Special Chapter (2)

1.6K 43 10
                                    

Hi, all.

Ang mga Special Chapter ay multiverse, alternate universe, blackhole (charot), milky way, galaxy o ano pa mang tawag du'n. Wala itong kinalaman sa original plot. Kaya wag kayo malito. Extra chapters lang 'to.

— author mahinhin

"LOLA, ano po ang maipapayo mo kay Eli kasi ikakasal na ang apo mo?" Napatingin kami ni Lola kay Kina matapos n'yang tutukan ng siyanse ang bibig ng lola ko na kunwaring mikropono para sa kan'yang interview.

"Ibaba mo nga 'yan, Kina. Ipukpok ko 'yan sa ulo mo." Humagalpak ako ng tawa sa banat ni Lola pero hindi nagpatinag ang magaling kong kaibigan. Sa katunayan, idinuldol n'ya pa lalo ang panandok kay Lola kaya na-trigger ito'y inambahan s'ya ng batok.

"Sige na, Lola! Parinig naman po ng word of wisdom n'yo. Baka magamit ko rin 'pag ako naman ang nag-asawa." Tumango ako sa sinabi ni Kina. Sang-ayon din si Lola kaya mukhang napaisip s'ya ng isasagot.

"Eli, ang pag-aasawa ay isang responsibilidad at tungkulin. Pag kinasal na kayo ni Debbie at nagsama ng matagal sa iisang bubong, mas makikilala n'yo ang isa't isa. Kung akala mo alam mo na lahat sa kan'ya, magugulat ka na lang kasi meron at meron ka pa ring madi-diskubre sa kan'ya. At s'ya rin sa 'yo. Kung anoman 'yun, sabay n'yong tuklasin."

"Opo, Lola." Sagot ko.

"Opo opo ka d'yan baka kapag nag-away kayo makipaghiwalay ka na naman, ha?" Nanlaki ang mga mata ko nang sabihin n'ya 'yun. At tulad ng inaasahan, nasa akin ang buong atensyon ni Kina.

"Basta, bes, 'pag nag-divorce kayo ni Debbie, inuman tayo, ha?" Sabi n'ya dahilan para hampasin s'ya ni Lola.

"Ano'ng inom inom? At ano'ng divorce? Hindi mangyayari 'yun kasi ENDGAME 'yang tambalang DebEli ko! Gusto mo magpustahan pa tayo, Kina. Sa pula ka, sa puti ako." Sabi ni Lola dahilan para manlaki ang mga mata ko. Tae, ginawa kaming manok panabong? At dahil siraulo ang best friend ko eh sinakyan n'ya ang sinabi ni Lola.

Grabe, ang sarap nilang pag-untugin!

"At ikaw naman, Kina..." Napatingin ako sa reaksyon ni Kina nang s'ya naman ang balingan ni Lola. Nanlalaki pa ang mga mata n'ya kaya natawa ako.

Hmmm, interesting.

"O, La? Wala nga akong jowa, asawa agad?" Dipensa n'ya. Luh?

"Wala pa nga akong sinasabi. Saka teka, diba, may boypren ka?" Okay, Lola Marites mode on!

"Kaka-break lang po ni Kina sa jowa n'ya, La." Sabad ko kaya hinampas ako ni Kina sa braso. Takte, ang sakit nu'n! Nanunuot sa balat!

"Hiwalay na kayo ng mukhang alipungang 'yun? Aba, mabuti naman natauhan ka na!" Sabi ni Lola. Malungkot namang natawa si Kina.

"Lola, naman, eh. Mukhang alipunga talaga?"

"Nagkukunwari lang naman akong nagu-guwapuhan sa boypren mo para hindi ka ma-hurt." Grabe, napaka-brutally honest talaga ng lola ko!

"Bakit kayo nag-break?"

"Nag-cheat po s'ya." Sagot ni Kina.

"Eli, ano 'yung nag-cheat."

"Nagloko, La."

"Ano 'ka mo? Sa panget n'yang 'yun may pumatol talaga sa kan'ya? Ang kapal!" I second the motion, ang kapal. Tapos narinig na lang namin humihikbi si Kina. Pareho kaming nataranta ni Lola sa biglaan n'yang pag-iyak kaya agad namin s'yang inalo.

"La, napaka-walang hiya n'ya. Minahal ko naman s'ya ng todo-todo pero ginago n'ya ako. Deserve ko ba 'yun? Hindi naman, 'di ba?" Maktol ng bff ko. Hinimas-himas ko naman ang kan'yang likod saka sinenyasan ko si Lola para magsalita. Time for pep talk kumbaga.

"Oo naman. Hindi mo deserve na lokohin lalo na't ampanget-panget ng hayop na 'yun. Grabe, kapal ng apog." Lalong umiyak si Kina kaya napailing na lang ako kay Lola.

"Lola, wala ba kayong matinong sasabihin d'yan?" Tanong ko.

"Bakit? Hindi naman ako ang best friend dito, ikaw kaya." Sagot n'ya kaya natulala akong bahagya dahil sa katwiran n'ya!

Lord, bakit gan'to ang lola ko?

"Kina, tahan na. Makakahanap ka rin ng para sa 'yo. Yung hindi ka sasaktan. Yung mamahalin ka ng husto. Hindi lolokohin at hindi ipagpapalit. Tama si Lola, hindi mo deserve na gaguhin kasi mabuting tao ka. Isipin mo na lang na kakarmahin din ang damukol na 'yun." Pag-aalo ko kay Kina.

"Oo. Kakarmahin din ang itlog n'yang makati." Segunda ni Lola dahilan para tumawa kami ni Kina.

Dyusko, parang siraulo talaga s'ya!

"O, ayan! Edi tumawa ka na rin, bata ka. 'Lika nga rito, yakapin ka ng Lola." Napa-aww naman ako nang magyakapan sila. Para na ring tunay na apo ang turing ng lola ko kay Kina. Sanggang-dikit na kasi kami ng bff ko. Minsan, mas apo pa nga ang turing n'ya kay Kina kesa sa 'kin.

"I love you, Lola." Sabi ni Kina.

"I love you din, apo." Napangiti ako kasi ang touchy ng eksena. Pero agad din 'yung napawi sa sunod na sinabi ng magaling kong lola.

"Gusto mo inom na lang natin 'yan? Sagot ko na isang lapad!" Suhestyon n'ya kaya napasapo na lang ako ng noo at napailing.

"Eli, sama ka ba? Ano'ng sagot mo? Kay Kina na raw ang kuwento." At nagyaya pa talaga s'ya!

"Mukhang kailangan ko ngang malasing para makalimutan ang tarantado, Lola. Kaya let's go!" Sabi ni Kina. Luh, seryoso ba talaga s'ya? Pero pupunta mamaya si Debbie, ano, aabutan n'ya kaming nagse-session?

"Di ba, pupunta si Debbie? Pagdalhin mo ng pulutan at tisyu. Isama na rin natin sa inuman kasi mukhang may iiyak ng balde-balde mamaya. Dali, tawagan mo na!" Utos n'ya kaya wala akong nagawa kundi sundin.

Ang ending ay nag-inuman kaming apat habang pinapakinggan ang pagsasalaysay ni Kina sa panloloko sa kan'ya ng ex boyfriend n'ya at kung paano s'ya inalo at pinayuhan ni Lola.

Grabe gigil ni Lola habang dini-detalye ni Kina ang nangyari. Kulang na lang pumutok ang ugat niya sa ulo.

At imbes na makisimpatiya, tawa naman nang tawa si Debbie na para bang nanunuod ng comedy show.

My gosh, ang pamilya ko.

🌷🌻🌼

Always, loving you (gxg) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon