaano siya ka-proud sa boyfriend.

Alam ni Princess Grace, hindi siya nagkamali ng lalaking minahal. At alam din niya, kahit bata pa siya, wala na siyang ibang gustong mahalin kundi ito lang.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Pictures Series 7 - Forever And AlwaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon