Makeover

832 28 3
                                    

"Ito? Okay lang ba?" mahinang tanong ko kay Lawrence dahil pansin kong kanina pa nakatingin sa akin ang mga saleslady. Marahil ay napapansin nilang may kausap akong hindi nila nakikita. Pigil ang aking mga galaw sa tuwing lalabas ng fitting room.

"Ang pangit!"

Saglit lang niya akong tiningnan ngunit nakilatis na kaagad niya ang napili kong kasuotan, at hindi niya iyon nagustuhan.

"Ang alin? Ako o 'yong damit?"

"Parehas."

Kanina pa kami pumipili ng magandang damit pero nakakainis dahil wala pa siyang nagugustuhan. E, ang hirap naman kasing bagayan ng magarang damit itong mukha ko. Kaya nga sa ukay-ukay lang ako bumibili ng mga damit e.

Ang hirap pala ng ginagawa ng mayayaman. Pa-facial, paayos sa salon, shopping. Nakakapagod.

Bukod sa nakakapagod, magastos din. Biruin mo, halos nakasampung libo ako sa salon? Kung sabagay, kumbaga sa libro, major revision ang kailangan sa akin para gumanda. Baka nga mura pa iyon e.

Nagustuhan ko naman ang resulta. Lumabas kasi ang naitatago kong ganda, kahit wala naman talaga. Minsan naiisip ko, bakit kasi mayroon pang pangit at maganda? Bakit may mahirap at mayaman? Puwede naman sigurong pantay-pantay. Sana ganun na lang, mas madali pa ang buhay.

"Nakaka-isandaang damit na ako, wala ka pa ring nagugustuhan?"

"Wala pa. Ikaw ang may gusto nito, sabi mo ako ang mamili."

"Dapat naman talaga dahil ikaw ang lalaki. Kung magugustuhan mo, malaki ang tsansa na magustuhan din ni Andrew."

"Okay, okay. Palitan mo, hindi bagay sa iyo."

"Ano ba naman 'yan. Parang ipinapamukha mo naman sa akin na itong mukha ko ang dapat kong palitan."

"Hindi naman sa ganoon. Dapat mo kasing paghandaan 'yong foundation day at ang mga magiging date ninyo ni Andrew."

"Date kaagad? Hindi pa nga kami close e."

"Darating din tayo 'ron. Mas mabuti na ang makapaghanda tayo nang maaga. Isa pa, kailangan na nating gumastos bago pa ma-deactivate ang lahat ng accounts ko."

Sabagay, may punto siya. Mahirap nga namang gumalaw nang walang kapera-pera.

Nakailang boutique kami sa paghahanap ng damit. Kada boutique, isang damit lang ang bibilihin namin. Minsan wala pa. Kaya napagod talaga ako. Masyado kasing maarte at mapili ang kasama ko kaya inabot ng diyes oras ang pamimili namin ng mga damit. In fairness, may taste ang mokong.

Pagkatapos naming mamili ng mga damit ay nagpunta naman kami sa salon upang magpaayos. Unang beses kong magtungo rito kaya nahihiya ako. Baka kasi sabihan ako na hindi nila ako kayang pagandahin at sa Belo ako dapat dumiretso.

"Ma'am, gumagamit ka po ba ng conditioner?" tanong ng baklang nag-aayos ng buhok ko. Halos mabalian na ako ng ulo dahil sa tuwing hahagurin niya ng suklay ang aking buhok ay sumasabit ang mga buhol nito.

Umiling lang ako. Hindi naman kasi talaga ako madalas gumamit ng conditioner dahil nagkakaroon ako ng balakubak.

"Ah. Try po ninyo ma'am, minsan. Hindi naman masama. Ang tigas at ang lagkit po kasi nitong buhok niyo e."

Napansin kong iritable siya dahil nakasimangot at panay ang kanyang iling. Nakakaasar din tuwing malalim ang kanyang buntong-hininga, mukhang may gustong ipahiwatig. Parang gusto yata niyang makita ang aking kamalditahan. Pero mas pinili ko ang maging kalmado.

"Alam mo, Ma'am. Kanina matalas pa itong gunting ko e. Ngayon mapurol na magmula nang gamitin ko sa buhok niyo," kuwento niya habang ginugunting ang dulo ng aking mahabang buhok.

Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa  Balat ng LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon