ARAW NG LINGGO, wala akong pasok sa office at nasa bahay namin ngayon si Kina para mam-buwiset este bumisita. Close din kasi s'ya kay lola at parang apo na rin ang turing nito sa kan'ya. Nagmaktol kasi sa 'kin lola ko nu'ng nakaraan na miss na raw n'ya si Kina at sawa na s'ya sa pagmumukha ko kaya papuntahin ko naman daw ang kaibigan ko sa bahay. Grabe, minsan napapatanong ako kay Bathalang Emre kung lola ko ba talaga s'ya o isa s'yang Hathor na nagkukunwaring tao. Haha, sorry, napunta na tayo sa Encantadia.
So anyway, matapos mag-kumustahan nina Lola at Kina, ako naman ang kinukulit n'ya ngayon na magkuwento tungkol sa inuman session namin ni Debbie, also known as my boss. Nabanggit ko kasi sa kan'ya ang tungkol du'n last time kaya 'di na n'ya ako tinantanan hangga't hindi ko inilalahad ang buong pangyayari. Ayos din talaga, parang SOCO lang ang peg.
"Sure ka ba na natulog lang kayo nu'ng nalasing s'ya?" Nakangisi n'yang tanong sa 'kin dahilan para tumaas ang isang kilay ko. Busy pa naman ako sa pagluluto ng pancit canton at inaantay ko na lang kumulo ang tubig tapos bigla s'yang magtatanong ng ganu'n.
"Oo. Teka nga, ano pa bang gusto mong gawin namin?" Tanong ko habang ginugupit ang sachet ng mga seasonings.
"Napaka dumi mo talagang mag-isip." Sabi n'ya. Nilingon ko s'ya at pinamewangan. Balak ko sanang itapon sa kan'ya ang gunting na hawak ko pero pinandilatan n'ya ako ng mga mata.
"Ako pa marumi mag-isip samantalang ikaw ang marumi magtanong?" Singhal ko sabay intindi sa niluluto ko. Kumulo na kasi ang tubig at isa-isa ko nang nilagay du'n ang mga noodles.
"Curious lang naman ako kasi sabi mo sa 'kin dati ang ganda at ang hot ng boss mo. Na kahit nasa 30's na s'ya at married, mala-Diyosa pa rin ang katawan n'ya at ang kinis-kinis ng balat— aray, punyeta naman, Eli!" Sigaw n'ya matapos ko s'yang kurutin. Busy s'ya sa pagdaldal kaya 'di na n'ya namalayan na nakalapit na ako sa kan'ya.
"Isusumbong kita kay Lola, sige ka!" Maktol n'ya habang hinihimas ang braso kung sa'n ko s'ya kinurot. Mukha s'yang nakakaawa pero hindi n'ya ako mauuto. Padabog kong nilapag sa mesa ang plastic na pinggan na naglalaman ng mainit-init na pancit canton sabay kuha sa nakasabit na plastic ng pandesal na binili ko kaninang umaga tapos ay nilapag ko 'yun sa mesa. Nagtimpla din ako ng dalawang tasa ng 3 in 1 na kape at nang maiayos ko na ang mga almusal namin, hinila ko ang upuan at naupo katapat n'ya. Du'n ko na s'ya pinagtapunan ng pansin.
"Kumain ka na lang at wag kung ano-ano na ang sinasabi mo." Saad ko. Sinimangutan naman ako ni Kina habang nagsasandok ng pancit canton. Nagpalaman naman ako sa tinapay sabay kagat at nguya rito.
"Sinabi mo naman talaga 'yun, nakalimutan mo na ba?"
"Oh, eh ano naman ang kinalaman ng kagandahan n'ya sa marumi mong tanong?"
"Hay, naku. Kalimutan mo na nga 'yun!" Inismiran ko s'ya sabay lunok sa ningunguya ko. Tapos muli akong kumagat ng tinapay at pinagmasdan ang pagpapa-ikot n'ya ng tinidor sa noodles. Pero akala ko isusubo na n'ya 'yung pancit canton kaso bigla s'yang tumigil saka tumingin sakin.
"Wala ka bang tsismis d'yan? Sabi mo 'ka mo, hindi nakatira sa bahay n'ya ang husband n'ya? Bakit kaya? Di ba, mag-asawa sila? OMG, 'di kaya?"
"Wag kang mag-assume hangga't hindi mo alam ang totoo. Saka wala na tayo du'n, Kina."
"Curious lang naman ako. Ikaw ba, hindi ka nagtataka?" Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi pero isa sa natutuhan ko ay itikom ang bibig ko kung wala rin akong mabuting sasabihin. Hindi magandang ugali ang maging marites katulad ng mga tao sa opisina namin. Saka kinabukasan nang magising ako nu'n, nakapagluto na ng breakfast si Debbie at tahimik lang kaming kumain. Nag-sorry lang s'ya at nag-thank you sa 'kin dahil sinamahan ko s'ya tapos hinatid na n'ya ako sa 'min at pinayagan na mag-half day since late na ako pagpasok sa office.
BINABASA MO ANG
Always, loving you (gxg) (COMPLETED)
RomanceSimple lang naman ang pangarap ni Eli, 'yun ay ang magkaroon sila ng maginhawang buhay ng kanyang lola. Ito na kasi ang nagpalaki sa kanya simula nang maaga syang maulila sa ina at iwan sya ng kanyang ama. Kaya gagawin nya ang lahat para maitaguyod...