FOUR DAYS na akong hindi pumapasok sa office since nakipaghiwalay ako kay Debbie du'n sa beach resort na pinuntahan namin for a break sana. Napasapo nalang ako ng noo dahil hiyang-hiya ako sa kan'ya kaya naisip kong wag nang magpakita sa opisina at tuluyan nang mag-AWOL.
Alam kong hindi magandang record 'yun sakaling maghanap ako ng susunod na trabaho at kailangan-kailangan ko talaga ng trabaho so wrong timing ang pag-re-resign ko pero wala na akong choice!
Sige nga, ano na lang ang mukhang maihaharap ko kay Debbie sakaling magpakita pa ako sa kan'ya du'n pagkatapos ng lahat? Ngayon na hiwalay na kami, mas mabuti na rin na tuluyan ko nang tapusin ang koneksyon ko sa kan'ya. Gusto ko na lang magsimula ng panibagong buhay na hindi s'ya kasama.
Kung curious kayo kung ano'ng ganap noong sinabi kong nakikipaghiwalay na ako sa kan'ya eh hindi naman sumagot si Debbie. Malungkot lang ang reaksyon ng mukha n'ya at mga mata. Pero sa kabila ng lahat, iginalang n'ya ang desisyon ko't hindi na nagtanong pa sa 'kin ng kung ano. Magkatabi pa rin kaming natulog sa kama ng gabing 'yun pero nakatalikod ako sa kan'ya. Kinabukasan, umuwi na kami at inihatid n'ya pa ako sa bahay namin masiguro lang ang kaligtasan ko.
Sinabi ko sa kan'ya na hindi ako makakapasok kinabukasan. Tumango lang s'ya. Pero nang matapos ang maghapong 'yun, wala pa rin akong lakas ng loob na bumalik sa opisina nang sumunod na araw hanggang sa umabot na ng sunod-sunod ang absences ko.
Miss na miss ko na si Debbie pero kailangan kong pangatawanan ang desisyon ko. Hindi n'yo naman ako masisisi kung naisip at nagawa ko ang bagay na 'yun dahil sa ngayon, malinaw sa 'kin na hindi kami titigilan ni Vincent hangga't nagsasama kami ng ex-wife n'ya.
Kahit na sinabi ko noon kay Debbie na makipagbalikan s'ya kay Vincent, para namang pinipiga ng libong ulit ang puso ko dahil ayoko naman talagang gawin n'ya 'yun. Kaso wala, baliw eh. Kaya heto, hindi ko alam ang gagawin ko.
Nagkukunwari lang akong may kongkretong plano pero wala, wala talaga. Kahit tuloy 'yung pag-a-AWOL ko, pinag-iisipan ko pa.
TOK, TOK, TOK!!
Napukaw ako sa pagtulala sa kawalan nang makarinig ako ng katok ng pinto.
"Eli, Lola mo 'to. Pagbuksan mo 'ko ng pinto bago ko pa 'to gibain." Grabe naman sa gibain, Lola! Wala pa nga tayong pampagawa nu'ng seradura nu'ng pinto natin sa sala tapos... ewan, napailing na lang ako saka pinilit ang aking sarili na tumayo sa papag na kamang hinihigaan ko para pagbuksan ng pinto ang bayolente kong lola. Pagkakita ko sa kan'ya nakapamewang pa talaga.
"May sakit ka ba?"
"Wala po." Hindi s'ya naniwala sa sinabi ko't sinapo pa talaga n'ya ang aking noo pero hindi naman ako mainit na tipong inaapoy sa lagnat. Tapos bumuntong-hininga si Lola saka inaya akong umupo sa papag.
"Kung wala kang sakit, bakit hindi ka pumapasok sa trabaho mo? Hindi ka ba hinahanap ng amo mo?" Bakas sa boses n'ya ang pag-aalala kaya nakonsensya naman ako.
Hindi ko pa kasi nababanggit sa kan'ya ang dahilan kung bakit kami umuwi ng mas maaga kesa sa araw na paalam ni Debbie sa 'kin noong pumunta kami sa beach resort. Natatandaan ko hindi n'ya ako tinantanan ng tanong noong unang araw na nasa bahay lang ako pero hindi ko s'ya sinasagot. Hanggang sa nagsawa na lang s'ya. Pero hindi ko naman maililihim ng matagal kay Lola ang katotohanan.
"Hindi po kasi hiwalay na rin naman kami. At plano ko po na wag nang magpakita sa kan'ya sa opisina." Sagot ko. Namilog naman ang mga mata ng lola ko't may sa ilang segundong natulala bago nag-sink in sa utak n'ya ang sinabi ko.
"Ano? Hiwalay? Aba, bakit? May nangyari ba? May pinag-awayan ba kayo?"
"Wala po. Pero ako po ang nakipaghiwalay kay Debbie para matigil na ang panggugulo sa 'min ni Vincent."
"Wag mong sabihing umeksena na naman ang lalaking 'yun sa bakasyon n'yo ni Debbie? Kahit kelan para talaga s'yang kabute, kung saan-saan sumusulpot! Ano? Tama ba ako? Andun sya?!" Gigil na saad ni Lola. Gusto ko sanang matawa sa paglalarawan n'ya pero wala namang rason para sa bagay na 'yun.
"Wala po. Pero natatakot na baka isang araw, magpakita na naman sa 'min ang taong 'yun at manggulo na naman. Kaya sinabi ko kay Debbie na kung maghihiwalay kami, titigilan na kami ng ex-husband n'ya." Kitang-kita ko na lumambot ang ekspresyon ng mga mata ng lola ko. Batid kong nauunawaan n'ya ang dahilan ko't pinanggagalingan kung bakit nakapag-desisyon ako ng ganu'n.
"Anong sabi ni Debbie? Pumayag ba s'ya?"
"Hindi s'ya sumagot pero hindi na rin n'ya ako kinontra. Palagay ko pumayag na rin s'ya." Malungkot kong saad. Napailing naman si Lola saka niyakap ako't pinisil-pisil ang braso ko.
"Hindi ko sasabihing ayos lang kasi mahirap makipaghiwalay sa tao lalo kung mahal na mahal mo pa..." Nang sabihin ni Lola ang mga katagang 'yun ay hindi ko na napigilan ang sarili kong maiyak. Tama naman s'ya dahil mahal na mahal ko si Debbie at hindi talaga madali sa 'kin ang magpasya na tapusin ang lahat saming dalawa. Pero ayokong magsisi sa dulo. At ayokong masira kami lalo kung hahayaan ko pang manatili kami sa relasyon na marami ang may tutol.
Sabihin n'yo na ang gusto n'yong sabihin sa 'kin pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay pinaglalaban ang pag-ibig. Dahil may mga pag-ibig na dapat pinapalaya lalo kung sa una pa lang ay wala na ring patutunguhan.
Alam kong maaga pa para husgahan ko ang takbo ng pagsasama namin ni Debbie. At hindi ko rin itatanggi na marami akong bagay na ipinangakong gagawin alang-alang sa relasyon namin noong pumayag akong maging kami.
Kaya nga nasasaktan ako dahil wala akong isang salita. Sa kabila ng lahat, sino ba naman ang may akala na aabot ang panggugulo sa amin ng ex-husband n'ya sa punto na merong mao-ospital o 'di kaya'y may masawi?
Hanggang ngayon, nasa isipan ko pa rin ang masamang panaginip ko tungkol sa kung paano ako niligtas ni Debbie laban sa baliw n'yang ex husband kaya s'ya ang tinamaan ng bala ng baril na dapat ay sa 'kin talaga.
"Hindi ko na kukuwestyunin ang desisyon mo o ipagpipilitang ayusin n'yo pa ni Debbie ang lahat. Kayo ang nasa sitwasyon, taga-payo lang ako kung kailangan n'yo." Sabi ni Lola dahilan para mapangiti ako. Salamat sa Diyos dahil meron akong maunawaing lola bagaman pilya at bayolente paminsan-minsan.
"Pero, apo, ano nang plano mo? May balak ka pa bang bumalik sa trabaho mo o wala na talaga?"
"Sa ngayon, wala na po. Pero plano kong magpasa ng resignation bukas para naman kahit paano pormal ang pag-alis ko. Tapos maghahanap na po ako agad ng trabaho." Pinilit kong ngumiti pagkatapos para makumbinsi si Lola na kongkreto ang plano ko sa isip. Alam kong mahihirapan na naman akong magsimula ulit nito pero kailangan kong pangatawanan ang bunga ng mga desisyon ko. Tumango na lang si Lola bago ako niyakap. Muli, naiyak ako sa kan'yang balikat.
Marami akong na-realize sa buhay ngayong malaki na ako.
Isa na doon ang realidad na ang mga taong mahihirap ay walang karapatang tumigil sa pagbabanat ng buto kahit na sawi ang ating puso.
🌻🍂🍁
BINABASA MO ANG
Always, loving you (gxg) (COMPLETED)
RomanceSimple lang naman ang pangarap ni Eli, 'yun ay ang magkaroon sila ng maginhawang buhay ng kanyang lola. Ito na kasi ang nagpalaki sa kanya simula nang maaga syang maulila sa ina at iwan sya ng kanyang ama. Kaya gagawin nya ang lahat para maitaguyod...