"LYNDON Toledano!"
Hindi kayang ipaliwanag ni Lyndon ang kaligayahang nararamdaman nang umakyat siya sa entablado. Sa wakas, graduate na rin siya. Wala man siyang natamong karangalan ay malaking bagay na sa kanya na mayroon na siyang diploma ngayon.
Nang iabot iyon sa kanya ng dean at kinamayan siya nang mahigpit ay may namuong mga luha sa sulok ng kanyang mga mata. Lumunok siya. Ayaw niyang umiyak at kanina pa niya iyon pinipigilang mangyari.
nang luminga siya sa kinauupuan ng mga guests ay nakita niya si Princess Grace, pumapalakpak at napakaluwang ng ngiti. Ganoon din ang mama nito.
Sinulyapan din niya ang kanyang nanay. Tuluyang matitibag ang pagpipigil niyang umiyak kapag ipinako niya nang husto ang tingin dito. Kanina pa, habang nagmamartsa sila ay umiiyak na ito. Alam niya, labis na katuwaan iyon ng ina.
Kahapon ay sinundo niya ito sa Sierra Carmela para makadalo sa espesyal na araw na iyon. At nang magkita uli ito at ang kanyang biyenan ay hindi matapus-tapos ang pasasalamat ng nanay niya dahil sa pagpapaaral niyon sa kanya.
"Lalo mong mahalin si Princess Grace, Lyndon," pangaral ng nanay niya sa kanya kagabi. "Utang mo kay Princess Grace at sa mga magulang niya kung ano ka ngayon. Kung hindi dahil sa kanila ay hindi ka makakatapos. Alam mo namang pangakong napako lang ang tulong sana sa iyo ng Tito Mario mo."
"Mahal na mahal ko po si Princess Grace. Kayong dalawa ang inspirasyon ko kaya lalo kong pinagbuti ang pag-aaral ko, 'Nay. At ayoko ring mapahiya sa mga biyenan ko kaya talagang nagsikap ako."
Punung-puno ng tawanan ang paligid nang matapos ang graduation ceremony. Pero mayroon ding mga umiiyak, karamihan ay mga magulang.
Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Ayaw niyang umiyak. Hindi siya iiyak.
Hilam sa luha ang mga mata na sumalubong sa kanya ang ina. Niyakap siya nito nang mahigpit.
"Lyndon, anak, ang saya-saya ko," humihikbing sabi nito.
"Lahat tayo ay masaya, 'Nay," sagot niyang pilit na ginawang kaswal ang boses. "Pero grabe naman po ang tears of joy ninyo. Baka bumaha na po rito."
Natawa ito kahit may luha pa rin sa mga mata.
"Napakaloko mo, Lyndon," nakangiting sabi ng kanyang biyenan. "Congratulations, hijo!"
"Thank you po, 'Ma. Thank you po sa inyo ni Papa, sa lahat-lahat."
Tumango lang ito.
"Ay, ako naman ang babati," nakangiting sabi ni Princess Grace. Nang umatras ng hakbang ang nanay niya ay ito naman ang yumakap sa kanya. Hinalikan din siya nito sa mga labi. "Congratulations, honey," malambing na sabi nito. "I love you."
"Thank you and I love you, too."
Dinala sila ng kanyang biyenan sa isang restaurant para i-celebrate ang kanyang pag-graduate.
"Nakatapos ka na sa pag-aaral, Lyndon," anito pagkatapos nilang kumain. "At si Princess Grace naman ay regular na rin sa kanyang trabaho. Pagbibigyan ko na kayo ngayon sa matagal nang iniuungot sa akin nitong si Princess Grace. Ang bumukod kayo."
Nagkatinginan sila ni Princess Grace at pareho silang napangiti dahil sa tuwa.
"Talaga po? Maraming salamat," aniya.
"Pagbibigyan ko na rin ang papa ninyo na sumunod ako sa kanya sa Dubai. Hindi ko lang naman siya mapagbigyan dahil nakasubaybay ako sa inyo. Kung gusto ninyong manatili sa apartment ay doon na muna kayo. Kung may balak kayong lumipat sa ibang lugar, nasa sa inyo na iyon. Bahala kayong magpasya. Basta pag-isipan lang ninyong mabuti ang magiging desisyon ninyo." Binalingan nito ang kanyang ina. "Tama naman siguro ako, hindi ba, mare?"
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 7 - Forever And Always
Romance"Sabi ko sa sarili ko, hindi sapat na ibigay sa iyo ang tatlong tangkay ng rosas o kahit isang dosena pa. You deserve more. Maybe these flowers will compensate all the things we missed." Dahil sa isang pangyayari kinagabihan ng high school graduatio...