"ELI, magical ba 'yung feelings kapag nakita ko na 'yung tao na para sa 'kin?" Napatingin ako kay Kina matapos n'yang itanong ang bagay na 'yun. Pero saglit lang kasi abala ako sa pagtitimpla ng kape para sa 'ming dalawa.
Nga pala, nandito s'ya ngayon sa pastry shop ko, bumisita bago s'ya sumampa sa barko para magbalik-trabaho. Ilang buwan din kaming hindi magkikita nito kaya sinasamantala na namin ang mga nalalabing araw n'ya sa lupa, eme.
"Hmmm... here's your espresso. Also, isang slice ng cheesecake. At ito naman sa 'kin, flat white and croissant." Pagkalapag ko ng pagkain namin sa mesa ay agad na akong umupo sa tapat ni Kina. Natawa pa nga ako kasi ang seryoso ng ekspresyon ng kan'yang mukha na para bang naghihintay sa sagot ko sa tanong n'ya.
Excited yern?
"Hindi naman totoo 'yun."
"Ibig sabihin walang fire works display nu'ng unang beses na nagkita kayo ni Debbie? Eh, pa'no mo nalaman na s'ya ang soulmate mo?" Sunod-sunod n'yang tanong dahilan para mapaisip ako.
"Well, aaminin ko na na-starstruck ako nu'ng unang beses na nakita ko si Deb sa chapel. Ang ganda-ganda n'ya kasi pero parang ang lungkot ng mga mata n'ya? Kung hindi ko kasama si Lola, baka tinabihan ko na s'ya at chinika." Pareho kaming natawa ni Kina dahil sa sinabi ko.
"Tungkol sa tanong mo, siguro nandu'n 'yung kuneksyon, eh. Kasi 'yun talaga ang eksaktong naramdaman ko nang makita ko noon ang wife ko. Kumbaga ang panatag ng pakiramdam ko but at the same time nandu'n 'yung kagustuhan ko na makilala pa s'ya ng husto. Hindi naman natin 'to tipikal na nararamdaman sa lahat ng tao na nakikilala natin kaya alam kong espesyal si Debbie." Sabi ko kaya napangiti si Kina. Tapos pinagtapunan ko ng tingin ang kape ko bago 'yun ininom.
"Bakit mo ba tinatanong 'yan? Wag mong sabihin na nakilala mo na ang soulmate mo tapos confuse ka kaya gusto mong malinawan." Nilunok muna ni Kina ang cheesecake na kinakain n'ya bago sinagot ang tanong ko.
"Actually, hindi ako naniniwala sa soulmate na 'yan, Bez. Kasi kung totoo man na may taong nakatadhana sa bawat isa sa 'tin, sana walang tumatandang mag-isa."
"Minsan choice ng tao 'yan."
"Choice n'ya kasi hindi totoo na merong nakatadhana sa kan'ya kaya pagkatapos ng ilang beses na pagkabigo na hanapin 'yung sinasabi mong "soulmate" eh sumuko na lang s'ya at nag-decide na maging tita forever." Iminuwestra n'ya pa ang kan'yang mga kamay habang nakasimangot ang mukha na nakatitig ang mga mata sa 'kin. Hindi ko tuloy napigilang humalakhak sa ekspresyon at reaksyon n'ya.
"Akina, may hindi ka ba sinasabi sa 'kin? O, baka may gusto kang sabihin?" Tanong ko. Natawa naman s'ya sabay higop ng kape.
"Wala." Matipid n'yang sagot.
"Hmmmm..." Ako naman 'yung klase ng tao na hindi mapilit sa mga bagay-bagay. Pero curious talaga ako sa tono ng kaibigan kong 'to.
"Masaya ba ang buhay may asawa?" Tanong n'ya.
"Oo. Maraming changes pero masasabi kong masaya. Saka hindi pa rin kami tumitigil sa pag-discover ni Deb ng iba't ibang bagay na gusto namin. Like, last time, sinubukan naming mag-sky diving and really enjoy it. Knowing na pareho kaming may takot sa high elevation pero minotivate na lang namin ang isa't isa para subukan ang bagay na turns out masaya naman pa lang gawin ng magkasama. Also, nag-i-explore rin kami..."
"Sa kama?"
"Kasama na 'yun." Nag-apir kaming dalawa pero inismiran ko s'ya.
"Bez, pa'no kung hindi pala lalaki ang para sa 'kin?" Inantay ko pa kung may kasunod ang sasabihin n'ya pero mukhang wala na.
"Edi mas goods." Nakangiti kong sagot.
"Masarap ba kapag babae ang karelasyon mo kesa sa lalaki?"
"Hindi ko alam kasi si Debbie ang una't huli ko." Sagot ko sabay subo ng croissant na kinakain ko.
"Ay, sabagay. Tama nga naman." Natawa ako nang sumandal s'ya't nag-dekwatro. Ano ba talagang meron sa babaeng 'to, ba't parang ang dami n'yang tanong na pang-out of this world?
"Hayaan mo na siguro. Kung wala naman talagang para sa 'kin, edi mag-isa na kung mag-isa. Wala namang masama du'n, 'di ba?" Tumango ako sa sinabi n'ya.
"Wala. Pero sa kaso mo..." Hindi ko pa natatapos ang sinasabi ko ng pigilan ako ni Kina sa pagsasalita.
"Eli, ayos lang ako. Wag kang mag-alala sa 'kin. Kaya ko ang sarili. Hindi ko kailangan ng lalaki o ng babae para makasama kong kaawaan ang miserable kong buhay at dumagdag pa sa stress ko pag nagtagal." Nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi n'ya.
"Bez, lalo mo 'kong pinag-aalala. Alam mo naman na nandito lang ako 'pag kailangan mo ng peptalk o makikinig sa 'yo, 'di ba? Kahit na marami na ang nagbago sa buhay natin, ikaw pa rin ang best friend ko, Kina." Sabi ko. Nakita kong lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Kina bago s'ya ngumit sa 'kin.
"Alam ko naman 'yun, Eli, pero naisip ko kasi na wag nang magsabi sa 'yo kasi baka busy ka at makaabala lang ako."
"Hindi ako busy 'pagdating sa 'yo. So, ano ba kasi 'yun?" Bumuntong-hininga muna s'ya saka bumuwelo.
"Minsan hindi ko rin ma-gets ang sarili ko. Kasi okay lang naman talaga ako na ganito. Walang sakit sa ulo, walang iniisip na iba pero may mga araw na napapaisip ako kung ano'ng pakiramdam sakaling ako naman 'yung mahalin ng tama at tratuhin ng maayos kagaya nang ginawa ko sa mga nakarelasyon ko in the past. Pagod na kasi akong umasa na merong nakalaan sa 'kin na hindi ako sasaktan kasi hindi ko naman 'yun deserve. Kahit may pagka-gaga ako, alam kong hindi ko deserve na saktan 'no? Matino naman ako pero bakit mga siraulo ang nakikilala ko?" This time ako naman ang nakisampatya sa kan'ya at sa sentimyento n'ya.
Hindi rin naman lingid sa kaalaman ko ang sinapit ni Kina sa past relationships n'ya na pareho naming ikinagagalit. Kaya nga wala akong ibang hiling kundi mapunta naman s'ya sa tamang tao. Yun bang magpaparamdam sa kan'ya na sapat s'ya at kamahal-mahal dahil 'yun naman talaga ang totoo.
Nagpatuloy lang kami ni Kina sa kuwentuhan namin nang kapwa kami mapukaw dahil tumunog ang wind chime na nasa pinto ng shop ko, indikasyon na may pumasok na tao. At nang lingunin namin kung sino ito, namangha ako kasi nakatayo sa harapan namin si Maggie, ang dati kong boss.
"Hi, Eli. Sorry to drop by pero naisip kong dumaan na rito sa shop mo kasi galing ako d'yan sa malapit for a business meeting. And I'm so freaking hungry." Tuloy-tuloy na salita n'ya. Agad akong tumayo para asikasuhin s'ya. Naka-break time pa kasi ang mga staff ko kaya nagkusa na akong asikasuhin s'ya.
"No worries. Ano'ng order mo?" Nagtaka pa ako kasi hindi agad sumagot si Maggie, sa halip, titig na titig s'ya sa something sa likuran ko.
"Maggie?"
"What's her name?"
"Who?"
"Her." Anya tapos ininguso si Kina na abalang-abala sa pagnguya ng cheesecake n'ya.
Napataas kilay pa nga ang best friend ko matapos nilang magkatitigan ni Maggie. Tapos ibinalik n'ya sa 'kin ang kan'yang tingin na para bang tinatanong ako kung sino ang babaeng kausap ko.
"Kina, this is Margarita Cervantes, my former boss. Maggie, her name is Akina Suarez, my bff. Single yan." Kita kong nabilaukan si Kina sa kapeng iniinom nya habang tawang-tawa naman si Maggie.
Okay, this is interesting.
🌻🌺🥀
BINABASA MO ANG
Always, loving you (gxg) (COMPLETED)
RomanceSimple lang naman ang pangarap ni Eli, 'yun ay ang magkaroon sila ng maginhawang buhay ng kanyang lola. Ito na kasi ang nagpalaki sa kanya simula nang maaga syang maulila sa ina at iwan sya ng kanyang ama. Kaya gagawin nya ang lahat para maitaguyod...