Love is Blind

757 27 2
                                    

Magpapaalam lang sana ako kina Tito at Tita na papasok na pero niyaya nila akong kumain muna. Hindi na sana ako kakain dahil kumain na ako bago pa maglinis. Pero pumayag na ako dahil may gusto rin naman akong sabihin.

Habang kumakain kami ay kinukulit ako ni Lawrence na noong mga oras na 'yon ay nasa likod ni Joy. Sinasabi niyang sabihin ko na raw iyong tungkol sa tour. Pasimple ko siyang pinandidilatan ng mata para hindi ako mapansin ng mga kaharap ko sa pagkain. Pero nakita pala iyon ni Joy at inakalang para sa kanya iyon. Inirapan niya ako at hindi na nawala ang pagsimangot niya matapos iyon.

Ito kasing si Lawrence, e. Kahit kalian, pahamak talaga.

"Tito Arthur, Tita Amancia. May gusto po sana akong sabihin sa inyo."

Kinakabahan ako sa magiging reaksyon nila sakaling sabihin ko na ang aking pakay. Pero kung hindi man nila ako payagan, okay lang din.

"Ano iyon?" tanong ni Tita Amancia.

"Puwede na ba akong sumama sa gaganaping tour sa school?"

Nagkatinginan ang mag-asawa. Mukhang hinihingi ang pagsang-ayon ng isa't-isa. Umiling si Tito Arthur, kaya nakaramdam ako ng lungkot. Ibig sabihin noon ay hindi nila ako papayagan.

"Chuchi, Let me tell you this. Last year, hindi namin nagustuhan ang ginawa mo. Paano kung nadisgrasya ka noong panahon na iyon? Kargo ka namin. So hindi ka talaga puwedeng sumama, dahil ayaw na naming maulit iyon. Baka ikapahamak mo pa," paliwanag ni Tita Amancia.

Naintindihan ko naman ang punto nila, at alam kong para rin sa akin iyon. Nagiging protective lang sila sa akin. Tiningnan ko si Lawrence at mukhang malungkot din siya.

"I think, okay lang na sumama si Chuchi dahil unfair naman kung sasama ako at maiiwan siya ritong mag-isa," pagsingit ni Joy.

Aba?  Himala na sinabi niya iyon. Sa buong buhay ko na nakasama ko siya, ngayon ko lang narinig na inisip niya ako. Kanina lang ay kung irapan niya ako, parang papatayin na.

Pero mabuti naman at nagsalita siya dahil mukhang nabago noon ang isip ng kanyang mga magulang. Pumayag sila basta't hinding-hindi ako hihiwalay kay Joy. Mukhang ayos naman iyon pero mukhang mahirap lang dahil hindi ko kasundo ang kanilang anak.

Hindi ko pa alam pero sigurado akong may planong hindi maganda itong pinsan ko. Hindi sa pagiging judgmental, pero kilala ko kasi siya.

Bahala na. Ang importante ay makakasama ako sa tour. Kahit na buong araw ko pang tiisin ang ugali niya, gagawin ko. Bukod kasi sa makakatulong iyon sa pinili kong kurso, matutulungan ko pa si Lawrence. Hitting two birds in one stone, ika nga nila.

***

"Hindi ako papasok ngayon? Nahihibang ka ba?"

Medyo napalakas yata ang sigaw ko habang naglalakad. Nakalimutan kong multo nga pala ang kasama ko at ako lang ang nakakakita. Napatingin ang halos lahat ng nakarinig sa akin. Nagtataka siguro at iniisip na baliw ako.

Kinuha ni Lawrence ang kamay ko na may hawak na cellphone. Itinaas niya ito at idinikit sa akin tainga.

"Anong ginagawa mo?" tanong ko sa kanya.

"Kunwari, may kausap ka sa phone."

"Hindi ba mukhang tanga ako nito? Wala naman akong kausap sa kabilang linya?"

"Mas magmumukha kang tanga kung magsasalita kang mag-isa. At least yan, ako lang ang nakaka-alam na wala kang kausap sa phone."

Oo nga, no? Bakit hindi ko ba naisip 'yon? Gumagana rin naman pala ang isip niya paminsan-minsan.

"Saan ba kasi tayo pupunta? At bakit kailangan kong um-absent?"

"Basta."

"Ayan na naman tayo sa basta-basta, e. Akala ko ba malinaw na sa atin ang lahat na hindi ka dapat maglilihim sa akin?"

"Drama naman nito. Oo na, pupunta tayo sa kaibigan kong doktor."

Doktor? Bakit? Sino ang may sakit. E patay na siya. Sino ipapagamot niya, ako?

"Bakit? Anong gagawin natin doon?"

"Magpaparetoke ka."

What? Siraulo ba siya? Magdedesisyon siya nang hindi kumukonsulta sa akin. Tsaka anong magpaparetoke? Wala naman sa usapan iyon.

"Ako? Bakit?"

"Malamang. Para gumanda ka."

"Hoy, Mr. Legarda! Wala sa usapan natin ang bagay na 'yan. Hindi ko kailanman ginusto na baguhin ang sarili ko."

Nakakapikon na siya. Akala mo kung sino. Tanggap ko na pangit ako, pero sobra-sobra na kung ipamukha niya sa akin 'yon.

"Paano ka magugustuhan ni Andrew?"

Bigla akong napag-isip ng tanong niyang iyon. Oo nga, paano nga naman ako magugustuhan ni Andrew kung ganito ang hitsura ko. Kahit pa sabihin na tanggap ko ang aking hitsura, hindi nito mawawala ang katotohanan ni Malabo akong magustuhan ng taong gusto ko. 'Yon ang realidad na mas dapat kong tanggapin. Pero hindi ba pangit na magugustuhan niya ako nang dahil lang sa maganda ako? Gusto ko, kung mamahalin man niya ako, 'yong buong-buo.

Ayaw kong magustuhan niya ako sa ibang katauhan. Hindi na si Chuchi 'yon.

"Hindi ko kailangang magbago para lang mamalimos ng pagmamahal."

"Wow. Impressive. Pero ipapa-facial lang naman kita. Medyo dry na kasi 'yong skin mo. Walang retoke."

Bigla siyang tumawa kaya naasar ako. Nakakainis talaga siya, palagi na lang akong binubuwisit. Akala ko pa naman talagang ipaparetoke niya ako. Takot kaya ako sa injection.

"At saka hindi mo ba natatandaan 'yong sinabi ko? Kailangan na ang mahahanap ko ay mamahalin ka kahit na ano pa ang hitsura mo. So kailangan, pangit ka lang talaga. Stay as you are."

"Ay, wow. Nakaka-flatter naman. Bakit hindi mo pa lubus-lubusin 'yong panglalait mo? Kung maka-stay as you are ka naman."

"O, hindi ba't tama naman? Huwag kang mag-alala. Gagawin ko ang lahat para mahalin ka ni Andrew, kahit na..."

Bigla siyang tumingin sa akin, "You know."

"Para ka kasing sira. Pinakaba mo ako. Okay lang na walang magkagusto sa akin at tumandang dalaga, sapat na sa akin 'yong pagmamahal ng Diyos at pamilya ko."

"E, paano naman ako? Hindi na ako makakatawid sa langit noon."

"Kasalanan mo na 'yan. Kung walang magmahal sa akin, e di mapupunta ka sa impyerno."

"Ang sama. Basta. Pangako ko, mamahalin ka ni Andrew kahit na ano ang mangyari."

"Talaga ba? Kahit na walang retoke?"

"Oo naman, love is blind."

Naku baka naman bulagin niya si Andrew para hindi nito makita ang mukha ko.

"Kung si Melai, may Jason. Si Shrek ay may Fiona. At si Beast ay may Belle. Si Chuchi naman, ay may Andrew."


"Nice naman. Ang ganda ng words of wisdom mo. Kaso, bakit parang ang papangit yata ng mga binanggit mo?"


"E, bakit? Maganda ka ba?"


Nag-isip ako nang kaunti. Hindi ko kasi alam kung biro ba iyon o namemersonal na siya. Ang sakit ng tanong niya. Pero sabi nga nila, truth hurts.


"Tingnan mo 'to, nag-isip pa. 'Hindi' ang sagot doon."


Aray. Grabe kung mamersonal 'tong tao na 'to. Hindi man lang ako hinayaang sumagot para sa sarili ko. Basta, LOVE IS BLIND. Iyon ang panghahawakan ko.


Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa  Balat ng LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon