Sabi nga nila, Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy. Heto, napilit din niya ako. Pero hindi magpakasal, a. Napilit din niya akong nakawin ang mga gamit niya.
Wala na rin akong nagawa. Tutal, sinabi na naman niya sa akin ang kanyang misyon. Kulang nga lang ng isa. Confidence-tial daw kasi iyon. Ayaw ko rin naman maging masama 'yong ugali ko. Kahit na ano pa ang mga nagawa niya sa akin sa nakaraan, hindi ko na iisipin. Ang kailangan ko na lang gawin ay ang kalimutan ang lahat ng mga nangyari para mapatawad ko na siya. Ang lagay e, pangit na nga tapos pangit pa ang ugali? Hindi naman ako ganoon. Kaya tutulungan ko siyang makatawid sa langit.
Isa pa, pumayag naman siya na si Andrew ang pilitin niyang ma-inlove sa akin. Kahit daw malabong mangyari iyon, gagawin niya. Iyon lang, hindi para sakin kundi para sa kanya. Makasarili pa rin talaga.
Saktong-sakto dahil nakita naming na lumabas sa gate ang sinasabi niyang Manang upang magtapon siguro ng basura. May bitbit kasi itong malaki at itim na plastic bag. Garbage bag kung tawagin.
"Kapag nakalayo na si Manang, tsaka tayo papasok. Okay?"
Nakatalikod niyang paalala sa akin. Kinakabahan talaga ako sa gagawin kong ito. Never in my entire life-Teka, ayaw ko nang mag-ingles. Baka sumablay na naman. Basta, kinakabahan ako. Tapos.
Nang medyo nakakalayo na iyong matanda ay sinabihan niya na akong pumasok. Pakiramdam ko ay nagsitakasan ang lahat ng dugo ko sa katawan nang dahil sa sobrang takot. Kung magkataon at mahuli ako, mahina ang isang taong pagkakakulong dahil sa pagnanakaw at trespassing. Bahala na.
Nilakasan ko na lang ang loob ko at ibinigay ang tiwala sa plano ni Lawrence.
Medyo nakahinga ako nang bahagya nang makapasok ako sa malaki at puting gate. Pinagmasdan ko ang malaking bahay nina Lawrence, harapan pa lang ang nakikita ko pero namangha na ako. Sana lang ay hindi ako makita ni Manang.
Sinubukan kong buksan ang main door ngunit naka-lock ito.
"Tara sa likod. Doon tayo dadaan."
Ang yaman talaga. May back door pa ang bahay.
Marahan kong tinahak ang daan papuntang likuran ng kanilang bahay. Nadaanan ko ang maganda nilang hardin na puno ng mga malalaking pigura ng kerubin. Namamangha talaga ako sa ganda ng bahay nila.
Noong marating ko ang likuran ay kinabahan na naman ako. Bukas ang pinto nito, marahil nakalimutan ni Manang isara noong lumabas siya. Nakita ko ang dalawang washing machine sa gilid. Siguro, doon ang laundry area ng bahay nila.
"Hoy, Pangit!"
Halos lumundag ang puso ko sa sobrang gulat dahil sa nagsalitang iyon. Inilibot ko ang aking paningin upang hanapin kung kanino nagmumula ang boses na iyon pero wala naman akong nakitang tao.
"Lawrence! Sino 'yon?"
Naiiyak na ako dahil iniisip ko na may nakakita sa akin sa loob ng bahay nila.
Bigla siyang tumingin sa itaas at inginuso ang isang puting ibon. Isang puti at napakagandang parrot. Kaso ang sama ng ugali, katulad ng mga taong kakilala ko. Magaganda nga ang panlabas na anyo pero ubod naman ng pangit ang pagkatao.
Tawagin daw ba naman akong pangit. Ang sakit kaya.
"Hoy! Sinong pangit?" tanong ko. Malamang niyan ay kakaunting salita lang ang alam niyang bigkasin. At isa na roon ang salitang 'Pangit'. Pero kapag kinausap ko na ang salbaheng ibon na 'to ay hindi na makakasagot pa.
"Ikaw!"
Aba! Siraulong ibon 'to, a. Mana sa amo!
"Huwag mo na ngang pansinin 'yan. Baka maabutan tayo ni Manang dito."
Pumasok na ako sa loob ng bahay at binilatan ang salbaheng ibon.
"Salbahe 'yong ibon niyo! Mana sa amo. Turuan naman ninyo ng magandang asal," bulong ko kay Lawrence.
"Uy, hindi salbahe 'yon. Nagsasabi lang ng totoo."
"E di sabihin mong huwag siyang maging honest! Nakakasakit na siya ng damdamin."
"Easy. Ibon lang 'yan," natatawa niyang pagpapaalala sa akin. Nakaakyat na kami sa hagdan at tinatahak naming ang daan papunta sa kanyang kuwarto.
"Yon na nga, e. Pati ibon, alam na pangit ako."
Pumasok na kami sa dati niyang kuwarto at muli ay namangha ako sa laki. Halos buong bahay na namain iyon sa probinsya, e. Mas malaki pa nga yata ang kuwarto niya.
Ipinahanap niya sa akin ang wallet na gamit niya bago siya mamatay. Nakita raw kasi niyang inilagay ang lahat ng gamit niya sa isang malaking box. Ang box na iyon ang hinahanap naming para makita 'yong wallet niya.
Hinanap niya sa ilalim ng kama habang ako naman ay sa kanyang aparador.
Mukhang mas magaling akong maghanap sa kanya dahil nakita ko agad ang hinahanap namin. Nakita ko ang malaking ngiti sa kanyang labi nang makita ang kahon. Hinila ko ito palabas ng aparador.
"Teka. Dito ka muna, titingnan ko si Manang sa labas ng kuwarto. Baka kasi biglang dumating."
Lumabas si Lawrence at ako naman ay binuksan ang malaking kahon sa harapan. Nakita ko ang mga gamit ni Lawrence sa loob noon. Siguro, lahat ng mga pinahahalagahan niyang bagay ay nandoon. Kahit kasi 'yong mga laruan na pambata ay nandoon.
Napangiti ako nang makita ang isang bangka na gawa sa papel. Kahit pala Bully na kagaya niya ay naglalaro noon. Ang akala ko kasi dati ay mga katulad kong pangit at mahina lang laruan nila.
"Magtago ka! Paakyat si Manang!"
Nagulat ako nang bigla siyang pumasok. E, hindi ko pa nga nahahanap 'yong wallet niya.
"Teka. Hindi ko pa nakikita 'yong wallet."
"Mamaya na 'yan. Hindi ka dapat niya makita." Natataranta na siya kaya agad akong pumasok sa loob ng aparador at naiwan ang kahon sa labas.
Kita ko sa mga pahahabang butas ang pagpasok ni Manang. Nakita kong pinagmamasdan niya ang buong paligid na para bang may hinahanap.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapadako ang paningin sa kahon.
Naglakad siya papunta doon sa kahon na nasa harapan lang ng aparador kung saan ako nagtatago. Mas lalong umigting ang kaba ko dahil doon. Habang si Lawrence ay nakamasid lang at binabantayan ang bawat kilos ng matanda.
"Sir Lawrence! Huwag naman kayong manakot. Alam kong nandito pa kayo pero sana huwag kayong mapapakita sa akin lalo na ngayon dahil mag-isa lang ako sa bahay."
Gusto kong tumawa nang dahil sa narinig pero naalala ko na hindi pala puwede.
Nanginginig niyang isinara at itinulak ang kahon papalapit sa aparador. Pagkatapos noon ay akma niyang bubuksan ito ngunit nakita kong niyakap ni Lawrence si Manang.
Napatigil si Manang sa gagawin dahil sa yakap ni Lawrence. Ibinalot ng sarili niyang kamay ang kanyang katawan. Para siyang nilalamig. Kumaripas siya ng takbo papalabas dahil siguro sa takot.
Nakahinga ako nang maluwag dahil doon.
Inilock pa ni Manang mula sa labas ang pinto ni Lawrence.
"Sige na. Lumabas ka na."
Narinig kong nagsalita si Lawrence. Sumunod naman ako.
Kaagad kong hinanap ang wallet na ipinapahanap niya sa akin. At nakita ko iyon sa pinakailalim ng kahon. Inilabas ko ang atm at credit cards niya.
Hindi ko alam kung dahil sa tuwa o dahil crush niya ako kaya niyakap niya ako nang mahigpit. Sa wakas, natapos din ang unang bahagi ng misyon.
BINABASA MO ANG
Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa Balat ng Lupa
HumorPayag ka ba na kamukha mo si Kathryn Bernardo pero ang mga ngipin mo ay puro bagang? O kaya naman ay kamukha mo si Daniel Padilla pero ang tainga mo ay kasinlaki ng sa elepante? Paano kung ka-boses mo nga si Charice pero isandaan naman 'yong mga dal...