NAPAKAGAT ako ng labi nang may ilang minuto rin bago sinagot ni Kina ang tawag ko. Sa sobrang inip ko, nakasimangot na ako habang pinagtitinginan ng mga tao na dumaraan. Sobrang nakakailang sa pakiramdam kasi para akong out of place rito sa sulok habang naghihintay na tawagin ang pangalan ko para interbyuhin.
"Hello?" Sa wakas sinagot na rin ng bruha ang tawag ko.
"Oh, Eli, napatawag ka?"
"Kanina pa nga ako tumatawag, ang tagal mo sagutin!" Sabi ko. Natawa naman si Kina sa kabilang linya.
"Jowa 'yan?" Narinig ko ulit s'yang tumawa kaya natawa na rin ako. Kahit kelan napaka-pilosopo talaga nitong kaibigan ko.
"Biro lang, baka mapikon ka. O, eh ano bang atin?"
"Nakalimutan mo na ba na interview ko ngayon? Nandito na ako at hinihintay ko na lang na tawagin ang pangalan ko. Grabe, kinakabahan ako, Kina! Parang gusto ko na lang umuwi." Totoo 'yun dahil wala pa akong experience sa pagtatrabaho sa office. Tapos 'di rin ako masyadong kumpyansa sa sarili ko lalo pa't nakaka-insecure tumingin ang mga tao rito.
"Sira ka ba? Nand'yan ka na, tapos uuwi ka pa? Pa'no na lang 'yung opportunity 'di ba? Malay mo matanggap ka d'yan, eh 'di level up na ang trabaho mo!"
"Ewan ko ba naman sa 'yo kung ba't dito mo ako napiling pag-apply-in eh hindi naman ako college graduate. Baka mamaya 'di ako qualify, umasa lang ako sa wala. Saka alam mo naman na pagiging service crew lang ang experience ko."
"Ano kung 'di ka tapos? Bakit, 'di ka naman illiterate, ah? Nakakabasa ka, nakakasulat, nakakapagbilang! Office staff naman ang a-apply-an mo d'yan. 'Di naman CEO." Biro n'ya ulit. Tatawa pa sana s'ya kaso binara ko na s'ya.
"Sige, tumawa ka. Lagot ka na talaga sa 'kin." Banta ko tapos iling. Muli akong kinain ng kaba.
"Alam mo namang nagtatapang-tapangan lang ako pero nerbyosa talaga ako." Pag-amin ko. Di lang halata sa 'kin kasi magaling akong umarteng confident sa kilos at reaksyon ng mukha.
"Normal na kabahan. Basta gawin mo lang ang best mo. Saka kung 'di mo man makuha ang pusisyon na 'yan, at least, sinubukan mo. Tandaan mo, Eli, bigo ang tawag sa mga taong sumusuko nang hindi sumusubok. Hindi ka bigo sakaling 'di ka matanggap kasi nga sinubukan mo pa rin!"
"Lalim mo na naman magsalita." Biro ko. Pero sang-ayon ako sa sinabi n'ya.
Pagkalipas nang ilang sandali ay pinatay ko na ang phone at bumuntong hininga. Tumingin din ako orasan na nakasabit sa dingding ng conference room na kinaroroonan ko tapos bigla na lang akong nilamig sa aircon.
Actually, 'di naman ako nag-iisa. May dalawa akong kasabayang nag-a-apply din pero 'di kakikitaan ng kaba o pagdududa ang mga mukha nila. Saka sa hitsura pa lang nila, mas may chance silang makapasok kesa sa 'kin.
Napailing ako at kaagad kong sinaway ang aking sarili. Di naman yata tama na pagdudahan ko ang kakayahan ko dahil tulad nga nang sinabi ni Kina, nakakabasa ako, nakakasulat at nakakapagbilang. Kaya ko rin sumagot sa tanong nila kung sakali dahil nakakaintindi naman ako ng Tagalog at kaunting Ingles. Nasa ganu'n akong isipin nang makaramdam ako ng pamimigat ng pantog.
Naiihi ako!
Pagkatapos kong makita na tinawag na ng staff ang isa sa mga kasamahan ko dahil turn na n'ya, du'n na ako nag-excuse para mag-banyo. Matapos ituro sa 'kin ni Ate ang CR, dali-dali na akong pumuta du'n at kaagad na pumasok sa isa sa mga cubicle.
Pagkatapos, naghugas na ako ng kamay. Mabilis rin akong lumabas sa CR kasi baka tawagin na ako kaso bigla naman akong nabunggo sa isang pigura ng tao dahilan para ma-out of balance ako at mapaupo sa malamig na sahig.
BINABASA MO ANG
Always, loving you (gxg) (COMPLETED)
RomanceSimple lang naman ang pangarap ni Eli, 'yun ay ang magkaroon sila ng maginhawang buhay ng kanyang lola. Ito na kasi ang nagpalaki sa kanya simula nang maaga syang maulila sa ina at iwan sya ng kanyang ama. Kaya gagawin nya ang lahat para maitaguyod...