Kaunti na lang pala at matatapos na namin ang unang misyon ni Lawrence. At 'yon ay ang mapatawad siya ng mga taong nagawan niya ng kasalanan.
Si Domingo, Si Jomar at ang Pamilya ni Mayumi. Sila na lang ang kailangan naming puntahan upang matapos na ang unang misyon. Mukhang mahihirapan ako sa kanila dahil base sa kuwento ni Lawrence, mabigat ang kasalanan niya sa mga ito. Mukhang mahihirapan akong ihingi siya ng tawad.
Inilapag ko sa aking kama ang listahan na ginawa namin ni Lawrence.
Kanina pa ako kain ng kain ng chips na binili ko sa grocery. Malaki kasi ang binili kong chips, para sana sa aming dalawa. Naalala ko na hindi na pala siya makakakain kaya't solo ko ang chips at itong malamig na softdrinks.
Nakaka-miss din pala ang may kaagaw ka sa pagkain.
Noong bata pa kasi ako, naaasar ako sa tuwing manghihingi at makikipag-agawan ang mga kapatid ko ng sitsirya sa akin. Palagi kong sinasabi na darating ang panahon na masosolo ko rin ang bibilihin kong sitsirya. Pero heto ako ngayon, nagdadrama. Hindi rin pala masaya kapag mag-isa. Wala ka ngang kaagaw sa sitsirya, pero wala ka ring karamay sa oras ng kalungkutan.
Kumusta na kaya ang mga kapatid ko? Ang mga magulang ko.
Kapag umuwi ako sa probinsya, bibilihan ko sila ng tig-iisang chips. 'Yong kagaya ng kinakain ko ngayon. Ewan ko lang kung hindi sila magsawa.
"Mamayang gabi na 'yong Annual Reunion ng batch namin sa Little Angel, school ko noong elementary kung saan naging classmate ko si Domingo. Tawagan mo ang organizer kung may pupunta bang Domingo Dominador."
"Paano kapag tinanong kung sino ako? Anong sasabihin ko?"
"Sabihin mo na isa ka sa mga magpupunta sa event."
"Kapag tinanong ang pangalan ko?"
"Sabihin mo... Ikaw si Darling Geronimo. Oo tama, magkunwari kang si Darling."
Sinunod ko ang sinabi ni Lawrence at kaagad na tumawag sa telepono.
"Hello. This is Maximo Oliveros. Who's this?
Isang bakla ang sumagot ng telepono, nahalata ko iyon dahil sa boses.
"Hello. Good afternoon. This is Darling...?"
Nalimutan ko ang apelyido kaya't nilalakihan ko ng mata si Lawrence upang ipaalala niya sa akin.
"Geronimo," saad ni Lawrence.
"Geronimo. This is Darling Geronimo. Gusto ko lang malaman if darating ba ang kaibigan kong si Domingo Dominador sa Reunion."
Kinakabahan kong sagot. Hindi ko alam ang aking sasabihin kaya sana naman ay hindi na siya magtanong pa ng kung ano-ano.
"Hi Darling! How are you? Makakapunta ka ba mamaya?"
"Yes. Pupunta ako."
"Wait. Parang nagbago ang boses mo...?" Kinabahan ako nang sabihin niyang iyon. Gusto ko na sanang ibaba pero mas pinili kong hintayin ang mga susunod niyang sasabihin.
"May sakit ka ba? Mukhang malat ka e."
Nakahinga ako nang maluwag dahil sa mga sumunod na sinabi niya. Buti naman at hindi siya naghinala.
"Yes. May ubo kasi ako." Nagkunwari akong nasamid at umubo.
"Inuman mo na kaagad ng gamot 'yan, bakla ka. Para naman makapag-enjoy ka mamaya."
Mukhang paniwalang-paniwala siya na ako ang kaibigan niyang si Darling. Matagal sa tuwing sasagot ako sa mga sasabihin niya, nag-iisip kasi ako ng mga dahilan na hindi siya makakahalata.
"Oo, actually pagaling na ako." Muli ay nagpanggap akong nauubo.
"Mabuti naman. Oh! I almost forgot. Ano nga ulit ang pangalan ng itinatanong mo?"
"Domingo Dominador."
"Okay, I'll check it."
Ilang minuto akong naghintay sa kausap ko. Dinig ko ang paghinga niya at ang pagbulong niya sa pangalang Domingo. Malamang ay hinahanap na niya iyon sa listahan. Matiyaga akong naghintay hanggang sa nagsalita siya.
"Sis. Walang Domingo sa listahan, e. Teka, sino ba iyon? Bakit itinatanong mo?"
"Wala, Sis. May nagpapatanong lang. Sige na, may kailangan pa akong asikasuhin."
Hindi pa man siya nakakasagot ay ibinaba ko na ang telepono. Mahirap na, baka kung ano pa ang itanong e. Wala akong maisasagot.
"Wala raw Domingo na pupunta," baling ko kay Lawrence.
"Sigurado ka?"
"Oo. Narinig mo naman 'di ba ang usapan?"
Napabuntong-hininga na lang siya. Mukhang mahihirapan kaming hanapin ang Dominador na ito. Baka hanggang ngayon ay nasa Thailand pa rin siya.
"Saan na natin hahanapin ang Donna na iyon."
Bigla akong napatingin sa kanya. Oo nga pala. Nagbago na siya ng pangalan. Paano kung ang gamit na niyang pangalan ay 'yong bago?
"Teka? Baka naman kaya walang Domingo Dominador sa listahan ay dahil hindi na iyon ang ginagamit niya?"
"Paano namang nangyari 'yon?"
"E, di ba sabi mo nagpalit na siya ng kasarian? Malay mo Donna na ang ginagamit niya."
"Oo nga 'no? Tawagan mo ulit. Itanong mo kung may Donna Dominador na pupunta."
Tumawag ulit ako at sinagot naman ito ni Maximo.
"Sis, Donna Dominador pala. Nagkamali ako. Pakihanap naman kung may Donna Dominador."
"Adik ka, Sis. Ang layo kaya ng Dominador sa Donna," natatawa niyang tugon.
"Oo nga e. Dala siguro ng iniinom kong gamot," pagdadahilan ko sa kanya.
"Pero sige. Dahil friends tayo at dahil love kita, I'll check again if may Donna Dominador sa list. Wait mo lang ako, Sis."
Ilang minute ulit akong naghintay bago siya magsalita sa kabilang linya.
"Sis. Wala talaga, e. Ang meron lang dito, Donna Kawasaki."
"Ganun ba. Maraming salamat."
"Oo, Sis. Sorry. See you later!"
"See you."
Ibinaba ko na ang telepono at hinarap si Lawrence.
"Wala daw talaga. Donna Kawasaki lang ang meron."
"Kawasaki? Ang alam ko, wala namang hapon sa batch namin."
Nagsalin ako ng softdrinks sa baso at saka ininom ito. Puno kasi ang bunganga ko, at nagkataon na may sasabihin ako kay Lawrence. Nang malagok ko ang lahat ng nasa bibig ko ay saka ako nagbigay ng opinyon.
"E, malay mo naman nakapag-asawa na."
Biglang napatigil si Lawrence. Nag-isip nang malalim. Ako naman ay nilantakan muli ang chips na nasa aking harapan.
"Tama! Baka nakapag-asawa ng hapon si Domingo noong nagpalit siya ng kasarian. Wala naman kasi akong kilalang Donna sa batch namin bukod sa kanya."
Akalain mo iyon? Tsumamba pa ang opinyon ko. Hindi naman kasi talaga iyon ang naisip ko.
"So, paano 'yan? Anong plano mo?"
"Pupunta ka mamaya. At doon mo mismo kakausapin si Domingo."
Nabilaukan ako nang marinig ang naisip niyang plano. Kinakabahan na naman kasi ako. Mukhang isasabak na naman niya ako sa giyera. Pero this time, may baril naman. Iyon nga lang, walang bala 'yong baril.
"Seryoso ka ba? Pupunta ako sa party kahit na hindi naman ako imbitado 'ron?"
"Yeah. Don't tell me you'd never crashed a party before?"
"Malamang, hindi pa. Hindi pa naman ako nasisiraan ng bait 'no."
"Then, you'll experience it later."
Isang makahulugang ngiti ang ibinigay niya sa akin. At sa tuwing ngingitian niya ako nang ganun ay hindi ko nagugustuhan ang mga ipinapagawa niya.
BINABASA MO ANG
Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa Balat ng Lupa
HumorPayag ka ba na kamukha mo si Kathryn Bernardo pero ang mga ngipin mo ay puro bagang? O kaya naman ay kamukha mo si Daniel Padilla pero ang tainga mo ay kasinlaki ng sa elepante? Paano kung ka-boses mo nga si Charice pero isandaan naman 'yong mga dal...